PENTECOST SUNDAY REFLECTIONS on DCF: “Nang Dumating ang Espiritu Santo”

Photo: banrepcultural

Mayo 20, 2018. Linggo ng Pentekostes.

Salmo 104: “Espiritu mo’y suguin, Poon tana’y yong baguhin.”

Unang Pagbasa: Gawa 2:1-11

Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano’y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat?

Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo’y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?”

Ikalawang Pagbasa: 1 Cor 12:3b-7, 12-13 (o Gal 5:16-25)

Kaya’t nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya’y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba’t iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu.

Ebanghelyo: Juan 20:19-23

Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”

Pagninilay:

Nabubuhay tayo sa panahon kung saan kasakasama natin ang Espiritu Santo na ipinadala ni Jesu Cristo matapos Niya umakyat at maluklok sa kanan ng Diyos Ama sa Langit (Credo). Matatandaan na noong mga nakaraang ebanghelyo bago umakyat sa langit si Jesus ay ipinangako Niyang ipapadala Niya ang kanyang Espiritu Santo upang ating maging gabay, kasakasama at patnubay sa ating mga gawain. Ang Espiritu ng Diyos, ang tagapagturo ng lahat ng bagay, nagpapaunawa sa atin ng mga bagay-bagay lalo na sa mga tungkol sa ating pananampalataya at pagkilala sa Diyos, nagpapayo ito sa atin, at tinutulungan tayong magdasal at ialay ang ating panalangin na naitatago sa kailailaliman ng ating puso at kaluluwa, at marami pang iba. Siya ang Diyos na nagbubuklod sa ating lahat na sumasampalataya kay Cristo at Siya rin ay walang hanggang bukal ng mga biyaya at grasyang magdudulot sa atin ng kapayapaan at kagalingan sa buhay.

Wala ito sa malayo, ang Espiritu ng Diyos, ay nasa ating lahat, namumuhay sa ating puso, at Siya ang pinanggagalingan ng ating mga talento, biyaya, talino, at marami pang iba. Sinabi ni Pablo sa pangalawang pagbasa, na maging ang ating kaalaman at pananampalataya na mayroong Diyos at ito ay si Jesu Cristo – lahat ito ay kaloob sa atin ng Panginoon at ng Kanyang Espiritu na nanahan sa atin. Madalas, ang iba ay naiiisip nilang sila ay mag-isa, malungkot at tila mabagal ang ikot ng buhay. Ganito ang nangyayari kung hindi natin matukoy ang presensiya ng Panginoon sa ating buhay. Kung mawala man sa ating pagkatao ang pagkalinga at pagkabukas natin sa Kanyang presensiya sa mismong ating mga puso at kaluluwa.

Ang Espiritu ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng sigla, ng misyon sa ating buhay, at ng saysay ng buhay na Panginoon ang nagbigay sa atin. Isang magandang ugaliin na araw-araw, paggising sa umaga ay ating dalangin sa Panginoong, gabayan Niya tayo at ng Kanyang Espiritu dahil ito ang Kanyang katuparan ng pangako bago Siya umalis at bumalik sa kalangitan. Hanggang sa buong araw ay damhin natin ang Kanyang presensiya at hayaan tayong gabayan sa ating mga gawain. Tawagin agad ang Espiritu Santo, anumang oras kailanganin at gustuhin pagkat dinirig tayo ng Diyos anumang oras Siya tawagin ng buong puso. Galing mismo sa Banal na Labi ni Jesus ang mga katagang “Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.”

Kung tayo ay naniniwala sa sinasabi ng mga artista at mga mag-uulat sa telebisyon, paano pa kaya ang Diyos na mismo ang nagsabi sa atin? Hindi pa ba tayo maniniwala?
Mga minamahal na kapatid, patuloy lamang tayong kumapit sa Kanyang pangako. Ang ating pananampalataya ang magliligtas sa atin dahil makikita Niya ang pangangailangan natin sa Kanya at tayo ay Kanyang kakaawaan. Makukuha natin ang tulong at paggabay na ating inaasam. Hindi Niya ipinapangakong wala na tayong problema o pagsubok sa buhay dahil doon tayo natututo kung paano mas magmahal ng ating kapwa at dumulog pa sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang awa, pagmamahal at tulong. Sa kabila ng lahat nating paghihirap at mga suliranin para sa mga minamahal at kapwa, ay ang hamon sa atin na patuloy pa ring magmahal at magsilbi upang lumago tayo sa pag-ibig na itinuturo ng ating Panginoon. Isang Dakilang Pag-ibig kung saan, ipinaramdam sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ng pagkabuhay, pagpapasakit, pagkamatay sa Krus at Kanyang muling pagkabuhay. Itong lahat ay alang-alang sa kaligtasan ng lahat ng mga taong Kanyang lubusang minamahal.

Sa pagtatapos ng panahon ng pasko ng muling pagkabuhay ay baunin sana natin ang alaala ng pag-ibig na ito ng Diyos para sa ating lahat. Naririto ang Diyos namumuhay sa atin sa iba’t-ibang paraan. Sa ating sariling puso at kaluluwa, maging sa puso ng ibang tao, sa mga pangyayari sa ating buhay, hanapin lamang natin Siya at atin Siyang mararamdaman.
Itong pangako na akma para sa lahat ng naniniwala at nagmamahal sa Kanya – na tayo’y mananatili sa piling ng Diyos ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

Panalangin:

Panginoon, maraming salamat sa iyong patnubay at gabay sa akin at sa lahat ng aking mga minamahal sa buhay. Minsan ay madali akong mapanghinaan ng loob, dito mo po ako tulungan at kaawaan. Kung maramdaman ko mang bahagya ang iyong presensiya at sa oras ng pag-aalala at pagdududa, hawakan mo ang aking mga kamay at ibangon ako at ang lahat ng aking minamahal sa pagkakasadlak sa aming kakulangan ng tiwala. Patawarin mo kami sa aming kahinaan Jesus, kami ay umaasa lamang sa Iyo.

Sa kabila ng lahat, ay nananalig pa rin ako, sa iyong walang hanggang pagmamahal at awa na Siyang magliligtas sa aming mga suliranin sa buhay. Tulungan mo kaming manatili sa Iyo sa pamamagitan ng Espiritu mong Banal. Hinihiling namin ito sa Matamis na Ngalan ni Jesus. Amen. +

Isang Mapagpalang Linggo ng Pentekostes sa Lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections: Admin. FMM. Francesca Maria Margarita 

Leave a comment

Published by Defend The Catholic Faith

View all posts by Defend The Catholic Faith →