SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS: “Ang Pagpapakasakit ng Panginoon”

Photo Credit: Lumo Project

Marso 25, 2018. Linggo ng Palaspas (Palm Sunday).

Salmo 22: “D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman ako’y yong pinabayaan.

Ebanghelyo: Marcos 14:1-15:47* (o Marcos 15:1-39)

Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.

“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.
“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.
Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang paratang laban sa iyo.”

Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya’t nagtaka si Pilato.
Tuwing Pista ng Paskwa, si Pilato ay nagpapalaya ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. 8Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, 9tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.

Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. Kaya’t muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gusto ninyong gawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
“Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.
“Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.

Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, sila’y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya’y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. Matapos kutyain, siya’y hinubaran nila ng balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.

Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Siya’y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio”. May dalawang tulisang kasabay niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Sa ibang manuskrito’y may dagdag na: sa gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”

Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumaba ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa’t isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”

Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.

Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”

Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.

Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.
At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”

Pagninilay:

Ang Panginoong Jesus ay nagdusa at nagpakasakit hindi lang pampisikal ngunit maging ang kanyang kaluluwa, kalooban, puso at dadamdamin ni Jesus ay lubhang sugatan. Dala-dala ng mga sugat na ito ni Jesus ang bigat ng ating kasalanan na dapat nga tayo ang nagdadala. Ngunit pinili ni Jesus na dalhin alang-alang sa atin. Ang ating buhay dito sa lupa noon man hanggang sa ngayon, mapansin man ng karamihan o hindi, ay tila napakabigat ng mga pasanin, kung hindi natin hingin ang tulong at lakas ng ating Diyos. Kung iisipin natin ang bawat problema na tayo lang ang magdadala ay halos hindi natin makakayanan ang lahat. Ngunit dahil sa halimbawa at pangunguna ni Jesus sa kanyang sakripisyo ay matatagpuan natin mula sa kanya ang lakas upang pagtagumpayan ang bawat hamon sa ating buhay. Si Jesus sa Krus ang ating walang hanggang lakas hanggang sa huli. Marapat lamang na alalahanin natin ito bilang mga Kristyano at lagi-laging tumalima sa kanya bawat oras ng ating buhay. Hindi lang sa kasayahan kundi maging sa mga hirap. Tulad na lamang ng pagtalima ng isang maliit na paslit sa kanyang Ama, may buong tiwalang makakamtan din ang Gloria ng buhay tulad ni Jesus.

Para sa atin na sumasampalataya sa kanya ay alam natin at naniniwala tayo na hindi lang sa pagkamatay at pagkakasakit natatapos ang lahat. Ngunit sa kanyang muling pagkabuhay na siyang nagbibigay saysay sa dinanas ni Jesus. Dahil sa Kanya, nagkaroon din tayo ng bagong buhay, at mas matibay na lakas upang magmahal sa kabila ng mga pagsubok sa ating buhay.

Ngayong Mahal na Araw ay pasalamatan natin ang Panginoon at mag-alay ng sakripisyo kahit maliit man, para sa kanya. Buong puso nating ialay sa kanya anumang nais natin: ang ating pag-aayuno, ang pagtatanggi sa sarili sa ating paboritong pagkain upang mas makapagbigay ng limos, pagpunta sa kumpisal at paghahanda sa sarili bago ito, at marami pang iba’t ibang paraan ayon sa ating kalooban na gustong mag-alay din ng pagmamahal sa Panginoon. Higit na mahalaga dito sa lahat at kasama nito ay ang kalooban natin handang tanggapin si Jesus at makibahagi sa kanyang pagdurusa at pagkamatay.

Hinihintay tayo ng Panginoon, nawa ay pahalagahan natin ang sakrpisyo ng pag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa pagtanggap natin ng kabuuan at kaganapan ng kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat.

Panalangin:

Panginoong Jesus, hindi ako karapat-dapat sa iyong pagmamahal. Mas lalong hindi, na pag-alayan pa ng iyong buhay. Ngunit pinili mo ako at minamahal hanggang sa mga oras na ito. Ginusto mong magsakripsyo hanggang kamatayan upang kami ay mabuhay.

Tulungan mo akong mas maunawaan pa ito sa aking puso, at dalhin habang buhay upang ika’y maging sandigan at lakas sa lahat. Ako’y alalahanin mo kasama ng aking mga minamahal sa piling mo ngayon hanggang sa buhay na walang hanggan.

Amen. +

Isang mapagpalang linggo sa ating lahat!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Copyright Reflections Written By:

Admin. Frances Mary Margaret

© Photo: Lumo Project

Leave a comment

Published by Defend the Catholic Faith

View all posts by Defend the Catholic Faith →