SUNDAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Tayong mga Anak ng Diyos”

Hunyo 10, 2018. Ika-10 Linggo sa Karaniwang Panahon

Salmo 130: “Sa Piling ng Poong Diyos may pag-ibig at pagtubos.”

Unang Pagbasa: Gen 3:9-15

Pero tinawag ng Panginoong Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” Nagtanong ang Panginoong Dios, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.”

Tinanong ng Panginoong Dios ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”

Kaya sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”

Ikalawang Pagbasa: 2 Cor 4:13-5:1

Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako’y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami’y sumasampalataya. Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya.

Kaya’t hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad.

Kaya’t ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita.

Alam nating kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, na tumutukoy sa ating katawang-lupa, tayo’y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao.

Ebanghelyo Marcos 3:20-35

Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya’t hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya’y nasisiraan ng bait.

Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”

Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon. Kapag naglaban-laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon.

Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.

“Subalit hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas malibang gapusin muna siya. Kapag siya’y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat ito ay walang hanggang kasalanan.” Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya’y sinasapian ng masamang espiritu.

Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila’y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid.”

“Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid.”

Pagninilay:

Tayo ay kabilang sa iisang pamilya ng Diyos. Noong tayo ay nabinyagan bilang mga Katoliko, tayo ay nalinis sa ating orihinal na kasalanan na dulot pa ng ating naunang magulang. Tayo ay naging anak nga ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Ngunit, ilan ba sa atin ang nadadala sa ating buhay pananampalataya ang kahulugan nito sa atin? Atin nga bang tinatanggap sa ating puso na tayo ang mga anak ng Diyos at Siya ang ating Ama?

Sa pagkakataong tayo ay lubos na naguguluhan, at nawawalan ng pananampalataya, lumalapit ba tayo sa Kanya o pinipili nating mag-isa? Nagtitiwala ba tayo sa Kanya o sinisisi, pinagdududahan at halos hindi na natin paniwalaan ang kanyang pagkaDiyos? Sinabi nga ni Jesus na ang “Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran.” Dahil kung tayo mismo ang walang pananampalataya sa ating Diyos, ay wala na ring magagawa ang ating Diyos sa atin dahil pinili nating isara ang ating sarili sa Kanya. Gaya noong una sa ating mga unang magulang na sina Adan at Eba kung saan, pinili nilang maniwala sa kasinungalingan ng ahas na sila ay “magiging diyos” kung kumain sila ng ipinagbabawal na prutas na iyon. Wala itong katotohanan dahil simula sa una pa lamang, tayo ay mga hinirang na ng Panginoon, nilikha tayong kagaya ng Diyos. Hindi tayo mga hayop o halaman na buhay ngunit hindi malayang makagawa ng sariling desisyon.

Nilikha tayo na malayang magmahal, malayang madiskubre ang Panginoon. Malaya ding Siya’y mahalin. Sa pagkakadiskubre kung paano tayo nilikha, atin ding matutuklasan kung ano ang kahalagahan ng ating misyon sa buhay at ito ang siyang ating magiging walang hanggang ligaya dito sa lupa hanggang sa tayo ay makarating sa buhay na walang hanggan.

Habang nandito sa lupa, ay isang pakikipaglaban upang tayo ay lumago sa pag-ibig ng Diyos. Sadyang napakaraming makapaghihiwalay sa atin sa matibay na ugnayan natin sa Panginoon: pagdududa, pag-aalinlangan, pagtatampo, galit sa Diyos, paninisi at panunubok sa Kanya, lahat ito ay mga kalaban natin upang madama natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos. Itong lahat ay taliwas sa ating pananampalataya at pagmamahal sa Diyos na lubos na nagmamahal at lumikha sa ating lahat.

Ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig, kapangyarihan at pag-uunawa. Gusto Niya tayong mapabuti lahat at maging masaya, hindi sa ating sariling paraan o pagsunod ng ating kagustuhan dahil dito tayo madalas nadadapa. Tinatawag tayong bilang mga anak ng Diyos ay may buong tiwala na ihabilin sa Kanyang desisyon kung ano pinakamainam sa atin. Lagi Niyang binibigay ang higit pa sa ating inaasahan. Oo, at maaring mahirap bumitaw dahil likas tayong mapagmataas. Kinakailangan nating pagigtingin ang ating pananampalataya upang tayo’y patuloy lumago sa pagtitiwala sa Kanya. Itong tiwala ang magdadala sa atin ng tiyak na tagumpay sa ating mga inaalala dahil walang sinuman ang nagtiwala sa Diyos ang siyang nabigo.

Tanungin natin ang Diyos ng sagot sa ating mga dinaranas na pagsubok nang may buong pananampalataya. Tiyak, Siya ay sasagot at makukuha din natin ang inaasam na kalutasan sa ating mga suliranin. Maghintay lamang tayo sa Diyos at hayaan natin Siya ang gumawa ng paraan para sa atin sa Kanyang lubos na pagmamahal sa atin.

Panalangin: Panginoon, tulungan mo akong pagyamanin ang aking pananampalataya sa iyo. Alam kong ikaw ang aking buhay, at gabay. Ikaw ang ilaw ng aking daan kaya’t kaawaan moa ko at pasunurin sa iyong kalooban. Iyon lamang at wala nang iba pa akong hiling. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Written By:  Admin – FMM Francesca Maria Margarita

Leave a comment

Published by Defend the Catholic Faith

View all posts by Defend the Catholic Faith →