TODAY’S GOSPEL REFLECTIONS on DCF: “Kababaang Loob sa Diyos”

Mayo 22, 2018. Martes. Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon

Salmo 55: “Ilagak ang suliranin sa D’yos na matuwid”

Unang Pagbasa: Jaime 4:1-10

Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba’t nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya’t papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo’y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.

At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos. Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ayaw ng espiritung ibinigay sa atin ng Diyos na siya’y may kaagaw sa ating pag-ibig.” o kaya’y Napakalalim ng pag-ibig ng Diyos sa espiritung ibinigay niya sa atin at ayaw niya na may kaagaw sa ating pag-ibig. Ngunit higit na malakas ang tulong na ibinigay niya sa atin. Kaya’t sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit nalulugod sa mga mapagpakumbabá.”

Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.

Ebanghelyo: Marcos 9:30-37

Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya’y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya.

Dumating sila sa Capernaum. Nang sila’y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila’y kung sino sa kanila ang pinakadakila.

Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, “Ang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.”

Pagninilay:

Madalas mayroon sa ating mga tao na mga pag-aasam ng parangal, pagpupuri, o pagpapansin sa ating mga gawain. Kahit ang mga apostoles noong una pa lamang ay hindi ligtas sa ganitong pansariling hangarin. Ito nga ay ibinaliktad ni Jesus noong kinuha Niya ang mga bata at inilapit ito sa kanya. Ang mga bata ay sumisimbulo ng kababang loob at kasimplehan ng puso. Tulad na lamang ng anak na nakadepende sa kanyang ama at ina. Ganoon din tayo sa Panginoon. Umaasa tayong ang mga bagay ay idudulot Niya sa atin kung tayo ay hihingi sa Kanya. Nananalig tayo sa pagmamahal ng ating Diyos Ama sa langit na nagbibigay ng lahat ng biyaya at mabubuting bagay sa ating lahat. Sa gayon ding paraan, bilang isang magulang, ay higit na mas alam ng Diyos kung ano ang pinakamainam sa atin at kung alam Niyang hindi pa ito at mayroon pang mas higit, ay hindi Niya ibibigay muna. Dito na papasok ang ating tiwala sa Diyos bilang mga anak.

Bilang mga Anak ng Diyos, tandaan natin na naririyan ang Panginoon upang ating hingian ng tulong sa panahon ng pagsubok. Ang Diyos ay handang makinig sa ating panalangin at mga panaghoy ng damdamin. Pinakakanakatatangi na panalangin sa Kanya ay ang ating panalangin na mula sa puso. Sabihin natin anuman ang ating nararamdaman, anuman ang mga nakakasakit sa atin, mga inaalala natin. Hindi ang kung ano man tingin nating mabuti sa atin na magiging sanhi upang iangat natin ang mga sarili dahil alalahanin natin na maging ang mga ito, mga talento, talino at biyaya sa buhay, ay galing din sa Kanya.

Kung ibababa natin ang ating kalooban sa Diyos ay papalitan Niya ang ating kahinaan ng Kanyang lakas. Anuman ang hindi maganda ay gagawin niyang bago, at higit pa kaysa dati. Anuman ang ating mga alalahanin ay papawiin mismo ng Diyos at gagawin Niyang kaaya-aya muli ang lahat ng bagay. Ang ating kabababang loob at pag-amin ng ating mga kahinaan at pagkakamali ang siyang magliligtas sa atin dahil ang Diyos mismo ang ating magiging lakas at sandigan sa lahat ng oras.
Panalangin: Gumawa ng personal na panalangin. Sabihin sa presensiya ng Panginoon, ang lahat ng saloobin. Aminin natin ang kahinaan, alalahanin, at mga gawain at adhikain na tila hindi na natin kaya.

Isang Mapagpalang Martes sa Lahat!

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections: Admin FMM. Francesca Maria Margarita

Leave a comment

Published by Defend The Catholic Faith

View all posts by Defend The Catholic Faith →