Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG EBANGHELYO ARAW-ARAW: “Paniniwala kay Jesus”

Marso 4, 2020. Miyerkules sa Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda.

UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas

Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.

Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.

Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”

Nakita ng Diyos ang kanilang pagalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19
Tugon: D’yos ko, iyong tinatanggap pakumbaba’t pusong tapat.

MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa lahat! Ang Panginoon ay nagbibigay ng babala sapagkat ang mga tao ay hindi naniniwala sa Kanya. Maraming mga hinahanap na mga senyales subalit hindi nila makita. Sapagkat hindi nila pinaniniwalaan si Jesus. Tayo rin kung kulang sa pananampalataya sa Diyos ay ang daming hinihingi na kung anu-anong patunay upang tayo ay maniwala. Subalit tayo ang kailangang mas magtiwala sa Panginoon. Walang patunay ang kailangan para sa taong tunay na naniniwala. Si Jonas ay ehemplo ng tao na tumaliwas sa utos ng Diyos. Subalit babalik at babalik tayo sa Panginoon sapagkat hindi natin maitatanggi ang ating tawag sa atin ng Panginoon. Amen. +

Francesca Maria Margarita D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.