Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG EBANGHELYO NGAYON: “Magpatawad ng Kapwa”

Marso 6, 2020. Biyernes ng Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda

UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Sinasabi ng Panginoon: “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ng Panginoon, “Ang ibig ko nga, siya’y magsisi at magbagong buhay. Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.

“Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 4k-6. 7-8
Tugon: Hiling nami’y ‘yong limutin tanang kasalanan namin.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 20-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsugod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.”

“Narinig ninyo na noong una’y inutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makapatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman; ang humamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid ‘ulol ka!’ ay mapapasaapoy ng impiyero. Kaya’t kung naghahandog ka sa Diyos, at maalaala mo na may sama ng loob sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Saka ka magbalik at maghandog sa Diyos.

“Kung may magsakdal laban sa iyo sa hukuman, makipag-ayos ka sa kanya habang may panahon, bago ka niya iharap sa hukom. At kung hindi’y ibibigay ka niya sa hukom, na magbibigay naman sa iyo ng tanod, at ikaw ay mabibilanggo. Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga’t hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Bukod sa pangingilin at pag-aayuno, ngayong Kuwaresma ay mag-isip at magnilay din po tayo sa relasyon natin sa ating kapwa. Panahon din po upang tayo ay magpatawad at humingi ng tawad.
Mayroon po ba tayong mga tinatagong hinanakit sa ibang tao? Sama ng loob o galit? Pagnilayan po natin at unti-unti ay magpatawad tayo upang humingi tayo ng tawad din sa Panginoon at pagbibigyan tayo. Hindi po madaling magpatawad subalit ito ay posible. Kung madadaan sa usapan ay mag-usap. At ipagdasal ang mga kaaway. Sapagkat kailangan nila iyon. Tayo ay nabibilang sa iisang pamilya ng Diyos upang magmahalan hindi manatili sa galit at alitan. Amen. +

Francesca Maria Margarita D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.