Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG EBANGHELYO NGAYON: “Pagbabalik sa Panginoon”

Marso 14, 2020. Sabado sa Ika-2 Linggo ng 40 Araw na Paghahanda.

UNANG PAGBASA
Mikas 7, 14-15. 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas

Patnubayan mo ang iyong bayan, Panginoon, ang bayan na iyong hinirang. Nag-iisa siya sa gitna ng matabang lupain. Bayaan mo silang manirahan sa magandang pastulan ng Basan at Galaad.

Magpakita ka sa amin ng mga kababalaghan tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng nalabi sa bayan mong hinirang. Hindi ka nagkikimkim ng galit. Sa halip ay pinadarama mo sa kanila ang tapat mong pagmamahal. Muli kang mahahabag sa amin, lilimutin mo ang mga pagkakasala namin at ihahagis sa kalaliman ng dagat. Ipamamalas mo ang iyong katapatan sa Israel at ang walang maliw na pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga magulang mula pa nang unang panahon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-3. 3-4. 9-10. 11-12
Tugon: Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.

MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-3. 11-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:

“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bundo ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupain yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”, At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.

“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.

“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kaptid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Malubha man ang ating pagkakasala, kung tayo ay tatalikod sa masama at babalik sa Kanya nang buong puso ay yayakapin Niya tayo ng mahigpit. Hindi Niya tayo papagalitan o susumbatan. Ang panahon ngayon ay panahon upang “magbalik” sa Diyos. Lalo sa panahon na sarado na ang malls, walang eskwela, wala na rin ang ibang opisina. Panahon na upang magbalik-tanaw sa ating buhay at sa buhay pananampalataya. Bilangin natin ang biyaya sa ating buhay. Ang problema naman na napagdaanan ay isipin natin kung paano nalagpasan. Hindi ba’t naroon ang Panginoon? Napasalamatan ba natin Siya? Napagsilbihan ba natin Siya? Naibigay ba natin sa Kanya ang pag-ibig, pagpaparangal na nararapat para sa isang Amang lubos ang pagmamahal at pagbibigay sa anak?

Sana makita natin gaano kabuti ang Diyos sa atin at kung paano Siya kumikilos sa ating buhay. Amen. +

Francesca Maria Margarita D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.