Bible Catholic Church Catholic Faith Christian News Trending

“Ang Kwento ng Aking Pagkapari”

Photo Courtesy of Our Lady of Most Holy Rosary Parish Facebook Page

 

Noong bata pa ako, hindi ko naging pangarap ang maging pari. Ang totoo, hindi naman ako malapit sa aming Simbahan. Nagsisimba naman ako tuwing Linggo, pero hanggang ganoon lang. Nag-aral din ako ng High School sa isang Catholic School for Boys na pinatatakbo na mga pari, pero hindi pa rin ako naakit maging pari. Ang pangarap ko ay maging isang Engineer, kaya nagsikap akong mag-aral hanggang nakatapos ako ng Electrical Enginering. Pagkatapos ko ng pag-aaral ay nakakakuha naman agad ako ng trabaho. Nang ako ay may trabaho na, nagkaroon na ako ng girl friend. Ang talagang pangarap ko ay magkaroon ng sariling pamilya. Hindi ko inaasahan na isang araw ay tatawagin pala ako ng Diyos sa pagpapari. Paano ko naramdaman ang tawag ng Diyos sa pagpapari? Ikukwento ko sa inyo.

Noong ako ay 25 years old na at may trabaho na, nagkaranas ako ng sunod-sunod na panaginip, mga maikling panaginip (flashes) na magkakaugnay at iisang palang kwento. Sa unang kong panaginip ay may nakita akong isang mahiwagang lalaki na parang nakadamit pastol. Nag-iisa siya at nakaupo siya sa isang malaki at puting batong buhay, malungkot siya at malalim ang iniisip. Sa pangalawang panaginip, nakita ko muli ang lalaking ito, nagtatawag siya ng mga kalalakihan, subalit hindi ko siya pinansin. Sa pangatlong panaginip, nakita kong muli ang mahiwagang lalaking ito, maraming mga kalalakihan ang tumugon sa kanyang panawagan. Nakita ko ang mahiwagang lalaki na nakaupo muli sa puting bagong buhay, at ang mga lalaking tumugon sa kanyang tawag ay nakaupo sa damuhan, nakikinig sa sinasabi ng mahiwagang lalaki. Ako naman ay naging “curious” kung ano ang sinasabi ng mahiwagang lalaki. Malakas ang tinig ng mahiwagang lalaki, kahit sa malayo ay naririnig ko ang kanyang tinig. Ganito ang kanyang sinasabi sa mga lalaki, “Napaka lungkot na ng mundo ngayon, ang mga tao ay parang mga tupang ligaw na walang pastol.” Sa pang-apat na panaginip, naglalakad ako at nakita ko muli ang mahiwagang lalaki na naglalakad kasalubong ko. Umiwas agad ako at lumiko sa kanan, subalit sumunod sa akin ang mahiwagang lalaki. Hindi ko na siya naiwasan at nagkaharap nga kami. Ang sabi niya sa akin, “Ikaw, gusto mo bang maging isa sa aking mga pastol?” Hindi ako nakasagot, iniisip ko kung ano ang ibig sabihin ng kanyang tanong. Tanong ko sa sarili ko, “Bakit ako? Isa nga ako sa mga tupang-ligaw na kailangan ng pastol.” Tinanong ko ang mahiwagang lalaki, “Bakit ako?” Subalit hindi tumugon ang lalaki, ngumiti lamang siya sa akin. Ang totoo ay hindi naman nagpakilala sa akin ang mahiwagang lalaki. Hindi rin ako nagtanong sa aking panaginip kung sino siya. Pero sa palagay ko ay isang siyang Pastol at tinatanong niya ako kung gusto ko maging isa sa kanyang pastol.

Mula noon ay hindi ko na siya nakita sa aking mga panaginip. Hindi ako naniniwala sa kahuluhan ng mga panaginip. Subalit kakaiba ang mga panaginip na ito – magkakaugnay, parang isang kwento. Sinikap kong kalimutan ang mga panaginip na ito subalit sa pagdaan ng mga araw ay lalo pa itong nagiging buhay sa aking isipan, ayaw akong iwan, palaging nagbabalik sa aking isipan. Bunga ng mga panaginip na ito ay naapektuhan na ako, nakagulo ito ng aking kaisipan. Parang may isang paanyaya na ayaw kong pakinggap at sinikap kung takasan. Naging magulo ang aking isipan, may pagtatalo nagaganap sa aking isip at kalooban. Kaya naisipan ko na sumangguni sa isang pari. Matapos kong i-kwento sa pari ang aking panaginip, ang sabi ng pari, “Baka tinatawag ka ng Diyos sa pagpapari.” Natakot ako sa sinabi ng pari at ayaw kong maniwala.

Ang sabi ko sa sarili ko, “Imposible! Sapagkat isa akong makasalanan, walang maniniwala sa akin kung ako ay maging pari.”

Sinikap ko baliwalain at kalimutan ang sinabi ng pari. Sinikap kong lumayo at magtago. At upang ipakita sa Diyos na hindi ako karapat-dapat, nagkaroon pa akong ng ikalawang relasyon, naging dalawa na ang girlfriend ko. Sinikap ko talagang lumayo at magtago. Isang araw, kasama ko ang girl friend ko at ang aming barkada sa aming opisina, nagpunta kami sa isang bahay-aliwan upang manood ng isang “live show. Ang live show ay “Toro” o isang pares na lalaki at babae na nagtatalik sa aming harapan. Subalit habang kami ay umiinom ng beer at nanood ng live show, pakiramdam ko ay kinakausap ako ng Diyos. Ang tanong niya sa akin, “Ito ba ang buhay na gusto mo?” Pakiramdam ko ay hiyang-hiya ako sa Diyos, na kahit anong pagtakas ang ginagawa ko ay hindi niya talaga ako iniwan. Pagkatapos ng pangyayaring ito ay higit pang naging magulo ang isip ko, wala na akong kapayaan. Apektado na rin ang trabaho ko dahil palagi kong naiisip ang mga pangyayari. Para na yata akong mahihibang.

Hindi na ako makapag-isip ng maayos kaya minabuti kong magbakasyon. Nagbakasyon ako sa aming probinsiya. Araw ng Linggo noon at ako ay nagsimba. Pagdating ng komunyon, pumila ako para mag-komunyon. Habang ako ay nakapila palapit sa altar, nakatingin ako sa malaking imahen ni Kristong nakapako sa krus. Kinausap ko siya at ang sabi ko, “Panginoon, pagod na pagod na po ako sa kakatakbo. Hindi ko na po alam kung saan ako magtatago. Kung talagang tinatawag mo ako, ikaw na po ang bahala sa akin. Ituro mo po sa akin ang daan.” Pagtanggap ko sa komunyo ay bigla ako napaiyak ng matindi, walang humpay na pagluha. Hindi ko na maitago ang aking pag-iyak sa loob ng simbahan. Nakatingin na nga ang mga tao sa akin, nagtataka kung bakit ako humahagulhol. Ako na lamang ang naiiwan sa simbahan subalit patuloy pa rin ang aking pag-iyak. Hindi ako makapaniwala na sumagot na ako ng “Oo” sa tawag ng Diyos. Pagkatapos ko umiyak, naramdaman ko na naging magaan na ang aking kalooban. Nawala na ang mabigat na bato na pasan-pasan ko. Pakiramdam ko ay para akong isang sanggol na bagong silang, bagong buhay.

Nagbalik na ako sa aking trabaho. Isang araw, may natanggap akong isang tawag sa telepono na hindi ko inaasahan. Tumawag sa akin ang isang kaibigan ko noong college na matagal na kaming walang ugnayan. Ang sabi niya sa akin, “Pwede mo ba akong samahan sa Tagaytay? Magtatanong lamang ako kung paano pumasok sa seminaryo.” Malaking pagtataka ang dala sa akin ng tawag na ito. Wala naman siyang nalalaman sa aking mga karanasan tungkol sa aking panaginip. Ito na kaya ang tugon ng Diyos sa akin? Sinamahan ko nga ang aking kaibigan sa Tagaytay at pagdating naming sa seminary, hindi ako makapaniwala. Hindi ko inaasahan na ang pangalan ng seminaryo ay “Tahanan ng Mabuting Pastol.” Tumatayo ang balahibo ko, pakiramdam ko ay sinasabi sa aking ng Diyos, “Dito ka!” Ang totoo, parang ayaw ko na umalis sa lugar na iyon. Ngayon lamang ako nakaramdan ng gayong kapayapaan ng kalooban.

Nagtanong nga ang aking kaibigan kung paano pumasok sa seminario at ang sabi niya sa akin, “Palagay ko ay hindi pa ako handang pumasok sa seminario, kailangan ko pang mag-isip ng mabuti.” At ang sabi ko sa kaibigan ko, “Ha? Sayang naman! Kung hindi ka papasok dito, ako ang papasok.” Ang akala siguro ng kaibigan ko ay nagbibiro lamang ako. Ang totoo, hindi ko sinabi sa kaibigan ko subalit bumalik ako sa seminary at ako ang nag-apply. Binigyan naman ako ng Rector ng pag-asa, at ang sabi niya ay kailangan mag-report daw ako sa seminario minsan isang buwan para sa vocation direction. (Ang Rector pa noon ay si Fr. Chito Tagle na ngayon ay Cardinal Tagle ng Archdiocese of Manila.)

Pagkatapos ng ilang monthly sessions, sinabi sa aking ng Rector, “Hintayin mo na lamang ang sulat ko sa iyo at malalaman mo kung tatanggapin ka namin.” Lumipas na ang ilang buwan subalit walang dumarating na sulat. Kaya nagpasya na ako na bumalik sa seminaryo upang magtanong ng resulta. Nang nakita ako ng Rector, ang tanong niya sa akin, “Bakit ngayon ka lang? Nakatatlong sulat na ako sa iyo. Tanggap ka na!” Nabakas ng Rector sa aking mukha na hindi ako masaya. Ang tanong ng Rector sa akin, “Ano, gusto mo ba pumasok dito? Bakit hindi ka masaya?” Hindi ako makasagot. Hindi ko alam ang nararamdaman ko, nagdadalawang isip pa rin ako. Kaya ang sabi ng Rector, “O sige, mag-isip kang mabuti.”

Tulad ng utos sa akin ng Rector, kailangan ko raw maging aktibo sa aking parokya, kaya sumali ako sa isang prayer group sa aming parokya. Noon ko lamang naranasan na maging member ng choir, at maging Lector. Nag volunteer din ako sa service – taga ayos ng chapel at ng aming sound system. Masaya pala ang maglingkod sa Simbahan kaya parang nagbabago na naman ang isip ko. Tinatanong ko nga ang sarili ko, “Talaga bang gusto mo maging pari?” Parang ang gusto ko na lamang ay maglingkod sa Simbahan bilang isang Layko. Subalit isang araw, habang ako ay nagdarasal, pakiramdam ko ay kinakausap ako ng Diyos. Ang sabi niya sa akin, “Ang hirap sa iyo, gusto mo maglingkod sa akin sa paraang gusto, at hindi sa paraan gusto ko.” Bunga nito ay napahiya na naman ako sa Diyos. Tama nga siya, gusto kong maglingkod sa paraan madali para sa akin.

Mula sa Tagaytay ay umuwi na ako sa aming bahay. At habang nasa daan ay nag-iisip ako, bakit wala akong natanggap na mga sulat? Doon ko naisip na posibleng may humaharang sa aking mga sulat. Pagdating ko sa bahay ay tinanong ko ang aking nanay kung may natanggap siyang sulat galing sa Tagaytay. Doon ko nga nalaman na hinaharang pala ng aking nanay ang mga sulat na galing sa seminario. May nakapagsabi na pala sa kanya na nagpupunta ako sa seminario sa Tagaytay. Naghihintay lamang pala ang aking nanay na ako ang magsabi sa kanya. Tinanong ako ng nanay ko, “Totoo bang gusto mo magpari?” Hindi ako nakasagot sa nanay ko sapagkat nakikita ko ang malaking galit sa kanyang mukha. Ang sabi niya, “Sasayangin mo lang pala ang malaking hirap namin upang mapagtapos ka ng college. Magpapari ka pala, sana noong pa. Tandaan mo, walang kang aasahan sa amin kahit singko.” Masama ang loob, umiyak ang nanay ko at tinalikuran na ako. Halos isang buwan din ako iniiwasan at hindi kinakausap ng nanay ko. Hindi rin niya ako pinaghahanda ng agahan bago ako pumasok sa trabaho. Sobrang lungkot sa aming bahay, para kaming namatayan.

Buo na ang pasya ko na pumasok sa seminario. Wala nang makapipigil sa akin. Nasa wastong gulang na ako ay hindi ko na kailangan ang parental consent sa pagpasok sa seminario. Ang tatay ko at kapatid na babae ay suportado naman kung ano ang plano ko sa aking buhay. Sobrang malapit lang talaga ako sa nanay ko kaya siya ang higit na nasaktan sa aking desisyon. Ang gusto kasi ni nanay para sa akin ay mag-asawa at magkaroon ng sariling pamilya. Ang tingin kasi sa akin ng nanay ko ay hindi ako nababagay maging pari kaya hindi ako magiging masaya. Ang tingin kasi sa akin ng nanay ko ay isang taong sosyal na palaging nasa party at mga social events.

Dahil nagpasya na ako na pumasok sa seminario, kailangang putulin ko na ang aking relasyon sa dalawa kong girl friend. Ang totoo, hindi ko alam kung paano ko sasabihin. Kung sasabihin ko sa kanila na papasok ako sa seminario, tiyak na hindi sila maniniwala. Ang sinabi ko na lamang ay may malaki akong pinagdadaanan at kailangan ko mapag-isa, kailangan ko ng “space” para ako ay makapag-isip. Ayaw man nilang makipag-break subalit wala na silang nagawa.

Isa pa na dapat kong harapin ay ang aking trabaho, kailangan na akong mag-resign. Kaya sumulat na ako ng resignation letter, at sa sulat ko ay nakalagay ang dahilan ng aking resignation, “Because I will enter the seminary to become a priest.” Kinausap ako ng aking Manager, ang sabi niya, “Nasisira na ba ang ulo mo? Baka akala mo kapag magresign ka ay may babalikan ka pang trabaho. Marami ang naghihintay sa trabaho mo kaya mag-isip kang mabuti.” Inilagay na nga ang aking resignation letter sa aming Bulletin Board, at naging usap-usapan ako sa aming kumpanya. Marami ay hindi naniniwala sa akin. Naging tampulan tuloy ako ng mga biro at panglalait. Ang mga kasama ko nga sa department ay meron pang pustahan na hindi ako tatagal ng isang taon sa loob ng semario. Binalewala ko lang ang lahat ng mga sinasabi nila sa akin at tuluyan na akong nag-resign para pumasok sa seminario.

Lumipas ang mga taon na hindi ako nakaisip lumabas, nagkamali silang lahat na nag-isip na hindi ako tatagal sa seminario. Sa unang dalawang taon na nasa seminarion ako, tuwing magkikita kami ng nanay ko, ang palagi niyang sinasabi sa akin, “Anak lumabas ka na sa seminario. Maglingkod ka na lang sa Diyos bilang layko.” Subalit matapos ang dalawang taon ay nakita ng nanay ko na maligaya ako sa loob ng seminario, kaya ang sinasabi na ng nanay ko sa akin, “Anak, huwag ka nang lalabas, nakakahiya na sa mga tao.” Ang totoo, naging napakasaya ko at payapa sa loob ng seminario. Kung babalikan ko nga ang buhay ko, ang pinakamasaya ay ang mga taon ko sa seminario. Paglipas ng anim na taon ay nakatapos na ako sa pag-aaral sa seminario. At noong ngang Dec 1990, ako ay naging Diyakono, at noong namang Nov 1991, ako ay naging ganap na pari.

Nang ako ay pari na, may ipinagtapat sa akin ang aking nanay. Ang sabi niya sa akin, “Anak, may ipagtatapat ako sa iyo. Ikaw ay isang ‘menopause baby’ ang muntik ko nang hindi itinuloy ang pagbubuntis ko sa iyo. Ang akala ko noon ay menopause na ako kaya hindi ko inaasahan na magbubuntis pa ako. Kaya nga marami ang nagsabi sa akin na huwag ko raw ituloy ang pagbubuntis dahil mapanganib na raw, baka raw maging abnormal ang sanggol na aking isisilang. Pinag-isipan ko itong mabuti, subalit naghari pa rin sa akin ang takot sa Diyos dahil alam kong may buhay na sa aking sinapupunan. Kaya nga kung ikaw pala ay ipinalaglag ko, naglalaglag pala ako ng isang pari. Wala ka na sa plano ko, pero may plano pala sa iyo ang Diyos”

Ngayon ay 26 taon na ako bilang pari. Maraming salamat sa Diyos na tumawag at pumili sa akin. Purihin ang Diyos!

Sacerdotal Ordination: Nov 9, 1991
Antipolo Cathedral

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?