Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Bakit Kailangan Natin ng Pagpapakumbaba?”


Photo Credits: ThoughtCo

 

Pebrero 13, 2019. Miyerkules. Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 104: Panginoo’y papurihan aba kong sariling buhay.

Unang Pagbasa: Genesis 2:4b-9, 15-17

Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.

Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka.

Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.

Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang.

Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

Ebanghelyo: Marcos 7:14-23

Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito.”

Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga.

“Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya,sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.

At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.

Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan.

Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.”

Pagninilay:

Nagkamali ng mga Pariseo sa pag-intindi sa kautusan at Salita ng Diyos. Naging makamundo ito at nawalan ng puwang upang intindihin ang totoong mensahe ng Diyos nap ag-ibig at pang-unawa sa tao upang ibalik ito sa Kanya. Kaya ganito ang naging pangangaral ni Jesus ay dahil ibinabalik Niya sila sa kaisipan ng Diyos na hindi tumitingin sa panlabas kung hindi sa kalooban ng tao kahit pa ang pinakanatatago natin. Lahat ito ay hayag sa Kanya.
Natunghayan natin noong mga nakaraan kung paanong ang mga pariseo ay masyadong abala sa pag-isip at istrikto sa pagpapatupad ng mga batas sa paglilinis sa panglabas na nakikita – baso, kamay, paa at kung anu-ano pa. Subalit ang kanilang puso ay iba at iyon ang maruming napapabayaan na. Ganito rin ba tayo sa ating buhay?

Ngayon ay karugtong ng sinabi ni Jesus kahapon. Sinabi niyang hindi ang mga kinakain natin ang nagpaparumi sa paningin ng Panginoon kung hindi ang mga lumalabas sa ating puso, isip at salita na nakikita sa gawa.
Ito ang ating dapat bantayan – ang ating puso. Ano ang madalas mong iniisip? Sa iyong diwa ba ay nakakausap mo pa ang Panginoon sa pananalangin – kahit nasa biyahe, o kaya nasa kusina o kaya ay gumagawa ka ng mga tungkulin? O ‘di kaya abala ang iyong isip sa kung anu-anong bagay na walang katuturan kaya tayo nakakapag-isip ng masama at nakapanghuhusga ng kapwa?

Sinabi na ni Jesus, “Makinig ang mga may tainga”. Ang anumang sinasabi ng Panginoon na paulit-ulit ay siyang mahalaga. Magsikap tayong gawing malinis ang ating mga puso. Suriin natin ang ating sarili at laging manalangin upang hingin ang gabay ng Panginoon. Kung alam lang natin kung gaano kabigat na pala ang ating dinadala sa puso dahil sa mga laman nito, oras-oras ay hihingi tayo ng tawad sa Panginoon at magsisisi dahil walang kasing saya ang inihahandog niya sa taong dumudulog sa kanya at sinisikap na gawin at panatilihing malinis ang puso.

Walang malisya, walang panghuhusga, walang panlalait ng kapwa kung hindi puro kababaang loob. Ganito ang isang pusong malinis. Ngunit kung ito’y gusto natin para sa atin, tandaan nating hindi natin ito makukuha sa sariling pagsisikap lamang kung hindi sa grasya ng Diyos – sa pananalangin at sa pagdulog sa itinatag Niyang Sakramento ng Kumpisal. Matapos nito’y ang pusong gustong magbago at tumatalikod sa kasalanan dahil naniniwala siyang may mas inihanda ang Diyos na grasya na makapagpapasaya sa kanya at hindi ang kasalanan kung saan wala tayong mapapala kung hindi galit, pagsisisi at pighati.

Kung lahat tayo sana ay ganito, mas magiging makabuluhan ang ating pamumuhay sa mundo at mas marami tayong matutulungan dahil imbes na maghusga ay gagawa tayo ng mabuti, magsasalita ng mabuti at mag-iisip ng mabuti. Alang-alang sa alam nating tayo’y mahina at nangangailangan din at sa tulong lamang ng grasya ng Diyos.

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.