Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Diyos ang ating Ilaw”


Photo Credits: Lakbay ng Lakan

 

Pebrero 2, 2019. Sabado. Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus na Panginoon sa Templo. 

Salmo 24: Diyos na makapangyariha’y Dakilang Hari
kailanman.

Unang Pagbasa: Malakias 3:1-4

Sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.”

Ngunit sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap.

Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito’y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh.

Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 2:14-18

Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila’y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.

At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho’y inalipin ng takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham.

Kaya’t kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya’y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao.

At ngayo’y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap.

Ebanghelyo: Lucas 2:22-40

Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.”

Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya’y dalawang inakay na kalapati.

May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala’y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon.

Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,

“Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa
ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas, na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.”

Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata.

Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.”

Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya’y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, at ngayo’y walumpu’t apat na taon na siyang biyuda.

Lagi siya sa Templo, at araw-gabi’y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin.

Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem.

Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. 40Ang bata’y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos.

Pagninilay:

Isang mapagpalang sabado po sa ating lahat at maligayang kapistahan ng pagdadala kay Jesus na Panginoon sa Templo o siya namang tinatawag sa ingles bilang “Feast of the Presentation of the Lord.”

Ano ba ang kahalagahan ng kapistahang ito? Ayon sa kautusan na ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Moses para sa mga Hudyo, ito ay ritwal ng paglilinis, apatnapung araw matapos isilang ni Maria si Jesus. Dahil ito ay may kaugnayan sa dugo, itinuturing na hindi malinis ang pagpapanganak o kaya ang pagkakaroon ng buwanang dalaw kaya kailangang pumunta sa templo matapos ang 40 araw at maghandog ng alay upang maging malinis.

Ang tanong ang kailangan ba ito ni Maria at ni Jesus? Ang sagot po ay hindi ito kailangang gawin. Dahil ang ating Panginoon at ang Mahal na Birheng Maria ay parehong dalisay. Walang bahid ng kasalanan o anupaman kaya kung tutuusin ay hindi kailangang gumawa ng ritwal na ito. Subalit dahil sa pagiging mababang loob ni Jose at Maria, ay sinunod pa rin nila ang batas na ito na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Moses at doon nga nila nakita si Simeon at Anna.

Ngayon naman, dalawa ang mahalagang nangyari sa pagtatagpong ito. Una, ang katuparan ng pangako ng Diyos sa Israel na siyang kinakatawan ni Simeon. Ang Diyos ay habambuhay na matapat sa kanyang pangako sa atin. Kahit gaano pa tayo katagal na maghintay. Mangyayari at mangyayari ito.

Noong mga panahon na iyon ay nagugutom at nauuhaw ang buong sambayanan ng Israel sa isang Tagapagligtas na magiging pag-asa nila laban sa lahat ng mga kaaway at masasama. Si Cristo ito – ang kanilang hinihintay na kumakatawan sa liwanag ng mundo. Kaya naman ngayong araw na ito ay ipinagdiriwang din natin ang isa pang kilalang pangalan ng pista na ito bilang “Candelaria” na may pagbabasbas ng kandila. Sapagkat ito ay sumisimbolo kay Cristo bilang ilaw ng ating mga buhay. Kaya naman, tanungin natin ang ating sarili, kung talaga bang natagpuan na natin ang Diyos sa ating buhay? Nananatili ba tayong may pag-asa o tila wala na? O baka naman nananatili tayong malayo sa kanya? Alalahanin natin siya ang laging lumalapit sa atin at hinihintay lamang niya tayong makilala natin siya sa ating pang-araw araw na buhay.

Pangalawa, natunghayan din natin ang propesiya ni Simeon tungkol kay Cristo na magiging dahilan ng pag-angat at pagbagsak ng Israel. Ito ay dahil hindi lahat sa mundo ay maniniwala kay Jesus bilang Mesiyas. May mga taong itatatwa at itatanggi ang Panginoon. Ito rin ang unang tarak ng patalim sa puso ng ating Mahal na Inang si Maria. Halos ilang linggo pa lamang ang Panginoon noon at lubos ang kaligayahan ni Jose at Maria sa kanilang mga puso sa pagdating ni Jesus, nang malaman ni Maria ang kahihinatnan ng misyon ng kanyang Anak.

Oo at alam natin hindi madali ang misyon ni Jesus bilang Tagapagligtas dahil sadlak ito sa hirap sa Krus hanggang pagkamatay. Nalaman nila sa unang pagkakataon na iyonpala ang misyon ng ating Panginoon – ang akuin ang lahat ng paghihirap at kasalanan natin. Alam natin kung gaano kasakit para sa isang magulang ang makita o malaman na maghihirap at naghihirap ang anak. Dahil hindi iba si Maria sa atin bilang taong may damdamin, alam nating ito ay nagdulot ng pighati.

Subalit alam din nating hindi sumuko si Maria hanggang huli. Anuman ito’y handa siyang harapin at handa siyang maging ina, at patuloy na mag-oo sa Panginoon mula umpisa hanggang huli. Dito, ating matutunan ang ating pagsunod kay Cristo bilang mga Kristiyano. Hinihingi rin ng ating Panginoon ang ating “oo” sa kanya at pagpupursigi sa ating pananampalataya mula una hanggang huli.

Hindi madali ang ating pamumuhay bilang mga Anak ng Diyos dito sa lupa. Laging may mga pagsubok, balakid at mga suliranin na haharapin. Ngunit ang tanong ay, kung tunay kang naniniwala sa Diyos, nananampalataya ka bang kaya mong pagtagumpayan ang lahat sa pamamagitan niya?

Handa ka bang harapin ang bawat hamon ng buhay, dahil alam mong nagtagumpay na ang Diyos sa lahat ng ito at kailangan mo lamang manatili sa kanya mula una hanggang huling sandali ng iyong buhay?

Pagnilayan natin ito, mga kapatid.

Sa ating pagsisimba ngayong sabado, at bukas ng linggo, sapagkat ang lahat ng misa ngayon ay misa para ngayong sabado at hindi pang-linggo, ay ating hingin ang lakas ng Panginoon sa bawat hamon ng mga buhay.

Pasalamatan natin siya sa ating mga biyayang natanggap at ilagak natin siya sa ating puso bilang ilaw ng ating buhay. Isang ilaw ang ating Diyos na Siyang nagniningning ng pinakamalinawag sa gitna ng madidilim na pagsubok sa ating buhay.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.