Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Diyos na Sandigan”

 

 

Oktubre 6, 2020. Martes ng Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Galacia 1, 13-24
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Mga kapatid, hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay bilang masugid na kaanib sa Judaismo. Buong lupit kong inusig ang simbahan ng Diyos at sinikap na ito’y wasakin. Naging mas masugid ako sa relihiyong ito kaysa maraming Judiong kasinggulang ko, at malaki ang aking malasakit sa mga kaugalian ng aming mga ninuno.

Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya. At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman. Ni hindi ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na una kaysa akin. Sa halip, nagtungo ako sa Arabia at pagkatapos ay nagbalik sa Damasco. Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.

Totoong lahat ang sinasabi ko sa sulat na ito. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
Pagkatapos, pumunta ako sa mga lalawigan ng Siria at ng Cilicia. Hindi pa ako nakikita noon ng mga Kristiyano sa Judea. Nabalitaan lamang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral ngayon tungkol sa pananampalataya na kanyang sinikap na wasakin noong una. Kaya’t nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 1-3. 13-14ab. 14k-15

Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ako’y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malaya, batid mo ang aking isip.
Ako’y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko’y pawang iyong nalalaman.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina’y hinugis mo akong bata.
Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.
Lahat ito’y nakikintal, sa puso ko at loobin.
Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo’y iyong napapansin’;
lumalaki ako roong sa iyo’y di nalilihim.
Poon, ako ay samahan sa buhay na walang hanggan.

ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang panalangin at pananatili kay Jesus ay higit na mas importante kaysa anumang bagay. Ito ang natunghayan natin sa Ebanghelyo ngayon. Importante rin ang mga gawain subalit balewala ito kung nakakalimutan na natin ang Diyos – ang Diyos na Siyang puno at dulo ng lahat. Kaya naman sa napakaabalang pamumuhay sa makabagong panahon ngayon, ugaliin sana nating simulan ang araw sa pananalangin. Hindi naman kailangang mahaba subalit isama natin ang Diyos na laging gumagabay sa atin sa araw-araw.

Patuluyin natin Siya sa ating diwa, puso at buhay nang mas maging maganda at mabunga ang ating bawat ginagawa. Sa gabi naman ay mag-alay din tayo ng panalangin at magpasalamat sa Panginoon.Sa buong araw naman ay maari tayong manalangin nang pasulyap-sulyap sa mga sandaling kailangan natin ng tulong Niya o kahit gusto lang natin damhin ang Kanyang presensiya. Maraming paraan at ikalulugod ito ng Panginoon. Mas magiging maayos ang ating ginagawa dahil sa Diyos na lalo pa tayong pagpapalain at papagaanin ang anumang ating dalahin. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

(C) Photo: David Lindsley

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?