Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Diyos o Kayamanan?”


Photo Credits: A Christian Pilgrim

 

 

Marso 4, 2019. Lunes. Ika-8 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 32: Sambayang tapat sa Diyos ay magpupuring malugod. 

Unang Pagbasa: Sirac 17:20-24

Hindi maitatago sa kanya ang kanilang kasamaan, at nakikita niya ang lahat nilang kasalanan. Parang singsing na pantatak sa paningin ng Panginoon ang pagkakawanggawa ng tao, pinahahalagahan niyang parang balintataw ng kanyang mga mata ang kanilang kabutihang asal.

Darating ang araw na siya’y maghihiganti laban sa masasama, at babagsak sa kanila ang parusang nararapat sa kanila.

Ngunit lagi niyang tinatanggap ang nagbabalik-loob, at inaaliw ang nawawalan ng pag-asa.

Ebanghelyo: Marcos 10:17-27

Nang siya’y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’”

Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan.”

Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.”

Nang marinig ito ng lalaki, siya’y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya’y lubhang napakayaman.

Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!”

Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap makapasok sa kaharian ng Diyos!

Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos.”

Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?”

Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”

Pagninilay:

Nanlumo ang binatang napakayaman sapagkat hindi niya kayang iwanan ang napakarami niyang kayamanan dito sa lupa. Marahil ay lubos niyang minamahal ang mga karangyaan sa mundo at nadiskubre niyang hindi pala maaring magkasama ang pagmamahal sa luho at ang pag-ibig sa ating Panginoon.

Bakit? Ano ba ang kaya nating iwan alang-alang sa buhay na walang hanggan na ating pinaniniwalaan? Ano ang ating pipiliin sa buhay na ibinigay ng Panginoon sa atin? Kung tunay na mahal natin ang ating kapwa bilang kapatid sa Diyos, matitiis ba natin na marami tayong sarap na dinaranas sa buhay habang ang iba’y nagugutom? O sadyang tumigas na ba ang ating puso sa mga sakit na dinaranas ng ating kapwa dahil nakuntento na tayo sa ating kanya-kanyang buhay?

Mga kapatid ang ating pananampalataya ay higit sa pagsunod lamang sa mga utos ng Panginoon. Minsan nga ang pagsunod pa ay napakahirap na. Ngunit kung ito’y nagagawa natin, nasa katamtaman lamang ang ating buhay kung wala tayong sakripisyo na dinaranas para sa ibang tao. Dahil ang buhay ng tunay na Kristiyano ay ang buong-buo na pagsunod sa Panginoon kung saan, ibinigay Niya ang Kanyang buhay sa iba. Tayo rin ay tinatawag para maglingkod at magbigay sa ating kapwa sa ating sariling kakayanan.

Kung walang tunay na pag-ibig sa Diyos at kapwa, balewala ang lahat ng ito. Kung sumusunod lamang tayo dahil mayroon tayong makukuha mula dito, o dahil sa takot na mapunta sa walang hanggang karagatan ng apoy, ay hindi pa buo ang ating pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Kailangan pa itong buuin ng Panginoon sa mga pagsubok sa buhay na tiyak na magbabalik sa atin sa Kanya. Lalo kung ang ating puso ay masyado nang nakadikit sa mga materyal na bagay. Hindi naman masama magkaroon ng mga materyal na pangangailangan. Kailangan natin ng pera upang makabili ng pagkain. Kailangan ng bahay na matitirhan para tayo ay maging ligtas sa araw at gabi. Subalit kung ang mga ito mismo ang magiging balakid upang mahalin natin ang Panginoon na Siyang nagbigay ng lahat ng regalo at biyaya na ito. Ito ay maari nang maging masama. Dahil inilalagay na natin ang mga materyal na bagay na ito sa itaas ng Panginoon.

Nilikha Niya ang ating puso at buhay para sa Kanya upang siya’y mahalin. Binibiyayaan Niya tayo ng mga grasya dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin na walang hanggan.

Kung ang ating minamahal na asawa, anak, magulang o kapatid ay nagbibigay sa atin ng mga regalo na ating nagustuhan at mas minamahal na natin ang mga regalong kanilang binigay kaysa sa kanila mismo, ikatutuwa ba nila iyon? Kayo na mismo ang makakasagot nito. Ganoon din ang nararamdaman ng ating Panginoon kung Siya mismo at ating ipinagpapalit na sa kanyang mga bagay na ibinigay sa atin.

Marahil magandang tanungin ngayon, “Ano ang dapat kong bitawan sa ngayon upang mas mapalapit ako sa Panginoon?” at “Ano ang dapat kong gawin upang mas maging kaisa at sumusunod sa ating Diyos sa lahat ng bagay?”

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret. 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.