Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Hindi Sumusukong Pananalig”

Pebrero 13, 2020. Huwebes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 11, 4-13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng kanyang mga asawang taga-ibang bansa na sumamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Hindi siya nanatiling tapat sa Panginoon; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. Sumamba siya kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Nicom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ginawa nga ni Solomon ang ipinagbabawal ng Panginoon, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na naglingkod nang buong katapatan sa Panginoon. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo siya ng mga sambahan: para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyus-diyusan ng Moab, at para kay Moloc, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga dambana ang mga diyus-diyusan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito’y nagsuob doon ng kamanyang at naghain ng mga handog.

Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na napakita sa kanya ang Panginoon at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ngunit hindi niya pinansin ang Panginoon. Kaya nga’t sinabi nito sa kanya: “Dahil sa hindi mo paggalang sa aking tipan at hindi mo pagsunod sa aking mga tagubilin, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang alipin mo. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon mo, kundi sa panahon ng iyong anak. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, alang-alang sa Jerusalem, ang lungsod na aking hinirang.”

Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40
Tugon: Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.
(c) Awit at Papuri Communications –www.awitatpapuri.com

MABUTING BALITA
Marcos 7, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nagtungo si Hesus sa lupain ng Tiro at tumuloy sa isang bahay doon. Ayaw sana niyang malaman na naroon siya, subalit hindi gayun ang nangyari. Ang pagdating niya’y nabalitaan ng isang inang may maliit na anak na babaing inaalihan ng masamang espiritu. Pumunta siya agad kay Hesus at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito’y Hentil – lubo sa Sirofenica. Ipinamanhik niya kay Hesus na palayasin ang demonyo na nasa kanyang anak, ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang busugin muna ang mga anak. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa tita.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta mang nasa ilalim ng hapag ay naninimot ng mga mumong nalalaglag ng mga anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae, at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ng demonyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Gaano katibay ang ating pananalig? Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa Panginoon, at sa kanyang grasya, subalit naniniwala pa rin tayong ibibigay natin anuman ang mabubuting bagay na inihanda niya para sa atin. Naniniwala pa rin tayong ibibigay niya ang ating hinihiling kahit na tayo ay parang tinatanggihan gaya ng babae sa ating Ebanghelyo. Hindi siya kabilang sa lipi ng Israel na bayan ni Jesus. Kaya sinabi iyon ni Jesus upang subukin siya. Subalit, nanalig ang babae kay Jesus sa Kanyang kabutihan at pinagpala siya. Tayo naman na kabilang na nga sa Kanyang Simbahan, kumusta kaya ang ating pananalig? Matibay din ba ito at hindi sumusuko sa pananampalataya?

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.