Marso 17, 2021. Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.
UNANG PAGBASA
Isaias 49, 8-15
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Sa araw ng pagliligtas sa iyo
ay lilingapin kita,
at tutugunin ang paghingi mo ng saklolo.
Babantayan kita at iingatan;
sa pamamagitan mo’y
gagawa ako ng tipan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay walang kaayusan.
Palalayain ko ang nasa bilangguan
at bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman.
Sila’y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa magandang pastulan.
Hindi sila magugutom ni mauuhaw.
Hindi rin daranas
Ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto
sapagkat papatnubayan sila noong isa
na nagmamahal sa kanila.
Sila’y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok
at ako’y maghahanda ng daan,
para siyang daanan ng aking bayan.
Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayun din sa Sevene sa timog.”
Kalangitan umawit ka!
Lupa, ikaw ay magalak,
gayun din ang mga bundok,
pagkat inaaliw ng Panginoon
ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoon.
nakalimutan na niya tayo.”
Ang sagot ng Panginoon,
“Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso,
Ako’y hindi lilimot sa inyo
kahit na sandali.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18
Pag-ibig ng D’yos ay ganap, sa tanan s’ya’y nahahabag.
MABUTING BALITA
Juan 5, 17-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya, sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.
Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.
“Sinasabi ko sa inyo: Ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”
“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon
Pagninilay:
Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Nagpapakilala si Jesus bilang Anak ng Diyos. Alam natin ito subalit kilala ba natin Siya? Si Jesus ay Anak ng Ama. Siya ay Diyos na Totoo at Tao na totoo. Ano ang ibig sabihin nito para sa atin? Dahil sa pagkakatawang tao ni Jesus, mananalo rin tayo laban sa masama at kasalanan sa pamamagitan Niya na pinagmumulan ng tinanggap at tinatanggap pa na binyag at mga Banal na Sakramento. Subalit bakit marami pa rin ngayon ang nagkakasala at masama? Sapagkat mas pinipili nila ang pagkamakasarili kaysa ang Ebanghelyo ng Diyos.
Ang tunay na taga-sunod ni Cristo na naniniwalang Siya ay Anak ng Diyos ay gagayahin din ang Kanyang mga gawa. Makikinig sa Kanya at gagawa ng mabuti. Sa gayong paraan, tayo rin ay magkakaroon ng kapangyarihan laban sa masama at kasalanan. Hindi tayo magagapi nito at kahit kamatayan para sa atin ay pintuan sa buhay na walang hanggan. Subalit ang dapat gawin ay makawala sa sariling interes at kagustuhan para sundin ang Diyos.
Hindi ito madali ngunit sa pamamagitan ng grasya ng Diyos at pagsumite ng ating sarili sa Kanya ay makakaya natin ang lahat. Wala tayong “excuse” o walang sapat na dahilan upang hindi tayo maging tama o mabuti sapagkat Diyos ay laging tutulong sa atin nang tayo ay mas pagpalain pa Niya. Ang walang hanggang kapayapaan at pagpapala ay nasa mga taong tunay na nagtitiwala at nananampalataya sa Kanya bilang Anak ng Diyos, hindi lang sa salita ngunit lalo na sa gawa. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +
Reflections By: F.M.M.J.
Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com