Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Kapangyarihan ni Jesus”

 

 

 

 

Setyembre 1, 2020. Martes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Corinto 2, 10b-16

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos. Walang nakaaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayun din naman, walang nakaaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob niya sa atin.

‘Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang turo ng Espiritu at hindi ayon sa karunungan ng tao ang ginagamit namin. Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila mauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng bawat bagay, ngunit walang nakauunawa sa kanya. Ganito ang nasasaad sa Kasulatan,
“Sino ang nakaaalam ng pag-iisip ng Panginoon?
Sino ang makapagpapayo sa kanya?”
Ngunit ang pag-iisip ni Kristo’y taglay natin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Mat’wid ang Poong dakila sa lahat ng kanyang gawa.

MABUTING BALITA
Lucas 4, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nagpunta si Hesus sa Capernaum, Galilea. Nagturo siya sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga at nagtaka sila sa kanyang pagtuturo, sapagkat may kapangyarihan kung siya’y magsalita. Naroon sa sinagoga ang isang lalaking inaalihan ng demonyo o isang masamang espiritu. Sumigaw siya nang malakas: “Ano ang pakialam mo sa amin, Hesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka ikaw ang Banal ng Diyos.” Subalit pinagwikaan siya ni Hesus, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa taong iyan!” At sa harapan ng lahat, ang tao’y inilugmok ng demonyo at iniwan nang hindi man lamang sinaktan. Nanggilalas silang lahat at nasabi sa isa’t isa, “Anong uri ng pangungusap ito? Makapangyarihan at mabisa! Pinalalayas niya ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Hesus sa buong lupaing iyon.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Sa isang salita lamang ni Jesus ay lumayas ang demonyo. Ibig sabihin ay napakamakapangyarihan ng Diyos. Taliwas sa mga iniisip ng iba, hindi po pantay ang demonyo at ang Diyos. Kahit na magkaaway ang Diyos at ang demonyo, ang Diyos ay Diyos na higit sa lahat at ang demonyo ay mula sa nilikha lamang na mga dating anghel ng Diyos na sumuway sa Kanya. Ano ang matututunan natin dito?

Huwag po tayong matakot sa masama. Gaya ni Jesus kung may sapat na pananalig tayo sa Kanya, nasa ilalim din natin ang masama at ang diablo. Ngunit kung hindi tayo naniniwala dito, paghaharian tayo ng takot. Kung matibay naman ang ating pananampalataya sa Diyos at sa pag-ibig Niya sa atin na nagpoprotekta, ang diablo na mismo ang matatakot sa atin gaya ng natagpuan natin sa Ebanghelyo. Nawa ay maging buo ang pananalig natin kay Jesus. Ipagdasal nating manaig ang ating pananampalataya sa Kanya.

Labanan natin ang mga tukso, iwasan ang kasalanan, at ang masama, sa pamamagitan ni Jesus at ng tulong Niya ay kaya natin ito. Ang kasalanan at ang masama ay laging nang-aalipin. Subalit ang Diyos ay laging nagpapalaya. Nasa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa. Ano ang problema? Ang problema ay ang kakulangan natin ng pananampalataya. Gaya ng mga tao noon sa Ebanghelyo, mamamangha rin ba tayo kay Jesus? Pagkamangha na may paniniwala? O pagkamangha na walang pananalig sa Kanya? Alin tayo dito?

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?