Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Kasama ni Maria”

Agosto 15, 2020. Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria.UNANG PAGBASA
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6. 10ab
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan.
Kasunod nito’y lumitaw sa langit ang isang kagila-gilalas na tanda: isang babaing nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya’y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya’t napasigaw siya sa matinding sakit at hirap.
Isa pang tanda ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito’y may pitong ulo at smapung sungay, at may korona ang bawat ulo.

Sinaklot ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos ay tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito’y isilang. At ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Ang babae naman ay tumakas patungo sa ilang, sa isang dakong inihanda ng Diyos para sa kanya.

At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 44, 10bk. 11. 12ab. 16
Nasa kanan mo ang reyna, maningning sa ginto’t ganda.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 15, 20-27
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, si Kristo’y muling binuhay bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayun din naman, dumating din ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayun din naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Kristo, ngunit ang bawat isa’y sa kanya-kanyang takdang panahon: Si Kristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Kristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, pagkatapos malupig ni Kristo ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan; at ibibigay niya sa Diyos at Ama ang paghahari. Sapagkat si Kristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang pasusukuin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos.”
Ang Salita ng Diyos.

MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”

At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.

Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria! Sa Ebanghelyo ngayon, natunghayan natin si Maria na itinuring ang sarili bilang isang mababang alipin ng Diyos. Pinili siya mula sa lahat ng kawalang-hanggan upang maging walang bahid ng sala na ina ng Mesiyas, si Jesu Kristo na ating Panginoon. Ang pinaka-kapansin-pansin ay ang pagpapakumbaba ni Maria sa kabila ng lahat at sa pagiging pinagpala sa lahat ng kababaihan. Hindi natin siya kailanman nakita na pinagmamalaki ang tungkol sa kanyang sarili o ipinahahayag ang kanyang sariling kadakilaan. Sa kanyang awit o “Magnificat”, binabanggit lamang niya ang tungkol sa Diyos na parang wala siya – isang mababang-loob na lingkod ng Panginoon sa kanyang sariling mga mata. Siya ang nagtataas ng Panginoon sa Kanyang nagawa para sa kanya at sa ating lahat. Si Maria ang naging hudyat ng plano ng Diyos na pagliligtas ng sangkatauhan sa pamamagitan ni Jesus. Sa pamamagitan ni Maria, si Cristo ay nagkatawang-tao. Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan niya. Sa pamamagitan niya, tayo rin ay mabubuo bilang mga Kristiyano. Paano?

Una, dapat tayong magsimula sa pagpapakumbaba. Si Kristo ang nagpakumbaba sa Kanyang sarili noong niloob Niya na maging tao at ibigay ang Kanyang Sarili sa ating pinagpalang inang si Maria bilang isang sanggol. Paano naman tayo? Naibigay na ba natin ang ating sarili sa Diyos? Naipagkatiwala ba natin ang ating sarili sa Kanya? Maaari nating simulan sa pamamagitan ng pagbibigay muna sa ating sarili kay Maria, na siyang Ina ng Diyos at atin din. Si Maria ay palagi tayong ihahatid at dadalhin sa kanyang Anak na si Jesus. Sapagkat siya ay nabubuhay lamang upang mahalin at maglingkod sa Diyos. Walang iba. Pinakamalapit siya sa Diyos higit sa lahat ng mga anghel at mga santo dahil walang sinumang ang nagkaroon ng pribilehiyo maliban sa kanya upang maipanganak ang Mesiyas sa kanyang pagkabirhen at dalhin ito sa kanyang malinis na sinapupunan. Samakatuwid, ang sinumang nais maging banal, at magtungo sa Kaharian ng Diyos ay dapat munang tularan ang kababaang-loob nina Jesus at Maria.

Ang pangalawa ay ang pananampalataya. Nakikita natin sa Ebanghelyo ngayon kung saan sinabi ni Elisabe na “Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”
Handa na si Maria sa pagiging Ina ng Diyos dahil nilikha siyang walang sala. Subalit sa panahon ng pag-anunsyo ni Anghel Gabriel ng Mabuting Balita, nakikita natin na hindi lamang ito ang katangiang nagsasabing karapat-dapat siyang maging Ina ng Diyos. Dito makikita natin si Maria bilang tagapakinig at tagagawa ng Salita ng Diyos. Alam ito ni Elisabet at inihayag niya nga ito. Si Maria ay aktibong nakikinig sa Salita ng Diyos at gumagawa nito. Sa katunayan ay nagmamadali pa siyang maglingkod sa kanyang nakatatandang pinsan na buntis sa kanyang anak na magiging si San Juan Bautista. Kahit na si Maria ay buntis din, hindi niya iniisip iyon, makapaglingkod lamang sa iba na higit na nangangailangan sa kanya. Naniniwala siya, nakikinig, at kumikilos. Paano naman tayo? Nakikinig ba tayo? Kung makinig tayo, kumikilos ba tayo? Naniniwala ba tayo kung ano ang pinapakinggan natin?

Tularan nawa natin si Maria at nawa’y gawin natin siyang gabay at tulay upang mapunta sa kanyang Anak na si Jesu Kristo bilang na bumaba Siya sa lupa sa pamamagitan niya. Maging si Maria rin nawa ang pintuan at hagdan kung saan tayo pupunta sa langit mula sa lupa. Amen. +

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margarette DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?