Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Mabuting Gawa”

 

 

Setyembre 22, 2020. Martes ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Kawikaan 21, 1-6. 10-13

Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan

Hawak ng Panginoon ang isip ng isang hari
at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya ay wasto
ngunit ang Panginoon lang ang nakasasaliksik ng puso.
Ang paggawa ng matuwid at kalugud-lugod
ay higit na kasiya-siya sa Panginoon kaysa mga handog.
Ang masama ay alipin ng kapalaluan,
ang ganitong ugali ay kasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinakikinabangan
ngunit ang dalus-dalos na paggawa’y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang isip ng masama’y lagi sa kalikuan
kahit na kanino’y walang pakundangan.
Parusahan mo ang manlilibak at matututo ang mangmang,
pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kaalaman.
Alam ng Diyos ang nangyayaru sa loob ng buhay ng masama
ka siya’y gumagawa ng paraan upang sila’y mapariwara.
Ang hindi pumapansin sa hibik ng mahirap
daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 1. 27. 30. 34. 35. 44

Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang lingkod mo ay turuang masunod ang kautusan,
sa utos mong mapang-akit, ako nama’y mag-aaral.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ang pasiya ko sa sarili, ako’y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Sa pagsunod sa utos mo, ako’y iyong pangunahan,
sa utos mo’y naroroon ang ligayang inaasam.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.
Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako’y nabubuhay.
Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan mo ‘ko.

ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 8, 19-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, dumating ang ina at mga kapatid ni Hesus, ngunit hindi sila makalapit dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; ibig nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at tumutupad nito ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:
Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Hindi lamang po ang kadugo ng Panginoon ang Kanyang mga kamag-anak, kung hindi ang lahat ng sumusunod sa kalooban ng Diyos. Baliktad kasi ang iniisip ng mga tao. Subalit iba mag-isip ang Panginoon. Ang mahalaga sa Kanya ay ang makinig sa Salita at gawin ito. Ang mahalaga sa Kanya ay ang magkaisa tayo sa pagkakaroon ng mabuting puso at hangarin sa kapwa nang sa gayon tayo ay maging tunay na kabilang sa pamilya ng Diyos. Hindi lamang sa salita at hindi lamang dahil tayo ay nabinyagan ngunit dahil talagang tinutupad natin ang mga obligasyon natin bilang Katoliko.

Anu-ano ang ating mga obligasyon? Ang pagsisimba tuwing linggo, kahit bago pa ang pandemya ang isa sa mga katungkulan natin. Ang pagtulong sa nangangailangan ay utos ng Panginoon. Hindi tunay na Katolikong maituturing ang mga taong sa salita lamang ngunit wala namang ginagawa. Kailangang maging mga Katoliko tayo sa isip, salita at sa gawa. Ito ang totoo at pagiging matapat sa ating mga sinumpaan sa ating binyag. Patunayan natin ito at ipakita sa mundo na tayo ay kabilang sa iisang pamilya ng Diyos sa ating mabuting pag-uugali at gawa. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?