Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Makiisa sa Lahat”

Marso 16, 2020. Lunes sa Ika-3 Linggo ng 40 Araw na Paghahanda

UNANG PAGBASA
2 Hari 5, 1-15a
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na labis na kinalulugdan ng hari pagkat matapang siya, makapangyarihan at pinapatnubayan ng Panginoon kaya laging matagumpay ang Siria. Ngunit siya’y ketongin. Siya ay Naaman. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang babaing Israelita. Ginawa nila itong katulong ng asawa ni Naaman. Sinabi niyo sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta sa Samaria, tiyak na gagaling siya.” Ang sinabi ng Israelita ay sinabi ng babae kay Naaman. Nagpunta naman ito sa hari at ibinalita ang sinabi ng utusan ng kanyang asawa.

Sinabi naman ng hari, “Pumunta ka at pagdadalhin kita ng sulat sa hari ng Israel.”

At lumakad nga si Naaman. May dala siyang tatlumpunlibong putol na pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuutan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Anang sulat: “Mahal na Haring Joram, ang may dala nito’y si Naaman na aking lingkod. Ipinakikiusap kong pagalingin mo ang kanyang ketong.”

Nang mabasa ito ng hari ng Israel, ginahak niya ang kanyang kasuutan at sinabi, “Ako ba’y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?”

Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit ninyo gagahakin ang inyong kasuutan? Sa akin ninyo siya papuntahin para malaman nilang may isang propeta rito sa Israel.”

Ipinasabi nga ni Haring Joram kay Naaman na ang hanapin nito’y si Eliseo. Kaya, sumakay ito sa kanyang karwahe, at nagpunta kay Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na kabayuhan. Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at mananauli sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.”

Nang marinig ang sinabi ni Eliseo, nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, “Akala ko pa nama’y sasalubungin niya ako, tatayo siya nang tuwid, tatawagan ang Diyos niyang Panginoon sa Ilog Jordan, at itatapat sa akin ang kanyang mga kamay upang ako’y gumaling. Bakit doon pa niya ako pasisisirin? Bakit hindi sa alinman sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar. Hindi ba’t mas malinis iyon kaysa alinmang tubig sa Israel? Siguro nama’y mas madali akong gagaling kung doon ako maliligo.” At galit na galit siyang umalis.

Lumapit sa kanya ang kanyang mga katulong at sinabi, “Panginoon, hindi ba’t gagawin ninyo kahit mahirap pa riyan ang ipagawa sa inyo ng propeta? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” Kaya, nang mapagisip-isip ito ni Naaman, lumusong siya ng Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.

Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Tugon: Aking kinasasabikan ang Diyos na nabubuhay.

MABUTING BALITA
Lucas 4, 24-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Nang dumating sa Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa mga nasa sinagoga: “Tandaan ninyo: walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo: maraming babaing balo sa Israel noong kapanahunan ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlong tao’t kalahati at magkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Subalit hindi sa kaninuman sa kanila pinapunta si Elias kundi sa isang babaing balo sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga ketongin sa Israel noong kapanahunan ni Eliseo, walang pinagaling isa man sa kanila; si Naaman pang taga-Siria ang pinagaling.” Galit na galit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagtindigan sila, at ipinagtabuyan siyang palabas, sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng bayan, upang ibulid sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Kumusta na po tayo sa panahon na ito? Ang mga tao sa bayan ni Jesus ay hindi Siya tinanggap. Matigas ang kanilang ulo at puso. Naninindigan sa sariling pananaw.

Saan natin ito nakikita sa panahon ngayon? Kung matigas ang ating ulo, wala tayong pinagkaiba sa kanila. Mas importante ang sarili kaysa iba. Sa panahon ngayon tayo ay dapat na makinig at sumunod. Ngayon tayo magkaisa upang mapigil ang epidemya. Lahat tayo ay may mahalagang papel gaano man kaliit sa ating paningin. Magagawa nating labanan ito nang magkakasama. Hindi yung hiwa-hiwalay at kanya-kanya. Bawat mabuting salita at kilos sa iba ay malaki ang epekto sa mundo. Ganoon din kung masama at makasarili, malaking masamang epekto rin sa ibang tao. Sapagkat lahat tayo ay iisa lang ng tahanan at magkakakonekta. Ano ang ating pipiliin?

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Francesca Maria Margarita D.J.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.