Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Malinis na Pagkatao”

 

 

Hunyo 12, 2020. Biyernes sa ng Ika-10 Linggo ng Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 19, 9a. 11-16
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi: “Elias, bakit ka naririto?”

Sumagot siya: “Dahil po sa aking malaking pagmamalasakit para sa inyo, Panginoon, Diyos ng mga hukbo. Tinalikdan ng bayang Israel ang inyong tipan, winasak ang inyong mga dambana, pinagpapatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at hinahanap nila ako upang patayin.”

Sinabi sa kanya ng Panginoon: “Bumalik ka sa iyong dinaanan, sa ilang na patungong Damasco. Pagdating mo ng lungsod, pahiran mo ng langis si Jazael, bilang hari ng Siria, at si Jehu na anak ni Namsi bilang hari ng Israel. Pahiran mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola, bilang propetang hahalili sa iyo.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14
Tugon: Sa ganda mo’t kabutihan, kami’y iyong liwanagan.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon. Kung ang mata mo ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukutin mo at itapon! Sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kamay ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng katawan kaysa buo ang iyong katawang itapon sa impiyerno.

“Sinabi rin naman, ‘Kapag pinahiwalay ng lalaki ang kanyang asawa, ito’y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: kapag pinahiwalay ng isang lalaki ang kanyang asawa nang hindi naman ito nangangalunya, at ito’y nag-asawang muli, ang lalaking iyo’y nagkasala – itinulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya. At sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Maligayang Araw po ng Kalayaan para sa ating mga Pilipino! Ngayon nga po ay ginugunita natin ang araw na kung saan nagkaroon tayo ng kasarinlan mula sa banyagang nang-api sa atin. Subalit maraming iba’t ibang uri ng kalayaan. Paano naman ang kalayaan ng ating kaluluwa, puso at pagkatao?

Lalaya tayo kay Jesu Cristo sa pamamagitan ng pag-iwas sa kasalanan. Bakit? Dahil ang kasalanan ay nang-aapi. Nang-aapi ang kasalanan sapagkat pansinin ninyo na kapag nagkakasala ang tao, para bang wala siyang kapangyarihan laban sa masamang gawaing ito. Wala siyang “choice” kung hindi gawin iyon kahit mali – mula sa maliliit hanggang sa malalaking mga kasalanan. Mahirap iwasan at mahirap iwanan. May nagsasabi pang “nakaugalian na” at “hindi na magbabago iyan”. Ngunit mga kapatid, tayo po ay may tunay na kalayaan kay Jesus. Hindi ibig sabihin na dapat tayong manatili roon dahil ang Panginoon ay laging handang tulungan tayo.

Dahil sa Kanyang pagkamatay at pagkabuhay ay binigyan Niya tayo ng bagong buhay at bagong kapangyarihan upang pagtagumpayan ang kasalanan. Hindi natin malalabanan ang kahit anong tukso, masama at negatibo nang tayo lang. Kung hindi, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na ipinagkakaloob Niya sa atin. Tumalima lamang tayo sa Kanya at isumite ang ating sarili sa Panginoon.
Ang problema lang ay kung ayaw nating magbago at kung masyado na tayong dikit na dikit sa pagmamataas ng ating sarili. Nangyayari ito kung ang tingin natin sa ating sarili ay wala nang kulang at wala nang maaring pagkakamali. O kaya sa pagtanggi n mayroon tayong kasalanan.

Kapag ganito ang ating iniisip ay para na rin nating dinidiyos ang ating sarili sapagkat Diyos lamang ang perpekto at walang pagkakamali. Samantalang tayong lahat ay nakadepende sa awa ng Diyos. Ngayon, paano tayo magkakaroon ng kalayaan na ito kay Jesus?

Ang Simbahan ay may sakramento ng kumpisal na pinapalaya tayo sa kasalanan. Ang pagsabi ng kasalanan doon ay tuluyang pagpapalaya sa atin ng Diyos at tayo naman ay sa pagtalikod natin sa kasalanan. Paano naman ang pag-iwas sa kasalanan?

Kailangang malaman natin na ang lahat ng kasalanan ay nagmumula sa isip. Bago pa man ito gawin ay nabubuo na sa isip. Pansinin natin, ano ba ang laman ng iyong isip? Ano ba ang palagi mong iniisip? Negatibo ba o positibo? Puro Diyos ba o sarili mo? Akala kasi ng iba ang pagkakasala ay sa gawa lamang. Subalit hindi ba’t tuwing nagmimisa dinadasal natin ang “penitential rite” kung saan sinasabi nating “Inaamin ko sa Makapangyarihang Diyos at sa inyo mga kapatid, na ako ay nagkasala, sa isip, sa salita at sa gawa.”?

Kaya naman, magsimula muna tayo sa ating inisiip. Hilingin natin sa Panginoon na gawin Niya itong malinis. Sapagkat ang mga tukso ay gusto laging pumasok sa pamamagitan ng isip at sa puso. Sa pamamagitan ng ating kagustuhan o nasa. Pinipilit tayo ng diablo na piliin agad-agad kung ano ang mukhang maganda nang hindi nag-iisip kung tama ba ito o mali. Dapat lamang na bantayan natin ito. Kung hahayaan nating makapasok ni isang masamang pag-iisip, gaya ng halimbawa sa Ebanghelyo na isa lamang pagtingin ng mahalay ay magiging kasalanan na ito. Bawat kasalanan na malaki ay nagsisimula sa maliliit na hindi pinansin. Kung sa isip natin may negatibong paghuhusga sa kapwa, na hindi naman base sa katotohanan at nagdadala sa atin ng galit o pagkamuhi sa kapwa, ito rin ay isa nang kasalanan. Hindi man ito makita ng ibang tao, subalit kitang kita at alam na alam ito ng Diyos. Wala tayong maitatago sa Kanya.

Ibaba natin ang ating sarili sa Kanya at hilingin nating gawin Niyang malinis ang ating pagkatao – isip, salita at sa gawa nang tayo ay mas maging karapat-dapat na tawaging anak at instrumento ng pagpapala ng Diyos dito sa mundo. Amen. +

Pagnilayan natin ito at pakatandaan.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal na Diyos!

Reflections: Frances Mary Margaret DJ

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?