Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Matibay na Pundasyon ng Pananalig”


Photo Credit: Rational Catholicism

 

Pebrero 22, 2019. Biyernes. Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro.

Salmo 23: Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop.

Unang Pagbasa: 1 Pedro 5:1-4

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag.

Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].

Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan.

At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

Ebanghelyo: Mateo 16:13-19

Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?”

At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.”

Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?”

Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit.

At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya.

Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.”

At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo.

Pagninilay:

Isang mapagpalang biyernes sa lahat! Natapos na naman ang isang linggo at malapit na ulit ang araw ng ating pagpapahinga. Ngayon ay magandang pagnilayan ang Ebanghelyo at ang pinagdiriwang na kapistahan ngayon, ang “Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro.” Sa wikang Ingles, ito ay tinatawag na “Feast of the Chair of St. Peter the Apostle.” Ang luklukan ay “upuan” sa ibang salita. Bakit nga naman kailangang ipagdiwang ito?

Unahin nating pagnilayan ang Ebanghelyo ngayon. Bago umalis si Cristo upang magpakasakit, mamatay sa Krus at saka muling nabuhay, naghabilin muna siya sa mga alagad. Bahagi rin ito ng paghahabilin Niya sa Kanyang apostoles upang mapanatili ang Simbahan na sinimulan sa pundasyon ng labindalawang apostoles.

Ang luklukan ng Santo Papa na mula kay San Pedro na siyang kauna-unahang Santo Papa ang siyang mangangalaga sa kabuuan ng ating Simbahang laganap sa buong mundo.

Ang iisang gobyerno na ito ay itinatag upang pangalagaan ang katotohanan at kapakanan ng buong Inang Simbahan at mga miyembro nito. Iisa lang tayong lahat sapagkat si Cristo ang ulo ng Simbahan. Iisa ang pangalan, ang katawan, kaluluwa at puso kay Cristo. Siya ang nagtatag ng Simbahan at pinagmulan din nito.

Ang Simbahan ang perpektong katawan. Bagamat tayong mga miyembro ay hindi perpekto. Tinatawag tayong maging tulad ni Jesus sa pamamagitan ng ehemplo ng kanyang mga alagad at mga santo. Unang una na nga rito, si San Pedro.

Ang tanong, bakit kaya siya? Bakit siya ang pinili ng Panginoon? Alam naman nating lahat ang kanyang ginawa kay Cristo. Itinatwa niya si Jesus noong nahuli na ang ating Panginoon ng mga hudyo. Marami siyang pagkakamaling naggawa tulad na lamang ng panghihina ng kanyang pananampalataya noong sinabi niya kay Jesus na palakarin din siya sa tubig. Lumubog siya at inakay lamang muli ni Cristo. Marami pang ibang puro si Pedro na lamang ang makikita nating nangunguna ngunit madalas ding magkamali. Bakit siya pa rin?

Mga kapatid, si San Pedro ay salamin din nating lahat. Marami tayong pagkakamali sa Diyos – alam man natin o hindi. Madalas tayong nangunguna at nadadapa dahil sa ating kahinaan. Ngunit hindi dapat tayo mag-baling ng atensyon sa kung ano ang kahinaan at mga hindi maganda sa atin. Kung hindi sa walang hanggang katapatan ng Panginoon sa atin. Bagamat tayo’y lubos na mahihina at paulit-ulit na nagkakasala sa kanya’y lubos din ang pag-ibig at pagpapatawad ng Diyos kung tayo’y magpupursigi sa kabutihan at hindi sa kasamaan.

Nananatiling tapat ang Diyos sa mga pangako Niya at magagandang plano sa atin sa kabila ng ating mga pagkukulang. Alam natin na hindi ito tulad ng paraan ng mga taong gusto lagi ng hustisya at paghihiganti. Nag-iipon ng galit o sama ng loob. Ngunit ganito ang ating Diyos at tinatawag tayong tularan natin siya upang tulad niya, mapatawad din natin ang ating kapwa at maging kalugud-lugod na kinatawan ng Panginoon sa lupa.

Pagnilayan natin ang katotohanang bagamat nasa langit na muli si Jesus ay nandirito pa rin siya sa lupa. Nasa sa atin siyang puso, katawan at kaluluwa. Lalo na tuwing binibiyayaan tayo nang paulit-ulit na pagtanggap ng Kanyang Banal na Dugo at Katawan sa Eukaristiya. Naiintindihan ba natin ito? Siya’y buhay doon sa Sakramento ng Banal na Komunyon at nananahimik, at siya’y mapapansin lamang din natin sa kapayapaan at katahimikan ng ating puso.

Bukod dito, inihanda rin Niya ang kanyang mga pari at ang Santo Papa natin, upang maging kinatawan niya dito sa lupa at mag-alay ng misa para sa kanya at bantayan, ipagtanggol ang buong Inang Simbahan. Ganoon din ang ating papel na dapat gampanan bilang mga Anak.

Gaya ni San Pedro, nawa tayo ay tanggapin nang maluwag ang ating mga pagkakamali sa Diyos. Tayo’y huwag mahiyang mangumpisal habang may pagkakataon tayong magsisi. Upang maging kalugud-lugod na taga-tanggap ng biyaya ng Panginoon sa Banal na Komunyon.
Ito ang ating magiging susi sa ating pagbabago. Tulad ni San Pedro na naglakbay din mula sa pagiging makasalanan hanggang sa pagiging santo.

Magiging mas matatag tayo sa ating mga nalagpasan at bibigyan tayo ng Diyos ng biyayang higit pa sa ating inaaakala, dahil minamahal natin siya sa kabila ng ating mga paghihirap.

Marahil magandang tanungin ang sarili, tinatanggap mo ba talaga si Cristo bilang iyong Tapagligtas sa araw-araw ng iyong buhay? Nagiging payapa ka ba dahil alam mong si Cirsto ang bahala sa lahat? Sino ba si Jesus para sa iyo?

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM FrancesMaryMargaret

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.