Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Matibay sa mga Pagsubok”

Pebrero 1, 2020. Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
2 Samuel 12, 1-7a. 10-17
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, sinugo ng Panginoon kay David si Propeta Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa’y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Pinapangako niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinaiinom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ang mayamang nabanggit. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kanyang kinuha. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”

Napasigaw sa galit si David, “Naririnig tayo ng Panginoon! Ang taong iyo’y dapat na mamatay! Kailangang magbayad siya nang apat na ibayo sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

Sinabi agad ni Natan kay David, “Kayo ang lalaking iyon! Ito ang sinabi sa inyo ng Panginoon: ‘Yamang ako’y itinakwil mo at kinuha mo ang asawa ni Urias, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ Sinabi pa rin ng Panginoon, ‘Pagkakagalitin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo’y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit araw. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang parurusahan at makikita ng buong Israel.’”

Sinabi ni David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.”

Sumagot si Natan, “Kung gayo’y pinatatawad ka na niya at hindi ka mamamatay. Gayunman, yamang nilapastangan mo ang Panginoon, ang magiging anak mo ang mamamatay.” At umuwi na si Natan.

Tulad ng sinabi ng Panginoon, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. Dumalangin si David para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng sako at nag-ayuno, at sa lupa na nahiga nang gabing iyon. Lumapit sa kanya ang matatanda sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17
Tugon: Diyos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin.

MABUTING BALITA
Marcos 4, 35-41
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon at bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa ating lahat! Minsan tayo din ay maraming iniisip na problema. Para bang doon na lang sa problema nakatuon ang ating pansin na hindi na natin nakikita ang Diyos. Gaya ng mga apostol na nataranta. Napuno sila ng takot at pangamba. Hindi na nila naisip na si Jesus na may kapangyarihan sa lahat ang kasama nila. Isang salita lang ng Diyos tumigil ang malalakas na alon. Kayang gawin ng Diyos ang lahat ng bagay.

Alam naman ni Jesus kung ano ang nangyayari. Subalit bakit niya hinayaan iyon? Upang subukin sila at malaman anong pananampalataya mayroon sila. Ikaw, anong uri ng pananampalataya mayroon ka? Nananatili ba itong matatag sa kabila ng pagsubok? Kailangan natin ito upang matuto tayo at mas lalo pa tayong maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan na naghihintay sa atin. Amen. +

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.