Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “May Tiwala ka ba sa Diyos?”

Photo Credit: palabradediosdiaria.wordpress.com

 

Disyembre 19, 2018. Ika-3 Linggo ng Adbiyento.

Salmo 71: Lagi kong papupurihan ang iyong kapangyarihan. 

Unang Pagbasa: Hukom 13:2-7, 24-25

Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito’y baog. Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak.

Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kapag naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”

Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya’y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya.

Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko’y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”

Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh.
At nagsimulang udyukan ng Espiritu ni Yahweh si Samson at siya’y pinakilos nito sa kampo ng Dan na nasa pagitan ng Zora at ng Estaol.

Ebanghelyo: Lucas 1:5-25

Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala’y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.

Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila’y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso.

Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin.

Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito.

Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata.

Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo.

Sa pamamagitan niya’y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.”

Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako’y matanda na at gayundin ang aking asawa.”

Sumagot ang anghel, “Ako’y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.”

Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya’t mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi ni Elisabet, “Ngayo’y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!”

Pagninilay:

Sadyang misteryoso ang mga gawa ng Panginoon. Tulad ni Zacarias at Elisabet, tayo rin ay kung may hinihintay at walang tugon ang Panginoon, madali tayong magduda. Kahit pa nandiyan na, hindi pa rin tayo makapaniwalang ito’y idudulot ng Diyos. Ngunit kung aalalahanin natin nang sinabi ni Anghel Gabriel kay Maria na naglilihi ang kanyang pinsang Elisabet kahit siya’y matanda na, sinabi nito ang mga katagang “Walang imposible sa Diyos”.

Tunay ngang walang imposible sa kanya at kaya niyang tupdin anuman ang kanyang naisin. Subalit nais din niyang lumago tayo sa ating pananampalataya. Nais niyang magtiwala tayo sa kanya. Kung makuha natin ang gusto natin ngunit hindi naman tayo nagkaroon ng malalim ng ugnayan sa Panginoon, para saan pang lahat ng ito?

Ngunit kung tayo’y sinusubok ng panahon, sa ating sariling kawalan ng pasensiya, mas lalo tayong dapat manalangin at maghintay kahit tingin natin ay walang nangyayari dahil ang Panginoon ay Diyos na Buhay. Nakikinig siya at naghihintay lamang ng tamang panahon upang ibigay sa atin ang ating naisin.

Sa aking pagninilay ay aking napagtanto ko bakit kailangang mapipi si Zacarias? Ito ba ay talagang kaparusahan para sa kanya? Tandaan natin ang DIyos ay hindi mapagparusang Diyos. Kahit ang mga hindi magandang pangyayari, gaano man ito hindi kaaya-ayang tingnan ay mayroon din magandang maidudulot ang pangyayaring ito.

Ang katahimikan ni Zacarias ay maaring isang paraan upang siya’y makapagnilay-nilay. Kung tayo’y napakaingay tulad sa panahon ngayon, masyadong magulo ang utak at kung anu-ano nang walang katuturang sinasabi. Sa katahimikan lamang natin maiisip at mababalik-tanaw ang mga kagandahang-loob na ginawa ng Diyos para sa atin. Ang pananampalataya ay nakabubuhay ng kaluluwa at puso.

Ngunit ang duda sa Diyos ay nakamamatay ng pag-asang may mas higit pa kaysa sa ating kinasasadlakan ngayon. Sa panahon ng pagdududa, panghihina ng pananampalataya sa Diyos, manahimik tayo at pagnilayan ang kabutihan ng Diyos sa atin. Darating ang oras na tayo’y kanyang lilingapin muli at pagyayamanin ang lahat sa ating buhay, puso, isip at kaluluwa.

Panalangin: Panginoon, hindi ako karapat-dapat na mahalin mo ngunit pinili mo ako at hanggang ngayon ay puspos pa rin ako ng duda at kahinaan ng pananampalataya. Hilumin mo ang aking puso, Panginoon. Turuan mo akong tiwala sa iyo. Maria, aming ina, at San Jose, ipanalangin ninyo po kami at dalhin kami kay Jesus. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?