Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Mga Anghel ng Diyos”

Setyembre 29, 2020.Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael.

UNANG PAGBASA
Daniel 7, 9-10. 13-14
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.
Ang Salita ng Diyos.

o kaya: Pahayag 12, 7-12a
Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag

Sumiklab ang digmaan sa langit! Naglaban si Arkanghel Miguel, kasama ang kanyang mga anghel, at ang dragon, kasama naman ng kanyang mga kampon. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. Itinapon ang dambuhalang dragon – ang matandang ahas na ang pangala’y Diyablo o Satanas, na dumaya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa, pati ang kanyang mga kampon.
At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesiyas ang kanyang karapatan! Pagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. Nagtagumpay sila laban sa Diyablo sa pamamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan; hindi sila nanghihinayang sa kanilang buhay. Kaya’t magalak kayo, kalangitan, at lahat ng naninirahan diyan!”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a, 2bk-3, 4-5
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasasalamat
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap
sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.
Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
pupurihin ka ng lahat at ika’y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Poon, kita’y pupurihin sa harap ng mga anghel.

ALELUYA
Salmo 102, 21
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y purihin
ng lahat n’yang mga anghel
na tapat at masunurin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 1, 47-51
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng mga Arkanghel na sina San Miguel, Gabriel at Rafael! Tatlo lamang po ang mga arkanghel na ating kinikilala. Sila ang mga nakasulat sa Bibliya. Natunghayan nga po natin sa unang pagbasa ang mga tagpo ng digmaan sa langit kung saan binanggit si San Miguel. Kaya kinikilala siya ng Simbahan bilang protektor at tagapagtanggol. Tayo rin ay maaring humingi ng kanyang proteksyon bilang miyembro o bahagi ng Simbahan. Laban sa mga tukso, masasama, at mga negatibo, maari tayong humingi ng kanyang panalangin sa kanya. Lalo sa proteksyon mula sa pagkawala ng pag-asa sa mga dinaranas sa pagsubok sa buhay, at nang tayo ay magkaroon ng kapayapaan sa kabila ng ating mga dinaranas.

Si San Gabriel naman ay matatandaang naghatid ng Magandang Balita kay Maria na darating na ang Mesiyas, si Jesus, at siya ang magiging ina ng Diyos. Hilingin nating gabayan at tulungan tayo ni San Gabriel sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita o Ebanghelyo ng Panginoon. Sa salita man o sa gawa. Ito rin ay ating trabaho. Gaya nila na mga tagapagsilbi ng Diyos, tayo rin ay nakatakdang tupdin ang ating bokasyon at misyon na itinalaga ng Diyos para sa atin. Si San Rafael naman ay nasa libro ng Tobit. Siya ang ating tinatawag, lalo ngayong panahon ng pandemya, upang manalangin para sa atin na pagalingin tayo ng Diyos sa anumang karamdaman – pisikal, emosyonal, atbp. Katulad ng ginawa niya para sa ating matapat sa Diyos na si Tobit at sa kanyang anak na si Tobias. Ginabayan niya si Tobias upang maggawa ang kalooban ng Diyos. Patungo sa kagalingan ng kanyang ama na kanilang inaasam.

Ganito rin ang papel ng mga anghel sa atin. Ngunit ating tandaan na pinagbabawalan tayong pangalanan sila. Hindi natin sila pagmamay-ari. Sila ay mga tapaghatid ng mensahe ng Diyos at Kanyang mga tagapaglingkod. Hindi rin naman natin sila sinasamba dahil mga nilikha rin sila ng Diyos katulad natin. Bagkus, sila ay ating pinahahalagahan at pinararangalan bilang tanda ng presensiya, gabay at tulong ng Diyos. Sila ay pinapadala ng Diyos sa ating mga tao upang tumulong sa ating kaligtasan, at upang maihatid tayo sa buhay na walang hanggan. Ginabayan at tinutulungan tayo patungo at pabalik sa Diyos. Hingiin natin ang kanilang panalangin na mas mailapit tayo sa Diyos. Nawa ay maggawa natin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin, proteksyon at gabay ng mga anghel na mula rin sa napakalawak na pag-ibig at kapangyarihan ng Panginoon. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?