Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Misteryo ng Hapis”

Abril 4, 2020. Sabado sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.

UNANG PAGBASA
Ezekiel 37, 21-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang ipinasasabi ng Panginoon: “Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. Sila’y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila’y gagawin kong isa na lamang kaharian. Hindi na sila sasamba sa diyus-diyusan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang magiging bayan ko at ako ang magiging Diyos nila. Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. Sila’y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak ay doon mananatili habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. Ako’y mananatiling kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan ko. At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong Panginoon ang humirang sa Israel upang maging akin.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Tugon: Pumapatnubay na Diyos ay Pastol na kumukupkop.

MABUTING BALITA
Juan 11, 45-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus, at nanalig sa kanya. Ngunit ang ilan sa kanila’y pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Hesus. Kaya’t tinipon ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin.

“Ano ang gagawin natin?” wika nila. “Gumagawa ng maraming kababalaghan ang taong ito. Kung siya’y pababayaan natin, mananampalataya sa kanya ang lahat. Paririto ang mga Romano at wawasakin ang Templo at ang ating bansa.” Ngunit isa sa kanila, si Caifas, ang pinakapunong saserdote noon ay nagsabi ng ganito: “Ano ba kayo? Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti para sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, sa halip na mapahamak ang buong bansa?” Sinabi niya ito hindi sa ganang kanyang sarili lamang. Bilang pinakapunong saserdote ng panahong iyon, hinulaan niyang mamamatay si Hesus dahil sa bansa – at hindi dahil sa bansang iyon lamang, kundi upang tipunin ang nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos. Mula noon, binalangkas na nila kung paano ipapapatay si Hesus, kaya’t hindi na siya hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya’y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang. At doon siya nanirahang kasama ng kanyang mga alagad.

Nalalapit na ang Pista ng Paskuwa. Maraming taga-lalawigang pumunta sa Jerusalem bago mag-Paskuwa upang isagawa ang paglilinis ayon sa Kautusan. Hindi nila nakita si Hesus sa templo, kaya’t nagtanungan sila,”Ano sa akala ninyo? Paririto kaya sa pista o hindi?” Ipinag-utos ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo na ituro ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Hesus upang siya’y maipadakip nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Bukas nga ay simula na ng Semana Santa. Nakahanda ka na ba? Paano mo sasamahan si Jesus sa Kanyang hapis? Paano tayo aakyat ng bundok kasama Niya? Marahil kakaiba ngayon ang ating magiging “Holy Week” ngunit para sa mga pusong tunay na nananalig sa Diyos, hindi hadlang ang anuman sa pagdiriwang natin at pakikibahagi sa pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. Marami ngayong mga facebook pages at website para makiisa. Wala na tayong excuse para hindi sumali.

Ang Diyos mismo ang pupunta sa ating mga tahanan para makibahagi sa atin. Kailangan lamang natin itong gustuhin. Tandaan nating dinanas Niya ang lahat ng ito alang alang sa walang hanggang pag-ibig para sa atin. Tayo dapat ang mamamatay. Tayo dapat ang tatanggap ng parusang ito dahil sa ating kasalanan, ngunit inako itong lahat ni Jesus. Iniligtas Niya tayo dahil sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay. Ano naman ang ating ibabahagi sa Kanya bilang pasasalamat sa pagbuwis Niya ng buhay para sa atin? Ano naman ang itutugon natin sa wagas na pagmamahal Niya para sa atin?

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Frances Mary Margaret D.J.

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?