Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pag-aalay ni Cristo Para sa Atin”


Photo Credits: CaleFactory

 

Enero 21, 2019. Lunes. Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon. 

Salmo 110: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melkisedek. 

Unang Pagbasa: Hebreo 5:1-10

Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan.

Nadarama niya ang kahinaan ng mga mangmang at ng mga naliligaw ng landas sapagkat siya’y mahina ring tulad nila. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya’y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para sa kanya ring mga kasalanan.

Ang karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron.

Gayundin naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya’y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo’y ako na ang iyong Ama.”

Sinabi rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya’y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbabá.

Kahit na siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya’y maging ganap, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban. Minarapat ng Diyos na siya’y gawing Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Ebanghelyo: Marcos 2:18-22

Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?”

Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga’t kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon.

Ngunit darating ang araw na ilalayo ito sa kanila, at saka pa lamang sila mag-aayuno.

“Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit.

Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon ay ipinaliwanag ni Jesus sa pamamagitan ng isang talinghaga ang Kaharian ng Diyos. Isang pagbabagong kanyang dulot bilang isang lalaking ikakasal. Ang tinutukoy na kanyang pakakasalan ay ang ating Inang Simbahan kung saan tayo kabilang.

Isa itong misteryo subalit maiintindihan natin sa ating sariling pananalita. Hindi pa ganap ang pag-unawa sa papel ni Jesus bilang isang Mesiyas na kanilang hinihintay. Noon kasi mahalaga sa kanila ang malimit na pag-aayuno at pagpigil sa pagkain. Subalit iniba din ito ni Jesus.

Naiba ngunit hindi nalayo kung hindi natupad ang lahat ng kautusan dahil si Cristo ang kaganapan ng lahat ng ipinangako noong lumang tipan. Noong siya’y namatay at nabuhay uli, umakyat sa langit at bumaba ang Espiritu Santo. Ito ang kaarawan ng Simbahan. Kung noon dumating ang Cristo sa panahon pa ng lumang tipan ay naghahain ang mga Matataas na Pari ng handog na hayop (na kalimitan ay isang tupa) na pinapatay ay iniaalay ang dugo ng mga hayop na iyon para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ngayon naman ay higit na mas mahalaga ang alay na ginawa ni Jesus para sa pangkalahatan. May isang alay lamang para sa ating lahat.

Kaya naman, kapag kasama si Jesus tulad ng mga alagad, hindi pa nag-aayuno sapagkat hindi pa oras nito. Halimbawa, kapag ka pasko ay sagana tayo sa handaan dahil sa pagdating ni Jesus at kapiling natin siya sa bawat isa. Kapag Semana Santa naman ay nag-aayuno tayo kapag Biyernes Santo. Sa lahat ng Biyernes naman matapos ang Miyerkules ng Abo ay lumiliban tayo sa pagkain ng karne. Dahil tayo ay nakikiisa kay Cristo. Kung saan siya ay doon tayo tutungo.

Higit pa sa anumang uri ng pag-aalay ng dugo at katawan dahil siya ay higit kaysa sa ating lahat na nagpakababa sa atin. Ang sakripisyong ito ay ating natutunghayan sa tuwing Banal na Misa – ang bukal ng ating kaligtasan.
Sa gayong paraan, paano natin mapasasalamatan ang Diyos sa lahat ng kanyang ginawa para sa atin? Ganoon din ang ating gagawin. Ang ialay ang ating sarili bilang sakripisyo sa Panginoon kaisa niya at sa kanya. Ngayong linggo’y maging inspirasyon nawa natin ang sakripisyo at pagkapari ni Jesus na inako ang lahat ng ating kasalanan dahil sa pag-ibig sa atin.

Ialay natin sa kanya ang lahat ng ating bawat gawa at kilos ngayong linggo na ito at hingin ang kanyang pag-gabay.
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.