Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pag-ibig at Awa ng Diyos”

 

 

 

 

Marso 22, 2021. Lunes sa Ika-5 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.

UNANG PAGBASA
Daniel 13, 41k-62
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel

Noong mga araw na iyon, ang mga tao ay nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana. Dahil dito, malakas at umiiyak na sinabi ni Susana, “Diyos na Walang Hanggan, nalalaman mo po ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari. Alam mo pong walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Hindi ko ginagawa kailanman ang ipinararatang nila sa akin. Bakit ako kailangang mamatay?”
Dininig ng Diyos ang kanyang dalangin. Nang si Susana ay dinadala na sa pagpapatayan sa kanya, isang binatang nagngangalang Daniel ang malakas na tumutol. “Ayokong mapabilang sa magbububo ng dugo ng babaing ito,” sabi niya.

Tinanong siya ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin, binata?”
Lumapit sa unahan ang binata at nagpatuloy ng pagsasalita, “Mga Israelita, hangal ba kayo at hinatulan ninyo ang babaing ito nang di muna sinisiyasat at maingat na sinasaliksik ang katotohanan? Kailangang ulitin ang paglilitis; walang katotohanan ang katibayang inilahad ng dalawang iyan.”

Nagdudumaling bumalik ang mga tao. Sinabi ng mga pinuno, “Daniel, yamang binigyan ka ng Diyos ng karunungang gaya ng sa isang matanda, halika at sumama ka sa amin sa paghatol sa usaping ito.”
Pagkatapos, nagsalita si Daniel, “Paglayuin ninyo ang dalawang hukom at magkahiwalay ko silang sisiyasatin.” Nang mapaglayo na sila, tinawag ni Daniel ang isa at sinabi, “Matandang walang pinagkatandaan! Inilalantad ka na ng maraming kasalanang ginawa mo. Hindi makatarungan ang mga hatol na iginagawad mo; pinarurusahan mo ang walang kasalanan at pinalalaya ang talagang nagkasala. Di ba sinabi ng Diyos: ‘Huwag ninyong parurusahan ng kamatayan ang walang sala?’ Kung talagang nakita mo ang ipinararatang mo sa babaing ito, sabihin mo sa amin: sa ilalim ng anong puno sila nagtatalik nang matutop ninyo?”

Sumagot siya, “Sa ilalim ng punong hati.”
Sinabi ni Daniel, “A, gayun! Buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, pagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo, at hahatiin ka sa dalawa.”
Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman, anak ni Canaan, hindi ka tunay na Judio. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi natakot sa iyong kaimbihan! Sabihin mo: sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”

At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng punong putol.”
“A, gayun!” pakli naman ni Daniel. “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, pagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng tabak.”
Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng nakasaksi at nagpuri sila sa Diyos sapagkat inililigtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya. Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila’y nagsisinungaling at nanumpa nang di totoo. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang di totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Kahit sa daang madilim, Panginoon ko’y kapiling.

MABUTING BALITA
Juan 8, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, si Hesus ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinaumagaha’y nagbalik siya sa templo. Lumapit sa kanya ang lahat, kaya’t umupo siya at sila’y tinuruan. Noo’y dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Pariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid. Pinatayo ito sa harapan nila, at sinabi kay Hesus, “Guro, ang babaing ito’y nahuli sa pakikiapid. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga gaya niya.

Ano ang masasabi mo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, nang may maisumbong sila laban sa kanya. Ngunit yumuko si Hesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Ayaw nilang tigilan nang katatanong si Hesus, kaya’t sila’y tiningnan niya at sinabi ang ganito, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila ito, sila’y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Walang naiwan kundi si Hesus at ang babaing naroon pa rin sa harapan niya. Tiningnan siya ni Hesus at tinanong: “Nasaan sila? Wala bang nagparusa sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Hesus: “Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag nang magkasala.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Ang Panginoon ay hindi binibilang ang ating kasalanan at hindi tayo hinuhusgahan kung pipilii natin na magbabago. Kaya bakit tayo matatakot lumapit kay Jesus? Hindi Niya tayo babatuhin. Hindi Niya tayo pipintasan. Ang pagpapatawad ni Jesus at matamis. Niyayakap Niya tayo ng buong buo para mahilom ang mga sugat na dahilan kung bakit tayo nagkakasala. Humingi tayo ng tawad sa Kanya. Magsuri tayo ng konsensiya. Humingi tayo ng lakas mabago ang mga dapat nating baguhin sapagkat Diyos lamang ang hindi nagbabago ang tingin sa atin kahit may sala. Handa Niya tayong baguhin, tulungan at magbagong buhay upang tayo ay makapiling Niya sa buhay na walang hanggan. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.