Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagbabago ng Mundo”

 

 

 

 

Oktubre 1, 2020. Paggunita kay Santa Teresita ng Sanggol na si Hesus, dalaga. Huwebes ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Job 19, 21-27
Pagbasa mula sa aklat ni Job

Sinabi ni Job:
“Aking mga kaibigan, ako’y inyong kahabagan;
at sa galit nitong Diyos, ako’y kanyang ibinuwal.
Bakit ako inuusig, waring kayo itong Diyos?
Di ba kayo magsasawang pahirapan akong lubos?
“Sana ang sinabi ko’y maitala’t masulat
at ito ay magawang isang buong aklat.
At sa bato’y maiukit itong mga salita ko
upang sa habang panaho’y mabasa ng mga tao.
Alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas
na sa aki’y magtatanggol pagdating noong wakas.
Pagkatapos na maluray itong aking buong balat,
ang Diyos ko’y mamamalas kahit laman ay maagnas.
Siya’y aking mamamasdan, at mukhaang makikita
ng sariling mga mata at di ng sinumang iba.
Ang puso ko’y nananabik na mamasdan ko na siya.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 26, 7-8a. 8b-9abk. 13-14
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
O Diyos, ako’y dinggin sa aking pagtawag,
lingapin mo ako, sa aki’y mahabag.
Ang paanyaya mo’y “Lumapit sa akin.”
huwag kang magkukubli’t kita’y hahanapin!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
H’wag kang magagalit, huwag mong itatakwil
akong katulong mo at iyong alipin;
Tagapagligtas ko, h’wag akong lisanin!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.
Ako’y nananalig na bago mamatay
masasaksihan ko ang ‘yong kabutihan
na igagawad mo sa mga hinirang.
Sa Panginoong Diyos tayo’y magtiwala!
Ating patatagin ang paniniwala;
tayo ay umasa sa kanyang kalinga!
Makikita ang Maykapal sa kanyang lupang hinirang.

ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 10, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, ang Panginoon ay humirang pa ng pitumpu’t dalawa. Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na patutunguhan niya. Sinabi niya sa kanila, “Sagana ang aanihin, ngunit kakaunti ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa may-ari na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang bukirin. Humayo kayo! Sinusugo ko kayong parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lukbutan, supot, o panyapak. Huwag na kayong titigil sa daan upang makipagbatian kaninuman. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’

Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, sasakanila ang kapayapaan; ngunit kung hindi, hindi sila magkakamit nito. Manatili kayo sa bahay na inyong tinutuluyan; kanin ninyo at inumin ang anumang idulot sa inyo – sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng kanyang upa. Huwag kayong magpapalipat-lipat ng bahay. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kanin ninyo ang anumang ihain sa inyo; pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa bayan, ‘Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo.’ Ngunit sa alinmang bayang hindi tumanggap sa inyo, lumabas kayo sa mga lansangan nito at sabihin ninyo, ‘Pati ang alikabok dito na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaaan ninyo nalapit na sa inyo ang paghahari ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang kaparusahan ng mga tao sa bayang yaon kaysa dinanas ng mga taga-Sodoma!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ni Santa Teresita! Siya ay isang dalaga at pantas ng simbahan na nagturo ng “the little way”. Ibig sabihin nito’y kahit napakaliit ng sakripisyo natin, kahit pagpupulot ng isang balat ng kendi, kung may pag-ibig ay kaaya-ayang sakripisyo na sa Panginoon. Sapagkat ang importante ay ang magmahal.

Ngayon naman sa ating Ebanghelyo ay tampok ulit ang mga alagad at ang mga habilin ni Jesus sa mga alagad bukod pa doon sa naunang labindalawa. Narito ang pag-iisip na hinihiwalay natin ang ating sarili sa kanila lalo kung hindi tayo relihiyoso. Iniisip nating para sa mga alagad lamang ito at mga santo. Subalit hindi. Tinatawag tayong maging alagad ng Diyos sa ating kanya-kanyang buhay. Ang hindi pagdala ng kahit anumang bagay ng mga alagad at disipulo ni Jesus ay masasabing isang “detachment” sa mga bagay mula dito sa lupa. Sa ating buhay kahit pa mayroon tayong mga materyal na bagay ay maari rin tayong maging “detached”. Ibig sabihin nito, higit na mas minamahal at binibigyang importansya natin ang Diyos at kawanggawa kaysa sa mga materyal na bagay. Alam natin ang katotohanang Diyos ang nagbibigay ng lahat ng bagay. Sa Kanya ito nagmula at babalik din sa Kanya.

Alam nating dapat ibahagi ang anumang mayroon tayo upang maibahagi sa iba. Kasama rito ang tiwala sa Diyos na Siya ang magbibigay ng grasya at hindi ito mauubos. Wala tayong dala-dalang mabibigat na bagahe sa puso na masyadong dikit o abala sa pag-iisip ng mga bagay. Alam nating magbibigay at magbibigay ang Diyos sa tamang panahon at oras. Kaya may lakas loob tayong magbigay sa kapwang nangangailangan.

Ikalawa, ang kahalagahan ng kapayapaan sa bahay na Diyos lamang ang makapagbibigay. Alagaan natin ito. Maging magiliw tayo at huwag madamot. Malalaman nating pinapatuloy natin ang Diyos, at ang Kanyang mga disipulo hindi kung may bisita tayong ginigiliw natin o hindi kung ito ay pari o relihiyoso, kung hindi kung bukas ang ating tahanan sa mga namamalimos, at sa mga nangangailangan. Ang pisikal nating tahanan at ang tahanan ng ating puso ay malalaman nating bukas kung nabibigyan natin at hindi husgahan ang mga namamalimos sa atin.
Ganito po maging alagad ng Panginoon, ang magbigay nang may pag-ibig. Ang iwanan ang lahat para sa Diyos, kung hindi sa pisikal at pang-espiritwal. Hindi kailangang gumawa ng masyadong magarbo at malalaking bagay.

Magsimula tayo sa maliliit at araw-araw, at pang-karaniwan. Sama-sama tayong gagawa nito sa ating maliliit na paraan. Kung bawat isa sa ating mga Katoliko ay mamumuhay ayon sa Ebanghelyo na ito, at makukuntento sa paggawa ng maliliit ngunit mabubuting bagay para sa kapwa ay tiyak mababago ng Diyos ang mundo sa pamamagitan natin. Tuluyang maghahari ang Kaharian ng Diyos at ang mabuti sa kabila ng mga paghihirap sa buhay. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?