Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagbabalik kay Jesus”

Nobyembre 19, 2019. Martes ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 6, 18-31
Pagbasa mula sa Ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang siya ay pakanin ng baboy, kaya’t pinilit siyang magbuka ng bibig. Sa pag-iwas niyang makapitan ng kasamaan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya’t ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa kautusan, kahit ito’y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya’t dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakanin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakanin. Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasiya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalaala niyang sapul pagkabata’y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya’t sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din. Sa gulang kong ito’y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikdan ang aking relihiyon! Kung ako’y magtaksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan. Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makaiiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat. Kaya’t tatanggapin ko na ngayon ang marangalna kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan. Sa gayun, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan – ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”

Matapos niyang sabihin ito, lumapit agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya. Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila’y kaululan lamang ang mga sinabi niya. Kaya’t ginulpi nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito’y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking pagmamahal sa kanya.”

Namatay nga si Eleazar, ngunit siya’y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa tapang at si malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

Ang Salita ng Diyos.
Salamat sa Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 3, 2-3. 4-5. 6-7
Tugon: Ako’y itinataguyod ng aking Panginoong D’yos.

MABUTING BALITA
Lucas 19, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Papuri sa iyo Panginoon.

Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa Jerico, at naglakad sa kabayanan. Doo’y may isang mayamang puno ng mga publikano na nagngangalang Zaqueo. At pinagsikapan niyang makita si Hesus upang makilala kung sino ito. Ngunit siya’y napakapandak, at dahil sa dami ng tao, hindi niya makita si Hesus. Kaya’t patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Hesus na magdaraan doon. Pagdating ni Hesus sa dakong iyon, siya’y tumingala at sinabi sa kanya, “Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.” Nagmamadali siyang bumaba, at tuwang-tuwang tinanggap si Hesus.

Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” wika nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kanya.” At sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang kaligtasa’y dumating ngayon sa sambahayang ito; lipi rin ni Abraham ang taong ito. Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pinupuri ka namin Panginoong Jesu Cristo.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Likas sa tao ang mapaghusga. Nakita lang natin o nabalitaan, akala natin ay alam na nating lahat. Ganito ang nangyari kay Zacqueo. Tinanggap siya ng Panginoon at naging dahilan ng pagbabago nito, ngunit pinagpipintasan siya ng mga tao.

Pati si Jesus ay kasama na rin sa kanilang hinusgahan. Suriin natin ang mga sarili, gaano kadalas tayong maghusga ng ibang tao? Tanggap ba natin ang lahat ng tao? O namimili tayo ng pinakikisamahan?

Tandaang si Jesus ay niyayakap ang lahat ng uri ng tao. Kilala siya bilang “kaibigan at doktor ng mga makasalanan”. Hindi ibig sabihin na pinapayagan Niya sila na mamuhay nang masama. Ngunit gaya ng nangyari ngayon, sa pakikipagtagpo ng makasalanan kay Jesus, siya ay nagbabago.

O baka naman tayo ay si Zacqueo na nasa malayo at nag-aalangan lumapit kay Jesus? Tandaan kung sino ang napalayo, siya ang mas inaabangan ni Jesus. Mas nagkasala, mas pupunan ng awa. Mas umiba ng landas, mas tatawagin ni Jesus upang bumalik sa Kanya at makasama Niyang muli sa buhay ng tao na Kanyang ginawa, minamahal at pinag-alayan ng buhay.

Pagnilayan natin ito at hingin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Reflections : Francesca A. Maria Margarita D.J.
🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.