Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagbabalik-loob sa Diyos”


Photo Credits: Distributist Review

 

Nobyembre 22, 2018. Huwebes. Ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 149: Ginawa mo kaming pari, isang maharlikang lipi. 

Unang Pagbasa: Pahayag 5:1-10

Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatan na may sulat ang loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa kasulatan?”

Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa, na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon.

Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. Ngunit sinabi sa akin ng isa sa mga pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David, ang siyang nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakarolyo.”

Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng mga pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na parang pinatay na. Ito’y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong sanlibutan.

Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. Nang ito’y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu’t apat na pinuno. Bawat isa’y may hawak na alpa at may gintong mangkok na puno ng insenso na siyang mga panalangin ng mga banal.

Inaawit nila ang isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatan at sumira sa mga selyo niyon.

Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.

Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos; at sila’y maghahari sa lupa.”

Ebanghelyo: Lucas 19:41-44

Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito’y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito’y lingid ngayon sa iyong paningin.

Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila.

Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.”

Pagninilay:

Bago magsimula ang pampublikong ministro ni Jesus ay nangyari ang kaganapang ito sa ating Ebanghelyo. Nasa mataas na bahagi siya ng isang lugar kung saan kitang kita ang buong Jerusalem. Tumangis si Jesus sapagkat Nakita niya ang kalagayan ng Jerusalem tila nakalimot na sa Diyos. Lubos ang kalungkutan ni Jesus dahil alam niyang kung ang mga tao’y susunod sa Diyos at magbabalik sa kanya, dito sila magkakaroon ng kapayapaan at maililigtas sila sa mga bumabagabag sa kanila.

Ano naman ngayon ang kaugnayan nito sa kasalukuyan? Ano o sino ba ang Jerusalem?

Ang Jerusalem ay hindi lamang isang lugar sa malayo. Maaring ito ang ating mga pusong tumalikod na sa Diyos. Hanggang ngayon ay marami sa atin ang ganito. Iniiyakan ni Jesus ang mga pusong matitigas ang damdamin at masyadong nakatuon sa mundo. Namumuhay na walang Diyos at wala ding kapayapaan.

Hindi ba’t ganito rin ang karamihan ng tao sa atin ngayon? Maraming pinagkakaabalahan. Maraming ginagawa. Tila hindi na mahagilap at walang panahon sa Diyos dahil masyadong abala sa trabaho, opisina o sa negosyo.

Sa kabila ng ating mga inaasikaso, mga kaganapan at tila kalunos-lunos na mga balita, may kapayapaan pa ba tayo sa puso? O baka naman nakakaligtaan na natin kung ano ang pinakamahalagang gawin sa buhay? Ang mga materyal na bagay ay nabibili ng pera ngunit ang kapayapaan ay walang katumbas na salapi.

Panahon na upang tanungin natin ang ating sarili kung makita natin ang Diyos ngayon sa ating buhay at makausap natin siya, sasalubungin ba niya tayo ng ngiti o siya’y maluluha din dahil sa ating kalagayan?

Tandaan nating dahil sa dalisay na pagmamahal ng Diyos ay sinasamahan Niya tayo sa lahat ng bagay. Kung tayo’y lugmok sa kasalanan at masasamang gawain, tayo ang nagdedesisyong mawalay sa kanya na dahilan ng pagkalungkot ng ating Panginoon.

Subalit, kung tayo’y nagtitiyaga at nagpupursigi na gumawa ng kanyang kalooban, mahirapan man tayo at humarap sa maraming pagsubok, walang makakatanggal ng ating kapayapaan sa puso. Dahil alam nating may katapusan ang lahat ng paghihirap.

Naniniwala tayong tatanggalin tayo ng Panginoon sa problemang ating kinasasadlakan ngayon kung mananatili lamang tayo sa kanya.

Pagnilayan natin ito.

Pagninilay: Jesus, kaawaan mo kami at patawarin ang aming pagkamakasarili pati na rin ang kahinaan ng pananampalataya sa iyo. Bigyan mo kami ng kapayapaan sa gitna ng lahat ng aming mga iniinda sa kasalukuyan. Maria, aming ina, ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.