Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagbibigay ng Lubos kay Jesus”


Photo Credit: cathy581.vox.com

 

Abril 15, 2019. Lunes Santo. 

Salmo 27: Panginoo’y aking tanglaw, siya’y aking kaligtasan. 

Unang Pagbasa: Isaias 42:1-7

Sinabi ni Yahweh,

“Narito ang lingkod ko na aking hinirang;
ang aking pinili at lubos na kinalulugdan;
ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu,
at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.

Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan,
ni magtataas ng boses sa mga lansangan.
Ang marupok na tambo’y hindi niya babaliin,
ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin;
katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin.

Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob,
hangga’t katarungan ay maghari sa daigdig;
ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.”

Ang Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan,
nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig,
kaya’t sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod,

“Akong si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran,
binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig.
Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao,
at sa pamamagitan mo’y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa.

Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag
at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.

Ebanghelyo: Juan 12:1-11

Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, ang bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Marta naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila.

Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang amoy ng pabango.

Ito’y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!”

Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi, at ninanakawan niya ito.

Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong gawin niya ito bilang paghahanda para sa paglilibing sa akin. Habang panaho’y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako’y hindi ninyo kasama habang panahon.”

Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya’t nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. Kaya’t binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.

Pagninilay:

Nasa mga huling araw na tayo bago ang pagpapakasakit at pagkamatay ng ating Panginoong Jesu Cristo. Siya ay nagpapahinga na at kumakain nang masagana sa Bethania kapiling ng mga minamahal na kaibigan at alagad upang maihanda ang kanyang sarili sa sasapiting paghihirap. Malapit na ang kamatayan ngunit ibig sabihin din nito’y malapit na ang pagkabuhay.

Tulad ng ating buhay sa mundo, kailangan din nating sapitin ang mga dilim na naghihintay. Mga pagsubok, mga problema at mga suliranin na bahagi na ng ating buhay. Hindi ito upang patayin tayo at ang ating kaluluwa. Ngunit kung hindi, upang mas lalo pa tayong pagtibayin ng Diyos sa ating pananampalataya. Mangyayari ito kung pipiliin nating magtiwala sa kanya sa kabila ng matitinding pagsubok sa ating buhay.

Si Maria ng Bethania ay isa sa pinakamalapit na kaibigan ni Jesus. Silang tatlong magkakapatid kasama si Martha at Lazaro ay malapit sa puso ng ating Panginoon. Tanda nito, si Lazaro ay ang kanyang huling taong binuhay niya mula sa pagkamatay. Ngayo’y kasama na at nakakakain na kasama niya.

Ngayon naman sa ating pagtatagpo, kahanga-hangang walang patumpik tumpik niyang ibinubuhos ni Maria ang lahat ng mamahaling pabango sa paanan ni Jesus. Ito ay tanda ng kanyang wagas na pag-ibig sa Diyos. Ibinuhos niya ang lahat at walang itinira. Ito ay mamahalin at maaring maging katumbas ng isang taong sahod ng mga ordinaryong manggagawa noong mga panahon na iyon.

Sa ganitong paraan, siya ay dapat nating tularan sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Hindi ibig sabihin nito’y magbigay tayo ng mas maraming pera at limos sa simbahan at nangangailangan. Hindi lamang ito patungkol sa materyal na bagay na ating kayang ibigay ngunit sa ating mga bagay na pinakatatangi at pinakaiingatan. Ano iyon? Ano ang pinakamahalagang bagay at pag-aari natin? Ano ang mayroon tayong mahalaga at pinakamamahal natin? Ialay natin ito sa Panginoon.

Pangarap ba iyan? Ang mga minamahal sa buhay? Tanggalan natin ang laman ng ating mga puso, isip at kaluluwa at ibuhos ng todo sa Panginoon. Huwag nating bilangin at sukatin ang ating mga ibinibigay sa Diyos at wala ring sukat ang ating matatanggap na pagpapala sa kanya. Dahil bukas ang ating palad.

Ito ang pinakamakapagpapasaya sa ating Panginoon ngayon na mas kailangan niya ng nagmamahal sa kanya dahil lilitaw ang kanyang pagkauhaw sa mga susunod na araw. Isang pagkauhaw na hindi lamang pampisikal ngunit pagkauhaw sa mga taong minamahal niya na ni hindi man lamang siya magawang suklian kahit katiting na pagmamahal.

Ikaw? Ano ang nais mong ialay sa Panginoon upang maging kanyang kasiyahan sa mga susunod na madilim na mga araw?

Ano ang dapat mong bitawan bilang patunay na higit na mahalaga ang Diyos kaysa anumang bagay na mayroon ka?

Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret.

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.