Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagbitaw sa Sarili”

 

 

Agosto 10, 2020. Kapistahan ni San Lorenzo, Diyakono at Martir.

UNANG PAGBASA
2 Corinto 9, 6-10
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami. Ang bawat isa’y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay higit pa sa inyong pangangailangan — upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan:
“Siya’y namudmod sa mga dukha;
walang hanggan ang kanyang kabutihan.”
Ang Diyos na nagbibigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang loob.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 5-6. 7-8. 9
Ang taong tunay na mat’wid ay mahabagi’t mabait.

MABUTING BALITA
Juan 12, 24-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tandaan ninyo: malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami. Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan. Dapat sumunod sa akin ang naglilingkod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroon din ang aking lingkod. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang araw ng kapistahan ni San Lorenzo! Ano ang kahulugan ng “kamatayan sa sarili”? Si San Lorenzo ay isang diyakono at martir. Ibinuhos niya ang kanyang sariling dugo bilang patunay ng kanyang pananampalataya kay Cristo. Inuusig siya ngunit hindi natinag at nagtiyaga siya hanggang huli. Pinili niya ang kamatayan para kay Cristo at sa Ngalan ng Diyos, ang kanyang kamatayan ay hindi walang kabuluhan. Dahan-dahan siyang sinunog hanggang sa kamatayan ng apoy. Gayunpaman, sa kanyang puso, siya ay nagtagumpay kay Cristo at nanalo para sa Simbahan. Maraming mga kaluluwa ang nagbago at naniwala dahil sa pagkakita ng nangyari sa kanya at ng kanyang ipinakitang kalakasan ng loob bago tuluyang mamatay. Ang dugo niya para sa Simbahan ay naging binhi na nagpalaki rito. Gayundin ang totoo sa lahat ng mga martir.

Paano naman tayo? Hindi lahat sa atin ay tatawaging sa ganitong uri ng pagkamartir. Ngunit maaari tayong maging martir sa espiritu sa pamamagitan ng pagpili na mamatay sa ating sarili araw-araw. Hindi ito pisikal na pagbubuhos ng dugo na hindi maipapataw sa sarili, ngunit ito ang pagkamatay sa ating labis na pagnanasa – sa pagkain, materyal na bagay, mamahaling damit, at lahat nang labis. Maaari nating piliin ito bilang ating pagkamartir: upang mamatay sa ating sarili, maari tayong mamuhay ng isang mas simpleng buhay upang tayo ay mas makapagbigay sa iba.

Ang isa pang anyo ay kamatayan din sa ating makasalanang dila at isipan. Madali nating nasasabi ang maraming salita sa ating kapwa. Maging ito man ay sa pamamagitan ng ating pisikal na tinig o ang tinig ng ating isip. Maaari nating sabihin ito o hindi ngunit sa loob natin ay maraming negatibong kaisipan. Maaari rin nating piliing patayin ang mga ugaling ito na walang kabuluhan. Nang sa gayon ay mayakap natin ang mga banal na kaisipan sa pamamagitan ng pagninilay sa banal na kasulatan at panalangin. Sa katunayan, sa bawat isa sa atin, ang krus ay hindi maiiwasan. Ito ay ang tatak ng mga Kristiyano. Tayo bilang mga Kristiyano ay maaaring sumunod kay Kristo at mga santo, sa ating sariling paraan ng pamumuhay. Kung hindi man, hindi tayo karapat-dapat na tawaging mga Kristiyano mismo at isang “nagpapanggap” lamang. Bakit? Kung hindi tayo namamatay sa ating sarili, hindi tayo tunay na nabubuhay para kay Cristo kundi para sa ating sarili. Kung hindi natin pinapasuko ang ating sarili na maging mga alipin ng Panginoon, tayo ay nagiging alipin ng ating sarili, ng ating sariling kagustuhan at nais. Pagnilayan mo ito.

Siyempre, hindi ito madali, dahil nabubuhay tayo sa mundo kung saan ang lahat ng maluho, kaakit-akit, maganda o gwapo, mayaman, o elegante ay tila sinasaksak sa ating ang pag-iisip na ang mga ito ang kailangan natin upang mahalin o hangaan ng marami. Na para bang ito lang ang ating mga kailangan upang lumigaya. Ngunit sa halip, habang pinaniniwalaan natin ito ay mas lumalala ang pagkagutom para sa mga masarap, kaakit-akit at mga walang kabuluhang bagay na walang pinagsisilbihan kung hindi ang ating sarili. Hangga’t ang napakaraming gusto ay hindi na natapos at hindi pa rin masaya ang mga tao sa bandang huli. Sapagkat puro ito papunta sa sarili. Mga kapatid, hindi ito ang pagmumulan ng tunay na kasiyahang nagtatagal at hinahanap natin, kung hindi ang pagbibigay ng sarili at sa pagsisilbi sa kapwa.
Bakit hindi natin subukan ang iba pang paraan, ang hindi gaanong dinaraanang landas, at hayaan nating punan tayo ng Diyos?

Nang sa gayon ay makita natin kung ano ang totoong pamumuhay. Ang tunay na kalayaan ay kung saan, hindi tayo mga alipin ng ating sarili. Ang totoong kasarinlan ay kung saan, nasa ibabaw tayo ng iniisip ng iba at tanging ang iniisip ng Diyos sa atin ang mahalaga. Ang Kanyang habag at ang Kanyang pagmamahal ang magiging lahat para sa atin at ito ay higit pa sa sapat para maging masaya tayo ngayon at sa buhay ng mundo na darating. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

—————

Gusto mo bang tumulong?

Mag-donate na sa Caritas Manila!
Pumunta sa https://caritasmanila.org.ph/ at alamin kung paano.

Walang maliit na tulong sa paningin ng Panginoon kung ibinibigay ito ng may pagmamahal.
Kung ano man ang ibinigay mong tulong, ibalik nawa sa’yo ng Panginoon makailang ulit at biyayaan ka pa nawa ng Diyos! Amen. +

Disclaimer: Hindi po kami bahagi o konektado sa anumang paraan sa Caritas Manila. Ngunit naiintindihan naming kailangan nating magtulungan sa panahon ngayon. Kaya naman, minabuti naming ipaalam sa mga tao sa pamamagitan ng post na ito, ang isa sa mga paraan kung gusto nilang tumulong. Ang Caritas Manila ay patuloy na tumutulong sa milyun-milyong Pilipino mula noon hanggang ngayon.

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?