Nobyembre 16, 2018. Biyernes. Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon.
Salmo 119: Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos.
Unang Pagbasa: 2 Juan 4-9
Labis kong ikinagagalak na makitang ang ilan sa iyong mga anak ay namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin.
At ngayon, minamahal na Ginang, hinihiling ko sa iyo na mag-ibigan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa’y nasa atin na. Ito ang kahulugan ng pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga kalooban ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo sa diwa ng pag-ibig.
Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo’y naging tao. Ang ganoong mga tao ay mandaraya at laban kay Cristo.
Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran, sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala.
Ang hindi sumusunod sa katuruan ni Cristo, kundi nagdaragdag pa dito, ay hindi nagpapasakop sa Diyos. Ang sinumang nananatili sa katuruan ni Cristo ay nagpapasakop sa Ama at sa Anak
Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. Ang mga tao noo’y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot.
Ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.
“Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa.
Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.
Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.
May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa.”
“Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad.
Sumagot siya, “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.”
Pagninilay:
Aanhin pa ang mga luho at kayamanan ng buhay, kung hindi pala natin alam kung kailan tayo lilisan? Paano kung bukas o makalawa, ay huling araw na pala natin sa mundo?
Maraming tao ang hanggang ngayon ay takot mamatay. Kahit pa ito ay katotohanan ng buhay. Walang kahit sinong tao sa mundo maging ang mga hari ang reyna ang makakatakas sa kamatayan ng katawan. Kung makikinig lamang tayo sa Salita ng Diyos at nananamnamin ito’y hindi na sana magiging nakakatakot ang kamatayan para sa atin. Kung handa na tayo, ano pang ikakatakot natin?
Ang paghahanda’y nagsisimula ngayon. At ang pinakamainam na buhay ay yung walang kahit anong pinagsisisihan dahil ngayon pa lang ay nabubuhay na tayo ng masaya. Paano ito mangyayari?
Ang totoo ay may buhay na naghihintay sa atin na higit na mas maganda kaysa nandito sa ngayon. Naniniwala tayo na ang ating kaluluwa ay may nag-aabang ng buhay magpakailanman. Sa Ebanghelyo ay inilarawan ni Jesus ang mga taong tulad ng maraming tao ngayon masyadong abala, aligaga at maraming ginagawa. Nakakalimutan na nila ang katotohanang ito. Madali nang mabuhay sa kasinungalingang ito na ang buhay natin at wala nang susunod pa. Dito na magpapakasaya, ngunit sa pagpapakasarap na ito sa sarili, dito masisira ang buhay natin.
Dahil nilikha tayo dito sa mundo upang magmahal. Ang tunay na pag-ibig ay laging papalabas ng sarili at hindi papaloob.
Kung pipiliin natin ang buhay sa mundo na abala sa bagay ukol sa sarili lamang, paano natin makakamit ang buhay na walang hanggan? Ito ay pinagtatrabahuhan dahil ito’y bunga ng pagmamahal. Tulad ng sabi sa unang pagbasa – ito ang pagmamahal: “lumalakad tayo ayon sa utos ng Diyos”.
Kung nagmamahal tayo ng kapwa natin nang totoo at may sinseridad sa ating puso, bakit natin mas pinahahalagahan ang pera kaysa sa pagbibigay sa kapwa? Ang sariling luho at nasa ng puso kaysa sa habag para sa mga nangangailangan?
Ang Ebanghelyo ay isang paalala sa ngayon kung saan natin dapat itinutuon ang ating puso. Hindi sa makamundong bagay na madaling mawala. Dahil kahit gaano tayo kaabala, kahit ibuhos natin ang buong buhay at lakas natin dito, ang lahat ng ito’y madaling maglalaho. Ngunit kung ibubuhos natin at pipiliing gumawa ng kalooban ng Diyos -ang maglingkod sa kanya, magbigay, magkawanggawa at magpatawad, dito natin makakamit ang buhay na walang hanggan. Dito tayo tunay na mabubuhay, kapag pinili nating mabuhay para sa iba.
Marahil ang iba sa ati’y sawa nang makinig ng Salita ng Diyos na paulit-ulit na pinapaala sa atin noong mga nakaraan ngunit ang totoong tanong ay “May nagbago na ba? May binago ka na ba sa puso at buhay mo ayon sa salita ng Diyos na iyong narinig?” O nananatiling pa ring nakadikit ang iyong puso sa mga bagay na lumilipas at tila hindi mo maiwan?
Baka kaya paulit-ulit ay dahil paulit-ulit din tayong nagiging manhid, pipi at bingi sa kung anong dapat nating pahalagahan sa buhay. Sana’y makapili tayo ng tama ngayon habang may oras pa. Bumalik tayo sa Diyos at ilagay natin siya sa sentro ng ating buhay at puso. Isama natin siya sa lahat ng ating desisyon at gawin ang kanyang mga bilin sa atin. Dito nakasalalay ang tunay nating kaligayahang hindi natin mahahanap saan man.
Panalangin: Jesus, kami ay nananalig sa iyo.
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita