Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagiging Mababa ang Loob”

Disyembre 29, 2020. Ika-5 Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang

The Fifth Day in the Octave of Christmas (White)
or mass of St. Thomas Becket, Bishop and Martyr (Red)

UNANG PAGBASA
1 Juan 2, 3-11
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Minamahal kong mga kapatid, nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya. Ang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pagkapamuhay ni Hesukristo.

Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito’y ang salitang narinig na ninyo. Gayunman, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Bago, sapagkat napapawi na ng kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito’y nasaksihan sa buhay ni Kristo at nakikita rin sa atin.

Ang nagsasabing siya’y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at walang panganib na mabulid siya sa kasalanan. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi nalalaman ang kanyang patutunguhan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3, 5b-6
Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang.

MABUTING BALITA
Lucas 2, 22-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, ang mga magulang ni Hesus ay pumunta sa Jerusalem. Dala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,

“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Ang ating tagpo ngayon ay pareho ng ating Ebanghelyo noong linggo. Sina Maria at Jose ay nagpunta sa templo bilang utos ni Moses. Bagamat ang kanilang dinadalang sanggol ay Anak ng Diyos at hindi sakop ng batas, ginawa pa rin nila ito dahil sila ay matapat. Bagamat sila ay pinili ng Diyos upang maging magulang ng Mesiyas, hindi sila nagyabang. Bagkus, ay lalo pang nagpakumbaba. Hindi nila iniisip na mas mahalaga sila kaysa sa ibang tao. Hindi nila inisip ang anumang pribilehiyo. Buong katotohanan at buong kababaang loob nilang niyakap ang misyon na binigay sa kanila ng Diyos na napakalaki. Sa unang pagbasa, mahalaga rin ang pagpapakumbaba.

Sapagkat ang paghuhusga sa kapwa ay taliwas sa pag-ibig. Sabi nga ni Mother Teresa, kung may oras tayo maghusga ng kapwa, wala na tayong panahon upang mahalin sila. Kung tayo ay napopoot sa ating kapwa, ibig sabihin mayroon tayong paghuhusga sa kanila. Bakit hindi natin subukan na mas maging mapagpatawad? Mas maging mahinahon tayo at sa halip na panghuhusga ay pang-unawa ang pairalin natin. Mas magiging tulad tayo nina Jose at Maria sa pagtalima sa Diyos. Hindi sila nanghuhusga at hindi mataas ang tingin nila sa sarili. Ang mahalaga sa kanila ay si Jesus lamang. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Maligayang Pasko po sa ating lahat!
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?