Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagkatao Natin”

Pebrero 12, 2020. Miyerkules ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 10, 1-10
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, nakarating sa pandinig ng reyna ng Seba ang mga balita tungkol kay Solomon. Kaya’t nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng malalim na katanungan. Dumating nga siya sa Jerusalem, na may kasamang maraming abay at may dalang katakut-takot na kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba’t ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na niya si Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat niyang tanong – at wala isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga pinuno at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuutan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.

Kaya’t sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang lahat nang narinig ko tungkol sa inyo. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong makita ko ang lahat, ay napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa iniulat nila sa akin. Mapalad ang inyong mga asawa! Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin ang Panginoon, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at nagpaluklok sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”

At ang hari’y binigyan niya ng halos limang toneladang ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma’y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 5-6. 30-31. 39-40
Tugon: Madiwa kapag nangusap ang mga mat’wid at ganap.

MABUTING BALITA
Marcos 7, 14-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon

Noong panahong iyon, muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Ang may pandinig ay makinig.”

Iniwan ni Hesus ang mga tao; at nang makapasok na sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. “Kayo man ba’y wala ring pang-unawa?” tugon ni Hesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa pagsasabi nito’y para nang ipinahayag ni Hesus na maaaring kanin ang lahat ng pagkain. Nagpatuloy siya sa pagsasalita: “Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Miyerkules po sa ating lahat! Ngayon po ay sinabi ni Jesus ang tungkol sa nakakapagparumi sa tao. May ibang mga sekta na para sa kanila ay marumi ang pagkain ng ganitong pagkain o hayop. Subalit ang totoo ay hindi ito ang makakaapekto sa ating pagkatao. Sa kalusugan marahil ngunit sa buhay at kalooban ay hindi. Ano ang ating dapat bantayan? Ang ating salita – ito ang ating pagtuunan ng pansin. Mahalaga ito at makapangyarihan sa iba. Bantayan din natin ang ating mga gawa at iniisip. Ito ang bumubuo sa ating pagkatao at nagsasabi kung mabuti o masama tayo. Sapagkat dito tayo huhusgahan ng Panginoon hindi sa kung ano ang ating kinakain. Amen. +
Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.