Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Paglapit Muli sa Diyos”


Nobyembre 29, 2018. Huwebes. Ika-34 na Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 100: Mapalad ang anyayahan ng korderong ikakasal. 

Unang Pagbasa: Pahayag 18:1-2, 21-23, 19:1-3, 9

Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian.

Ubos-lakas siyang sumigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay tahanan na lamang siya ng mga demonyo, bilangguan ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop.

Isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, at sinabi, “Ganito ibabagsak ang tanyag na lunsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli!

Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga dalubhasa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.”

Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Purihin ang Panginoon! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang!

Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpapasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli silang umawit, “Purihin ang Panginoon! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lunsod!”

At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: mapalad ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”

Ebanghelyo: Lucas 21:20-28

“Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan.

Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito.

Mamamatay sila sa tabak, at ang iba’y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”

“Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat.

Ang mga tao’y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit.

Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan.

Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.”

Pagninilay:

Isa na namang patungkol sa mga pangalawang pagdating ni Jesus ang mga pagbasa natin ngayong araw. Subalit gaya noong mga nasulat sa ating pagninilay noong mga nakaraan, ang mga nasulat na ito ay hindi para tayo takutin. Bagamat ang pagdating muli ni Cristo ay tiyak na darating. Hindi natin alam ang panahon at oras. Walang kasiguraduhan ang mga bagay. Ang mahalaga ay tayo’y handa sa kung ano man ang darating.

Hindi rin ito sinulat upang tayo’y matakot. Bakit tayo matatakot kung tayo’y handa na? Ang mga nakapagdudulot ng takot ay kung mayroon tayong matinding pagmamahal sa mga bagay na lilipas at alam nating madaling mawala sa atin. Kung alam natin ang pamumuhay natin ay hindi ayon sa Diyos.

Dahil kung ang ating puso’y nakatuon sa Panginoon, ayon sa Ebanghelyo, ngayon pa lamang habang tayo’y nabubuhay ay matatanggap natin ang katotohanang lahat ng bagay na mayroon tayo ay dapat gamitin upang pagsilbihan ang Panginoon. Ang Diyos ang dahilan ng lahat ng bagay. Siya ang umpisa at ang katapusan.

Madalas ang mga tao ngayo’y baliktad ang nangyayari. Ang Diyos ang kanilang gustong gamitin upang mangyari ang sariling kagustuhan. Hindi isang bagay ang Panginoon na dapat gawin anuman ang ating nais. Siya ang may lalang ng lahat at bilang magulang natin tayo ang dapat na sumunod sa kanya para sa ikabubuti natin. Kung makikita nating ang lahat ng bagay ay binigay sa atin hindi para doon paikutin ang buhay natin, kung hindi para pagyamanin natin ang buhay ng iba. At kung tanggap natin sa puso natin na ang lahat ay lilipas din, kahit anong oras ay handa tayong harapin ang kahit ano, handa na rin tayo sa pagdating muli ni Cristo at maging sa kamatayan na alam nating darating.

Pagnilayan natin ito kung saan ba nakatuon ang ating puso. Kung bakit may namamahay na takot diyan sa puso mo? Ang sapat na pananalig at pagbubukas ng ating puso lamang sa Diyos ang makakatanggal nito at makasasalba sa ating buhay at kaluluwa.

Panalangin: Panginoon, salamat sa ibinigay mong buhay. Hayaan mong ako’y bumalik sa iyo at yakapin ko ng buo ang buhay ko na ibinigay mo ayon sa iyong kagustuhan hindi sa aking kalooban. Maria, aming ina ipanalangin mo kami. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.