Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagpapagaling ng Diyos”

Marso 15, 2021. Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda.

UNANG PAGBASA
Isaias 65, 17-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ang sabi ng Panginoon:
“Ako ay lilikha,
isang bagong lupa’t isang bagong langit;
mga pangyayaring pawang lumipas na
ay di na babalik!
Kaya naman kayo’y
dapat na magalak sa aking nilalang,
yamang nilikha ko itong Jerusalem
na ang aking pakay maging kagalakan ng mga hinirang.
Ako mismo’y magagalak
dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo’y walang panambitan o kaguluhan.
Doo’y wala nang sanggol na papanaw,
lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na kabataan pa ang edad sandaan,
ang hindi umabot ng gulang na ito ay pinarusahan.
Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
sa tanim na ubas ay sila ang aani.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 29, 2 at 4. 5-6. 11-12a at 13b
Poong sa aki’y nagligtas, ang dangal mo’y aking galak.

MABUTING BALITA
Juan 4, 43-54
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, umalis si Hesus sa Samaria at nagtungo sa Galilea. Sapagkat si Hesus na rin ang nagsabing ang isang propeta’y hindi iginagalang sa kanyang sariling bayan. Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskuwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon.
Nagpunta uli si Hesus sa Cana, Galilea. Doon niya ginawang alak ang tubig. Doon naman sa Capernaum ay may isang mataas na pinuno ng pamahalaan; at may sakit ang kanyang anak na lalaki. Nang mabalitaan niyang bumalik si Hesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Pinakiusapan niya itong pumunta sa Capernaum at pagalingin ang kanyang anak na naghihingalo. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Hangga’t hindi kayo nakakikita ng mga palatandaan at mga kababalaghan, hindi kayo mananampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Ginoo, bago mamatay ang aking anak.”

Sumagot si Hesus, “Umuwi na kayo; magaling na ang inyong anak.” Naniwala ang lalaki sa salita ni Hesus, at umuwi nga siya. Sa daan pa’y sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Tinanong niya sila, “Anong oras siya gumaling?” “Siya po’y inibsan ng lagnat kahapong mag-aala-una ng hapon,” tugon nila. Naalaala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Hesus, “Magaling na ang inyong anak.” Kaya’t siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Hesus.
Ito ang pangalawang kababalaghang ginawa ni Hesus sa Galilea pagpunta niya roon buhat sa Judea.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Lunes po sa ating lahat! Isang mataas na opisyal ng pamahalaan at hindi Hudyo ang nanghingi ng pagpapagaling mula kay Jesus para sa kanyang anak. Hindi siya kabilang sa lipi ng Israel subalit nagpakababa at sumampalataya kay Jesus. Tayo kaya na mga pinili ng Diyos na mapabilang sa Kanyang Sambahayan, marunong ba tayo magpakumbaba sa harap Niya? O baka punung puno pa tayo ng pagmamalaki? Nasanay sa mga biyaya at grasya ng Panginoon kaya mabilis tayong magtampo at magreklamo sa Kanya? Mga kapatid, mahirap man ang buhay, may sakit man, naghihikahos man, sa lahat ng oras at panahon ay pumunta tayo kay Jesus. Magpakababa tayo sa Kanya. Aminin natin ang ating pagkukulang, kahinaan at kasalanan sa Kanya.

Huwag ituon ang pansin sa kung ano lang ang makukuha subalit kung ano pa ang maibibigay natin sa Diyos at kapwa. Dito tayo mas magkakaroon ng grasya at pagpapala mula sa Diyos. Ang totoo ay sobra sobra na ang ibinigay sa atin ni Jesus. Makikita natin ito kung tayo ay magpapakababa sa halip na tingnan lagi ang iba, at hangarin ang mayroon sa iba. Matuto tayong tumingin sa ating sariling bakuran at ibaba ang ating sarili sa Diyos. Makita nawa natin ang sarili bilang maliit sa ating mata. Sapagkat kung tayo ay nagmamalaki, wala tayo sa katotohanan at madali tayong madadapa. Subalit kung tayo ay mababa, walang makakatinag sa atin o makakasakit. Higit pa dito, ay makakatagpo tayo ng awa at pagpapagaling sa Diyos sa Kanyang itinakdang oras at panahon.

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: F.M.M.J.

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?