Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagpapagaling ni Jesus sa Batang Lalaki”


Photo Credits: IAmComingSoon

 

 

Pebrero 25, 2019. Lunes. Ika-7 Linggo sa Karaniwang 
Panahon. 

Salmo 93: Panginoo’y naghari na! Ang damit Niya’y maharlika.

Unang Pagbasa: Sirac 1:1-10

Mula sa Panginoon ang lahat ng karunungan, at iyon ay taglay niya magpakailanman. Sino ang makakabilang ng buhangin sa dagat, o ng patak ng ulan, o ng mga araw,
o sa panahong walang pasimula at walang katapusan?

Sino ang makakasukat sa taas ng langit, o sa lawak ng lupa?
Sino ang makakaarok sa karagatan at sino ang makakasaliksik sa Karunungan?

Bago pa likhain ang alinmang nilalang, nalikha na ang Karunungan,
at ang tunay na pagkaunawa, bago pa nagsimula ang mga panahon.

Kanino ipinahayag ang simula ng Karunungan,
at sinong nakakaalam ng kanyang pamamaraan?

Iisa lamang ang talagang marunong;
dapat tayong gumalang na may paghanga sa harap ng kanyang luklukan.

Ang Panginoon ang lumikha ng Karunungan, kinilala niya ang kahalagahan nito
at ibinuhos niya ito sa lahat ng kanyang nilalang. Binahaginan niya ng Karunungan ang lahat ng tao, ngunit higit na masagana ang kaloob niya sa mga umiibig sa kanya.

Ebanghelyo: Marcos 9:14-29

Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila.

Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”

Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya’y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita.

Tuwing siya’y sinasapian nito, siya’y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya’y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”

Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata’y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.

“Simula pa po noong bata siya!” tugon niya.

“Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”

“Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”

Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”

Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”

Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya’t sinabi ng marami, “Patay na siya!”

Ngunit ang bata’y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito’y tumayo.

Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”

Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”

Pagninilay:

Hindi napalayas ng mga alagad ni Jesus ang masamang espiritu na nasa loob ng bata, sapagkat mahina ang kanilang pananampalataya. Malamang ay naunahan sila ng takot o mayroong duda sa kanilang mga puso kaya hindi naging epektibo ang kanilang pagpapalayas ng demonyo.

Ngunit isang salita lamang ni Jesus ay lumayas na ito agad at hindi na bumalik pa. Ang tanong ay, gaano ba kahalaga ang pananampalataya sa ating panalangin?

Gusto ng Diyos na tuwing tayo’y dudulog sa Kanya upang humiling ay may pag-asa sa ating mga puso kahit kaunti. Siya na ang bahalang magdagdag nito. Itaas lamang natin sa kanya nang buong katapatan ang ating nararamdan tulad ng ama ng bata na bagamat siya’y may kaunting pangamba, inamin niyang mayroon siyang maliit na pananampalataya at inialay ito sa Diyos upang siya’y matulungan. Naging ganap nga ang kanyang pananalig at nakuha ang kanyang hinihiling.

Nagagawa ba natin ito sa panahong tayo’y napanghihinaan ng loob? Nasasabi ba natin at namamalayan ba nating naghihina na tayo at sa gayo’y mas kailangan natin ng tulong ng ating Panginoon?
Walang imposible sa ating Diyos lalo sa mga buo ang pananampalataya at pag-ibig sa Kanya. Kung nalikha ng Diyos ang mundo mula sa kawalan. Kung nalikha Niya ang tao ayon sa Kanyang kagustuhan at kung ninais Niyang maging tao bagama’t Siya’y Diyos. Noong ninais Niyang mamatay sa kamay ng tao, mapagbintangang isang kriminal at matapos mabuhay uli, lahat ito’y nangyari dahil niloob ito ng Diyos.

May pagdududa pa ba tayo kung itong katotohang ito ang ating pagkakapitan sa tuwing may hinihiling tayo sa Kanya na tila “imposible” sa ating paningin? Tunay ngang walang imposible sa Kanya kung maniniwala lamang tayo at handang ihandog sa Diyos ang anumang ating kahinaan. Magtiwala tayo sa Kanyang pag-ibig na walang hanggan at kahit kamatayan ay kayang lagpasan.
Pagnilayan natin ito.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret. 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.