Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagpapahalaga sa Kapwa”

Pebrero 11, 2020. Martes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari, 22-23. 27-30
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, tumindig si Solomon sa harap ng dambana ng Panginoon. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; walang maliw ang pag-ibig na ipinadadama ninyo sa kanila habang sila’y nananatiling tapat sa inyo.

“Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na tahanang aking itinayo! Gayunman, Dinggin ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Panginoon, aming Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang may sabi na ang pangalann ninyo’y mamamalagi rito. Sa gayun maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa pook na ito.

“Dinggin ninyo ang inyong alipin at ang inyong bayan tuwing kami’y manananalangin sa lugar na ito. Dinggin ninyo kami buhat sa inyong luklukan sa langit at patawarin ninyo kami!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11
Tugon: Ang templo mo’y aking mahal, D’yos na Makapangyarihan.

MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem, na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.

Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:

‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos…

Sinabi pa ni Hesus, “Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama’t ina’; at ‘Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.’ Ngunit itinuturi ninyo, ‘Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina: Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Korban’, alalaing baga’y inihahain ko ito sa Diyos – hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa ganitong paara’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga turong minana ninyo. At marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa lahat! Mas mahalaga ang pangloob kaysa ang panglabas ng tao. Ang mga Pariseo noon ay laging sumusunod sa batas upang sila ay makapagmalaki at kinukutya naman ang iba. Sinasabi nilang para sa Diyos ito ngunit hindi naman makatao sapagkat nakakasakit ng kapwa. Kung sasabihin nating malapit tayo sa Panginoon, mapapatunayan ito kung malapit din tayo sa tao. Kung naiintindihan natin sila, tinatanggap, tinutulungan at hindi hinuhusgahan. Kung totoong mahal natin ang Diyos ay magsisilbi tayo ng kapwa . Mabuti ang gawa, mabuti ang intensyon at mabuti ang bunga. Amen. +

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.