Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagpapatawad ng Kapwa”

 

 

Hunyo 16, 2020. Martes sa Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 21, 17-29
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Nang patay na si Nabat, sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe: “Madali ka! Puntahan mo si Haring Acab. Makikita mo siya sa Jezreel, sa ubasan ni Nabat. Naparoon siya upang kamkamin iyon. Sabihin mo sa kanya: ‘Ito ang ipinasasabi ng Panginoon Isa kang mamamatay-tao. Ngayon nama’y pangangamkam ang ginagawa mo. Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabat, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’”
Sinabi ni Acab kay Elias: “Narito ka na naman, mahigpit kong kaaway?”

Sagot naman sa kanya ni Elias: “Oo! Hinanap kita uli sapagkat nagumon ka sa kasamaan! Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinasasabi ng Panginoon: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. Parurusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ako’y ginalit mo at ibinulid mo ang Israel sa pagkakasala.’ Ito naman ang sumpa laban kay Jezebel: Kakanin siya ng mga aso sa nasasakupan ng Jezreel. Sinuman sa angkan ni Acab ang mamatay sa bayan ay kakanin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakanin ng mga uwak.”

Dahil sa mga sulsol ni Jezebel nagumon si Acab sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon. Sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amorreo na pinalayas ng Panginoon pagdating ng bayang Israel sa lupaing iyon.
Nang marinig ni Acab ang mga sinabi ng propeta, ginawak niya ang kanyang damit, nagsuot ng sako at di hinubad iyon kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. Kaya’t sinabi ng Panginoon kay Elias: “Hindi mo ba napansin kung paano nagpapakababa sa harapan ko si Acab? Sapagkat nagpakababa siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya’y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, parurusahan ko ang kanyang angkan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 5-6a. 11 at 16
Tugon: Poon, iyong kaawaan, Kaming sa iyo’y nagsisuway.

MABUTING BALITA
Mateo 5, 43-48
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman sabi ko: ibigin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan. Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyo iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano? At kung ang binabati lamang ninyo’y ang inyong mga kapatid, ano ang nagawa ninyong higit kaysa iba? Ginagawa rin iyon ng mga Hentil! Kaya, dapat kayong maging ganap, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Martes po sa ating lahat! Mayroon po tayong sinasabing “forgiveness” at “reconciliation”. Ito po ay dalawang magkaibang bagay. Ang “forgiveness” po ay pagpapatawad. Ang kailangan lamang nito ay isang tao (ikaw) at ang Diyos. Kapag sinasabi natin na pinapatawad natin ang tao ay hindi ibig sabihin na nakikipagkasundo na tayo. Ang pakikipagkasundo na ito ay tinatawag na “reconciliation”. Ito ay magkaibang bagay. Ang pagpapatawad ay ibig sabihin pinapalaya natin ang ating sarili at mga kaaway sa mga galit, sakit at poot na nararamdaman natin. Hindi naman ibig sabihin na ito ang sakit ay mawawala agad. Maari tayong magpatawad kahit mula sa posisyon ng sakit o pagpapasensiya o yung pagtingin sa probindensiya ng Panginoon kung bakit nangyari ang mga bagay. Maari ring sa kapayapaan. Bawat isa sa tamang panahon. Depende sa bawat isang tao.

Ang pagkakasala kasi sa atin ay parang isang utang sa atin. Kapag pinatatawad natin ang tao ay ibig sabihin hindi na natin sinisingil ang tao na iyon. Kaya ibig sabihin, kung gusto natin ay magagawa nating magpatawad ng kaaway. Wala ito sa nararamdaman ngunit sa ating “will” o kagustuhan. Kagaya ng sabi ko maari tayong magpatawad kahit mula sa posisyon ng may sakit na iniinda. Maari nating damhin ang sakit na nararamdaman natin at amining nagkasala sila sa atin at nasaktan tayo. Subalit sa pagpapatawad ay hindi na natin sila titingnan na para bang may utang sila sa atin. Maaric nating itaas sa Panginoon ang sakit at pagtitiis na nararamdaman natin. Hahayaan nating Diyos ang gumalaw sa buhay natin dahil nakikita Niya ang ating pagdurusa. Siya mismo ang gagawa ng paraan para sa mga kaaway natin. Gaya ni Nabat na walang awang inakusahan at pinatay ng hari upang makuha ang ubasan. Hindi naman si Nabat ang sumingil ng hustisya mula kay Haring Acab sapagkat siya ay patay na. Subalit Diyos ang nagpapatupad ng hustisya at ito ay mas matindi kaysa sa tao, kung hindi magbabago ang tao.

Kaya sa totoo lang, kung iisipin natin ito ay nakakaawa pala ang mga umaaway at umuusig sa atin. Sapagkat ibig sabihin nito ay malayo sila sa Panginoon at hindi nila naririnig ang kanyang tinig o nakikita ang Kanyang kalooban. Kaya mas dapat natin silang ipanalangin. Dahil wala naman talagang nilikha na masama ang Panginoon. Ang tao lamang ang pumipiling gumawa ng masama. Kung may nagawa man sila sa atin, huwag nawa sana nating sisihin o ibunton sa sarili natin ang lahat ng pagkakasala. Mayroong problema ang mga tao na iyon kaya sila nakakasakit ng kapwa. Maari natin silang ipanalangin at ipagpasaDiyos kahit sa distansya o sa malayo. Isa sa kahuluguhan ng pag-ibig ay ang “kagustuhan ng kabutihan para sa kanila”. Hindi ito madali ngunit posible sa isang pusong makapagkumbaba. Hilingin nating tulungan tayo ng Panginoon.

Sa kabilang banda, ang “reconciliation” o pakikipagkasundo naman ay kailangan ng dalawang partido o tao at ng Diyos sa gitna nila. Ibig sabihin ay inaamin ng dalawang tao ang pareho nilang pagkakamali, makikinig sila sa isa’t isa sa kabila ng pagkakaiba at saka magkakaroon ng pagkakasundo. Ibang bagay ito kaysa sa pagpapatawad. Hindi naman sinabi ng Diyos na makipagkasundo agad agad tayo na tila ba ayos lang ang lahat. Lalo na kung hindi naman handang magpakumbaba at umamin ng kasalanan ang isang tao. Wala na ito sa kapangyarihan natin. Mapapatawad natin siya at maaring maging “civil” sa kanila. Subalit hindi magkakaroon ng tunay na “reconciliation” dahil mayroon pa ring isyu na napapaloob na hindi naresolba. Kapag ganito, ay wala na ito sa ating mga kamay. Hindi tayo inoobliga ng Panginoon sa bagay na wala naman tayong kontrol. Subalit sa pagpapatawad ay gaya ng nabanggit ko na tayo lang at ang Panginoon ang kailangan, upang palayin natin ang sarili at magkaroon ng kapayapaan. Malalaman nating napatawad natin sila kung kahit paano ay naipagdadasal na natin sila sa Panginoon upang sila’y magkaroon ng mabubuting bagay.

Gaya na lamang ng pagpapatawad ng Panginoon sa atin. Ito ay para sa lahat. Totoong pinatatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan. Subalit ang kaganapan nito na pakikipagkasundo o “reconciliation” ay makakamtan lamang natin sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal. Kaya nga ito “sacrament of reconciliation”. Tuluyan nating tinatanggap ang pagpapatawad ng Diyos at tinatanggap Niya tayo pabalik sapagkat tumatalikod tayo sa kasalanan at tuluyan ding yumakap pabalik sa Kanya.

Pagnilayan natin ito at pakatandaan.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal na Diyos!

Reflections: Frances Mary Margaret DJ

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?