Disyembre 22, 2018. Sabado. Ika-3 Linggo ng Adbiyento.
1 Samuel: “Diyos kong Tagapagligtas, pinupuri kitang wagas.”
Unang Pagbasa: 1 Samuel 1:24-28
Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat.
Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh.
Hiniling ko sa kanya na ako’y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.”
Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh.
Ebanghelyo: Lucas 1:46-56
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at ang aking espiritu’y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao’y tatawagin akong mapalad;
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya’y banal!
Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.
Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.
Pagninilay:
Natunghayan natin ngayon sa Ebanghelyo ang tinatawag nating “Magnificat” o ang “Awit ni Maria”. Lubos na nagagalak ang ating Mahal na Inang Birhen sa pagpapala ng Diyos sa kanya. Nakikita niya ang sarili niya bilang isang mababang nilalang at ni hindi niya naisipang dahil sa kanya ang ginawa ng Diyos para sa kanya. Alam ni Maria na ang kagandahang loob ng Diyos ay kahit kailan hindi natin mapagtatrabahuhan. Ang mga biyaya’y kusang ibinibigay ng Diyos sa atin sa kanyang kagandahang loob.
Hindi siya nagyabang at hindi niya pinuri ang kanyang sarili. Lahat ay itinataas niya sa Panginoon. Iilan kaya sa atin ang ganito sa tuwing mayroon tayong natatanggap na biyayang malaki sa Panginoon? Kaya ba nating ibaba ang ating sarili tulad ni Maria? Na maging ang lahat ng ating talento, galing at talino ay hindi dahil pinagtrabahuhan natin ngunit kusang-loob na bigay ng Diyos?
Napakaganda ng Awit ni Maria na siya namang marapat na alalahanin sa lahat ng henerasyon ng sanlibutan. Mula una, sa Lumang Tipan at hanggang ngayon at sa magpasawalang hanggan ay nalalaman nating hindi nagbabago ang Diyos sa kanyang pagiging matapat sa atin. Nangako siya ng magliligtas sa atin at ito ay dumating sa pagkaDiyos at pagkatao ni Jesus. Ang mababa ay kanyang itinataas. Ang mga matataas ay kanyang ibinababa dahil lahat tayo’y pantay-pantay na mga anak Niya at walang lamang sa isa’t isa. Ang pag-ibig niya sa atin ay hindi tumitingin sa estado, edukasyon, lahi at anupaman. Ganito tayo kamahal ng Panginoon. Purihin natin ang Diyos magpakailanman. Amen. +
Panalangin: Diyos na Mahabagin, gawin mo akong mababa ang loob tulad ni Maria upang ang iyong kaluwalhatian at walang hanggang kapangyarihan ang maging galak ko magpakailanman at sa lahat ng oras. Amen. +
Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +
Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!
Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!
Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita