Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagsalubong ng Pagpapagaling ng Diyos”

Photo Credits: Christian Forums

 

Enero 23, 2019. Miyerkules. Ika-2 Linggo ng Karaniwang Panahon. 

Salmo 110: Ika’y paring walang hanggan katulad ni Melkisedek.

Unang Pagbasa: Hebreo 7:1-3, 15-17

Si Melquisedec ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Panginoon.”

Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya’y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”.

Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan.

Tulad ng Anak ng Diyos, siya’y pari magpakailanman.Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma’y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan.

Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Ebanghelyo: Marcos 3:1-6

Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay.

May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya.

Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”

Ngunit sila’y hindi sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.

Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling.

Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.

Pagninilay:

Pumasok si Jesus sa sinagoga at natagpuan ang isang lalaking may karamdaman. Paralisado ang kabilang kamay nito at walang silbi dahil hindi niya magamit nang maayos. Nasasalamin ito sa ating simbahan maging sa ngayon, tayong lahat ay may kanya-kanyang dinaranas na pagsubok, kahirapan o karamdaman sa anumang uri.

Kapag tayo’y puno ng problema, tila ba hindi tayo ang ating sarili. Hindi tayo makagawa nang maayos o makapag-isip nang maayos. Kaya naman sa mga panahong ganito ay mas kailangan natin ng Panginoon. Ang Diyos mismo ang lumalapit sa atin upang tayo ay pagalingin – anumang sabihin ng iba tungkol dito.

Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay hindi nasusukat. Hindi niya alintana ang anupamang balakid basta maihatid niya sa atin ang paggaling kung ating gugustuhin. Ang mga pariseo – mga kalaban ni Jesus ay maaring representasyon ng mga balakid na ito. Tayo ay gustong pumunta sa Diyos laging mayroong harang – oras man ang magsasabing ito ay aksaya sa oras ito ay isang kasinungalingan. Dahil ang pananatili natin sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ang siyang ating magiging sandigan sa ating lahat ng kailangang gawin. Hindi ang ating sarili ang makapagpapagaling sa atin ngunit Diyos lamang. Maaring ang ibang tao rin ay maraming nasasabi sa atin tulad ng mga Pariseong maraming nasasabi kay Jesus. Maraming nagsasabi na bakit pa magdadasal, mangungumpisal at magsisimba kung magkakasala rin lamang tayo?

Hindi naiitindihan ng karamihan na habang buhay habang tayo’y nandirito sa mundo ay bahagi na ang mga ito ng ating buhay. Kaya nga mas lalo nating kailangan ng Diyos upang magpursigi at magsumikap kahit pa tayo ay magkakamali ulit. Ang mahalaga ay sumusubok tayo. Ang importante ay alam nating walang hanggan ang pagpapatawad ng Panginoon habang tayo’y nabubuhay dito sa lupa.

Kapag nakita ng Panginoon ang determinasyon ng ating puso, siya mismo ang mag-aangat sa atin. Kailangan lamang natin iunat ang ating kamay sa kanya at pagagalingin niya ito nang lubusan.

Hindi pagiging perpekto ang hanap natin sa buhay na ito ngunit ang progreso. Ang patunay na sa bawat hakbang ng ating buhay ay natututo tayo para sa paghahanda sa susunod nating buhay – sa buhay na walang hanggan.
Para na ring sinabi o tinanong ng iba na bakit pa tayo naliligo kung madudumihan lamang tayo? Ibig bang sabihin nito’y hindi na tayo maliligo habang buhay dahil madudumihan lamang rin lang?

Kaya nga laging bukas ang pintuan ng mga kumpisalan kapag kailangan nating aminin ang ating mga kasalanang nakakapagpabigat sa atin. Pumasok tayo sa simbahan bukas ang pintuan lagi nito o maging sa altar ng ating tahanan. Nang sa gayon, matagpuan natin ang Diyos na naghihintay sa atin nang bukas palad. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita 

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?