Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagsunod sa Tawag ng Puso”


Photo Credit: airpacific.asia

 

 

Enero 22, 2019. Martes. Ika-2 Linggo sa Karaniwang Panahon. 

Salmo 111: Pangako ng Poon nati’y lagi nating gunitain. 

Unang Pagbasa: Hebreo 6:10-20

Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo’y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos.

Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan.

Kaya’t huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya.

Nang mangako ang Diyos kay Abraham, siya’y nanumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako. Dahil wala nang nakakahigit pa sa kanya, nanumpa siya sa sarili niyang pangalan.

Sinabi niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at ang lahing magmumula sa iyo ay aking pararamihin.”

Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap naman niya ang ipinangako sa kanya.
Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito’y pinapagtibay ang usapan.

Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin.

Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya’t tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.

Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito’y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan.

Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Ebanghelyo: Marcos 2:23-28

Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila’y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng uhay. Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!”

Sinagot naman sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong panahong si Abiatar ang pinakapunong pari?

Nang si David at ang kanyang mga kasama’y magutom at walang makain, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog sa Diyos.

Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon.”

Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga.

Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.”

Pagninilay:

Para sa mga Hudyo noong araw ay napakasagrado ang araw ng pamamahinga o “Sabbath Day” sa Ingles dahil sinabi mismo sa lumang tipan na sa ika-pitong araw ay namahinga ang ating Panginoon. Hindi sila maaring gumawa ng kahit ano. Napakahigpit ng obserbasyon sa batas na ito at lalo pa ang pagkain ng alay na para noon sa mga pari lamang.

Ngayon ang tanong ay bakit ito ay tila binali ng Panginoon? Kung hindi man niya sinunod ang mga patakarang ito sa araw na iyon ay dahil upang ipaalala sa atin ang kahulugan ng bawat kautusan ng Panginoon. Mahalaga na maintindihan ang batas na ito – para saan, anong pakay. Ang lahat ay para sa ikabubuti ng tao.

Madalas mayroon tayong Pariseo sa ating mga puso. Mas madalas maghusga ng kapwa at sabihan silang makasalanan nang hindi natin nakikita ang mali sa ating sarili. Subalit ang Diyos ay nakikita ang lahat ng ito, alam niya at nasa kanya ang karunungan nang mahalaga sa kanyang paningin o hindi. Kailangan nating laging hingin ang kanyang pag-gabay sa mga desisyon natin sa buhay.
Kaya naman sa sitwasyon noon kung saan gutom na gutom na at walang makain, ano ba ang uunahin nila? Ang sumunod sa batas o ang tugunan ang pangangailangan ng kapwa?

Ganito rin tayo sa panahon ngayon, minsan marami tayong iniisip na nagiging balakid upang makatulong tayo sa kapwa. Nahuhusgahan sila sapagkat pulubi, madungis o matanda. Hindi natin nakikita na ang Panginoon ay lagpas sa mga ito ang pagkakaturing sa ating. Ganoon din dapat tayo sa ating mga kapwa.

Ang Diyos ay laging sobra sobra kung magbigay. Laging tungo sa nakabubuti sa kapwa ang kanyang iniisip hindi lamang masunod ang batas. Oo mayroon tayo ng mga ito at alam nating para sa nakabubuti ito subalit higit na mas mahalaga kaysa kahit ano ang awa at habag na nararamdaman sa kapwa.

Tumulong. Magbigay tayo kahit anong maging kahinatnan. Pagnilayan po natin ito.

Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.