Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pagtatanggol sa Katotohanan”

 

 

 

 

Hulyo 10, 2020. Biyernes sa Ika-14 Linggo ng Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan. Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ang pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay ng mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang nakasusumpong ng awa ang mga ulila.”

Sabi ng Panginoon,
“Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.

Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”
Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17
Pupurihin ko kailanman ang dakila mong pangalan.

MABUTING BALITA
Mateo 10, 16-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Ngayon, sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Maging matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ano ang ibig sabihin ng mga payo ni Jesus sa atin? Ano ang ibig sabihin ng pagiging “mga tupa sa gitna ng mga asong gubat, matalino gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati.”? Alam natin na magpasahanggang ngayon, napakaraming kaguluhan. Napakaraming opinyon at mga boses na naglalaban-laban at nagsasalita. Ito ang ating dapat gawin. Kahit na ang mundo ngayon ay tila puno ng asong gubat na handang umaway, makipagtalo at makipagkagulo, maging tulad tayo ng mga tupang laging kalmado at maamo. Nang sa gayon ay hindi tayo mabitag sa tukso ng pagmamataas, pagmamalaki, pagbibintang sa kapwa at masasama o negatibong pag-iisip. Kung magiging tila rin tayo asong gubat, sunggab nang sunggab nang hindi nagdarasal o nag-iisip, paano natin makikita at maririnig si Jesus? Kung hindi nais at kalooban ng Diyos, walang saysay ang ating pagpapagal at mga salita.

Kailangang maging wais tayo tulad ng mga ahas. Hindi ang mapanlinlang nitong pagkawais ngunit ang katalinuhang nagagamit sa mabuti. Dapat alamin natin kung walang maidudulot na mabuti ang mga bagay-bagay o pakikitungo sa mga piling tao. Matuto tayong umiwas at ilagay ang sarili sa mga bagay kung saan tayo mas produktibo. Gaya rin ng mga kalapati, magandang maging mga inosente tayo at hindi nakikisali sa paghuhusga at pagkamalisyoso ng iba. Hindi nakikisawsaw sa mga walang katuturang tsismis dahil lang ito ay ikinatutuwa ng marami. Hindi na kailangang pumatol sa bawat isyu dahil alam mong may higit na mas mabuti at dapat gawin na mas makakatulong sa iba.

Sa huli, kapag nagawa mo itong lahat at ikaw ay nakaranas ng pag-uusig, malinis ang iyong konsensiya at hindi ka matatagpuan ng may sala. Apakan man ng iba, Diyos ang mag-aangat sa iyo. Siya ang magtatanggol sa iyo. Wala kang aalalahanin pa ‘pagkat lagi nating kasama ang Diyos, tuturuan at gagabayan Niya tayo. Amen. +
Pagnilayan natin ito at pakatandaan.

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

—————

Gusto mo bang tumulong?

Mag-donate na sa Caritas Manila!
Pumunta sa https://caritasmanila.org.ph/ at alamin kung paano.

Walang maliit na tulong sa paningin ng Panginoon kung ibinibigay ito ng may pagmamahal.
Kung ano man ang ibinigay mong tulong, ibalik nawa sa’yo ng Panginoon makailang ulit at biyayaan ka pa nawa ng Diyos! Amen. +

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?