Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pananalangin nang Mabuti”

 

Oktubre 8, 2020. Huwebes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Galacia 3, 1-5
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Galacia

Nahihibang na ba kayong mga taga-Galacia? Sino ang nakagayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag sa inyo ang pagkamatay ni Hesukristo sa krus! Ito lamang ang ibig kong malaman sa inyo: tinanggap ba ninyo ang Espiritu dahil sa pagsunod sa Kautusan o dahil sa inyong pakikinig at paniniwala sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo? Napakahangal ninyo! Nagsimula kayo sa Espiritu at ngayo’y nagwawakas sa laman. Wala na bang halaga ang naging karanasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Bakit ba ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos ang Espiritu? Bakit ba siya gumagawa ng mga himala? Dahil ba sa inyong mga gawa ayon sa Kautusan o dahil sa inyong paniniwala sa Mabuting Balita.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 69-70. 71-72. 73-75
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Nagpadala ang Diyos sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.
At sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Poong Diyos ay purihin, nilingap n’ya ang Israel.

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 5-13
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Huwebes po sa ating lahat! Gaano ba tayo kapursigido sa pananalangin? Tayong mga tao ay likas na mainipin. Madaling mawalan ng tiwala at pananampalataya sa Diyos. Madaling sumuko kapag hindi nakuha ang gusto agad-agad. Subalit ang ating Ebanghelyo ay may tinuturo sa atin. Patuloy tayong manalangin nang may tiwala sa Panginoon kahit pa maghintay. Mahal Niya tayo bilang mga Anak at gusto Niya ang pinakamainam sa atin. Kung hindi man tayo pagbigyan agad-agad, ay ibig sabihin maghintay lamang tayo. Lalago naman tayo sa pasensiya at pananampalataya sa paghihintay na ito. O kaya naman ay may ibang dapat para sa atin na ibibigay ng Diyos, na hihintayin din natin mula sa Kanya. Mas higit pang mainam kaysa sa ating hinihiling mula sa puso ng Diyos na bukal ng pag-ibig para sa ating lahat.

Lahat ng panalangin ay naririnig ng Panginoon, subalit lagyan nawa natin ito ng pananampalataya na siyang magtutulak sa atin na huwag sumuko. Ito ang magtutulak sa atin upang patuloy na kumatok sa puso ng Diyos dahil alam nating pagbubuksan at pagbubuksan tayo. Alam natin na bibigyan Niya tayo ng higit pa sa ating inaasam. Kung manghina man ang ating loob ay pati ito at ang matibay na tiwala sa Diyos ay ating hilingin mula sa Kanya. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?