Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Paraan para sa Diyos”

 

 

 

Nobyembre 6, 2020. Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Filipos 3, 17 – 4, 1
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Kami ang gawin ninyong huwaran. Masdan ninyo ang lahat ng sumusunod sa mga halimbawang ito. Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo – at ngayo’y luhaang inuulit ko – marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Kristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ang pansin ay ang mga bagay na panlupa. Sa kabilang dako, ang langit ang tunay nating bayan. Mula roo’y hinihintay may pananabik ang Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.
Kaya nga, minamahal kong mga kapatid – aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli – magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poon D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok sa tahanan ng Poong D’yos.

ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 16, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinatanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’ Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Biyernes po sa ating lahat! Ang katiwala na hindi naging maayos ang gawa, bagamat masama ang kanyang unang nagawa ay nakagawa ng paraan upang mabuhay. Kung siya at iba pang maparaan o wais sa mata ng mundo ay maliksi sa paggawa ng daan upang mabuhay sa mundo na ito, ano naman ang ating ginagawa para sa buhay na walang hanggan?

Marami sa atin ang natutulog at hindi pinagpapahalagahan ang buhay pananampalataya. Kung kailan may pandemya, doon bumalik ang iba. Subalit madalas ay hindi na iniintindi kung paano maging isang mabuting katiwala ng Diyos. Oo, lahat tayo ay katiwala ng Diyos. Lahat ng atin ay hindi talaga sa atin kung hindi Kanya. Kaya nga pagdating ng kamatayan ay wala tayong dinadala at iniiwan lahat sa lupa. Paano kaya natin magagamit ang pagkawais, maparaan, at iba pa para makamit ang kaligtasan na iniaalay ng Diyos – ang buhay na walang hanggan? Ito ay tinatrabaho at pinagiisipan.

Hindi ito basta babagsak sa ating palad. Kailangan nating gampanan ng mabuti ang mga misyon at bokasyon na ipinagkatiwala sa atin ng Panginoon. At kung tayo man ay nagkasala, gumawa rin tayo ng paraan upang mapalapit sa Diyos dahil wala tayong ibang pupuntahan na iba pang pawang maganda at mabuti kung hindi sa Kanya lamang. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?