Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Pasasalamat sa Pagkain”

Pebrero 15, 2020. Sabado ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Hari 12, 26-32; 13, 33-34
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, sumaisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili: “Kapag ang mga taong ito’y hindi tumigil sa pagpunta sa Templo ng Panginoon sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog uli ang kanilang loob sa dati nilang panginoon, si Roboam na hari ng Juda, at ako’y kanilang papatayin.”

Kaya nga, matapos mapagkuru-kuro ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang toreteng ginto at sinabi sa bayan: “Huwag na kayong mag-abalang umahon sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong Diyos na humango sa inyo sa Egipto.” Inilagay niya ang isa sa Betel at isa nama’y sa Dan; at ang bagay na ito’y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumunta sa Betel upang sambahin iyong una; mayroon namang nagtungo sa Dan upang sambahin ang ikalawa. Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga saserdoteng hindi mula sa lipi ni Levi, kundi mga karaniwang tao lamang.

Ginawa niyang pista ang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa dambana sa Betel sa mga toreteng ginto na kanyang ginawa roon at pinapaglingkod niya roon ang mga saserdoteng inilagay niya sa mga sambahan sa burol.

Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya paglalagay ng mga saserdoteng hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang saserdote ng mga sambahayan. Ito ang naging sanhi ng hindi niya pananatili sa pagkahari.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 6-7a. 19-20. 21-22
Tugon: Panginoong masintahin, ang bayan mo’y gunitain.

MABUTING BALITA
Marcos 8, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong mga araw na iyon, muling nagkatipon ang mga tao. Naubos nila ang kanilang pagkain, kaya’t tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko nang gutom, mahihilo sila sa daan – galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” “Saan po tayo kukuha ng tinapay dito sa ilang para magkasya sa ganito karaming tao?” tugon ng mga alagad. “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus. “Pito po,” sagot nila.

Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay, at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Gayun nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos, at iniutos niyang ibigay din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga pira-pirasong tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki. At may apatnalibo ang kumain. Pinayaon ni Hesus ang mga tao, saka siya sumakay sa bangka, at nagtungo sa lupain ng Dalmanuta.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang mapagpalang Sabado po sa lahat! Ang Panginoon ang nagbibigay ng ating kakainin sa araw-araw. Bagamat pinagtrabahuhan natin ito, walang lalapag sa ating hapag na hindi niya ipinahintulot. Sa gayung paraan, bukod sa pagkaing pangkatawan, ibinigay din Niya ang sariling dugo at katawan para sa atin upang tayo ay magkaroon ng buhay – buhay na walang hanggan. Ang Ebanghelyo ngayon ay hudyat ng pagbibigay na ito ni Jesus. Tinapay na mula sa langit. Hindi nilikha ng tao. Ngunit ibinigay para sa tao at kasama ng tao. Dahil sa lubos na pag-ibig ng Diyos sa atin, ginagawa niya kahit ang imposible sa ating paningin. Naniniwala ba tayo rito? Nakakapagpasalamat ba tayo sa Diyos nang nararapat para sa lahat ng bagay?

Pagnilayan natin ito at hingiin ang tulong ni Maria, ng mga anghel at mga banal. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at mapagkailanman. Amen. +

🌾Gospel Reflections : Francesca Ana Maria Margarita D.J.

🌾Gospel Text 📒: Awit at Papuri Communications

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.