Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Samahang Nagtatagal Dahil sa Diyos”


Photo Credit: pinterest.nz

 

Marso 1, 2019. Biyernes. Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 119: Sa pagsunod sa utos mo, Poon, pangunahan
mo ‘ko.

Unang Pagbasa: Sirac 6:5-17
Ang magiliw na tinig ay nakakaakit ng maraming kaibigan, at ang matamis na pananalita’y susuklian ng magandang sagot.

Makipagbatian ka sa maraming tao, ngunit isa lamang sa sanlibo ang hihingan mo ng payo. Bago ka makipagkaibigan kaninuman, subukin mo muna siya, at huwag mo siyang pagtitiwalaan agad.

Sapagkat may mga kaibigang mapagsamantala na di mo maaasahan sa oras ng pangangailangan. May kaibigang hindi nagtatagal at nagiging kaaway mo, at ibubunyag pa niya ang pagkakagalit ninyo, palalabasin ka pa niyang kahiya-hiya.

Mayroon ding kaibigang kasalu-salo mo sa pagkain, ngunit pababayaan ka sa oras ng kagipitan. Sa kasaganaan, didikit siya sa iyo na parang anino, uutusan niya pati ang mga katulong mo; ngunit sa kasawia’y pababayaan ka niya, pagtataguan ka, at di mo na siya makikita.

Lumayo ka sa kaaway, at mag-ingat ka sa kaibigan.

Ang matapat na kaibiga’y parang matibay na kanlungan, kapag nakatagpo ka ng tulad niya’y para kang nakahukay ng kayamanan. Walang kasinghalaga ang matapat na kaibigan; hindi siya matutumbasan ng gaano mang salapi.

Ang matapat na kaibiga’y parang gamot na nagbibigay-buhay, at siya’y matatagpuan lamang ng mga may paggalang sa Panginoon.

Ang may paggalang sa Panginoo’y makakatagpo ng tapat na kaibigan, at ang mga kaibigan niya’y tulad niyang may paggalang sa Panginoon.

Ebanghelyo: Marcos 10:1-12

Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila’y kanyang tinuruan.

May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya’t lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?”

Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?”

Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.”

Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae.

‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa.

Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.”

Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito.

Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa.

Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Pagninilay:

Dapat munang sinusuri nang mabuti ang lahat ng ating nakikilala dahil ang pagtitiwala ay hindi biro. Sabi nga ito’y parang isang mamahalin na babasaging bagay na kapag ka nawasak ay napakahirap ibalik. Maibalik man ito, ito’y nangangailangan nang matinding pag-iingat na at mahabang panahon upang maghilom. Minsan ang iba’y hindi pa nga.

Sa gayong paraan namumuo ang mga relasyon na hahantong sa pag-aasawa. Dapat lamang na mauna muna ang pagkakaibigan. Isang samahan na namumuo sa pagtagal ng panahon at pagiging matapat. Hinuhubog ito ng mga pagsubok sa buhay dahil dito nagiging mas puro ang pagmamahal. Maraming pinagdaraanan ang pagkakaibigan at nagkakakilalang mabuti. Ito’y hanggang sa maging karapat-dapat na ang pusong magsabi ng pangako na “walang iwanan” o kaya naman ay hanggang mag-ibigan na nang tuluyan at manumpa sa harap ng Altar na “Sa hirap man o sa ginhawa” ay magsasama. Ano ngayon ang nangyayari sa ating sosyedad?

Nakakalungkot dahil, hindi naman kasalanan ng Sakramento ng Kasal o pag-aasawa ang maraming mga naghihiwalay na mga tao ngayon. Lalong mas hindi rin ito kagagawan ng Diyos na siyang lumikha ng Sakramentong ito. Marami sa ating nakakalimutan na ang halaga ng paghihintay. Marami sa mga magkakarelasyon at mag-aasawang kapag hindi na nila nakukuha ang kanilang gusto ay hihiwalay na. Ang damdamin na ang pinagbabasehan. Ang damdamin na madaling magbago at paiba-iba ng emosyon. Subalit kung ang relasyon ng mag-asawa ay base sa isang desisyong mananatili hanggang sa huli. Sa desisyong magiging tapat kahit anong mangyari ay ‘di sana’y mas magiging matiwasay ang samahan. Mas madaling pag-usapan at magtulungan sa mga paghihirap na darating.

Ito ang sinasabi ng Panginoong Jesus “dahil matitigas ang puso ng mga tao”. Sa halip na aminin natin ang ating mga kasalanan kung saan man tayo nagkamali o akuin ang desisyon ng ating mga pinipili, naghahanap ang tao lagi ng panglabas na dahilan na masisisi at kasama na nga dito ang pag-aasawa at kasal.

Kung tutuusin, baka nakakalimutan na kasi ng karamihan kung kanino ba galing ang pag-aasawa. Ito’y galing sa Panginoon. Marapat lamang na mula sa unang desisyon – sa pakikipagkaibigan, sa paghahanap ng magiging asawa ay hindi tawag ng laman, panandaliang aliw o anumang panglabas na dahilan ang maging ugat. Kung hindi ang parehong pag-ibig sa Panginoon at pagiging handa ng bawat isa.

Kapag ganito ay Diyos mismo ang magdudulot ng lahat ng bagay at siyang magbubuklod sa mag-asawa upang manatili kahit ano mang mangyari. Para naman sa mga nagkamali ng desisyon ay hindi pa huli ang lahat. Tanungin natin ang Panginoon upang gabayan tayo sa tamang landas na inihanda niya sa atin hindi sa paraang tayo’y magkakasala.

Pagnilayan natin ito.

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: FMM. FrancesMaryMargaret.

Defend the Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.