Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Susi sa Tunay na Kagalakan ng Puso”


Photo Credit: comorinemuritoare.ro

 

Nobyembre 14, 2018. Miyerkules. Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon.

Salmo 23: Pastol ko’y Panginoong Diyos, hindi ako magdarahop.

Unang Pagbasa: Tito 3:1-7

Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at may kapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Pagbawalan mo silang magsalita ng masama laban kaninuman, at turuan mo silang maging mahinahon at magalang sa lahat ng mga tao.

Noong una, tayo’y mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo’y kinapootan ng iba at sila’y kinapootan din natin.

Ngunit nang mahayag sa atin ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo’y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo.

Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, upang tayo’y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo’y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong buhay na walang hanggan.

Ebanghelyo: Lucas 17:11-19

Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin.

Tumigil ang mga ito sa may kalayuan at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!”

Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.”
Habang sila’y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis.

Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y isang Samaritano.

“Hindi ba’t sampu ang aking pinagaling at nilinis?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?”

Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Pagninilay:

Hindi ba natin alam na kung magkaroon tayo ng pusong mapagsalamat – isang pusong nakikita ang lahat ng maganda sa lahat ng bagay, ay mas magiging masaya tayo sa ating buhay?

Sa Ebanghelyo ngayong araw ay napansin natin ang mga pinagaling ni Jesus na mga ketongin. Sampu sila ngunit isa lamang ang bumalik upang magpasalamat sa Diyos.
Maaring larawan nga ito ng kung sino ang karamihan sa atin bilang tao. Aminin nating hindi likas sa atin ang mapagpasalamat. Ang puso natin ay maraming mga hinahangad. Pagkatanggap ng anumang regalo, biyaya o pagkabili ng mga bagay, mayroon na namang gusto at di nakukuntento. O kaya’y madaling mapuno ang ating sarili ng mga masayang nararamdaman at nalilimutan na nating ibahagi ang saya na ito sa nagbigay sa atin.

Ang kaibahan ng taong kuntento sa hindi, ay ang pasasalamat niya sa bawat mabuting bagay sa buhay. Gaano man ito kaliit, hindi lamang sa malalaki. Unang una, sa Diyos. Pangalawa, sa taong naging instrumento upang makamit natin ang mga mabuting bagay na ito. Sino ang mga ito? Hindi naman kailangan gumawa ng espesyal na bagay bago magpasalamat. Maari tayong magsimula sa mga taong nagsisilbi sa atin sa mga kainan at sa mga guwardiyang nagbubukas ng pintuan para sa atin. Isang ngiti lang o tango, at pagbati rin sa kanila ay malaking bagay na. Kahit pa bahagi iyon ng kanilang trabaho ay nagsisilbi pa rin sila sa atin at ito’y dapat pasalamatan. Bilang sila’y mga tao rin.

Gusto mo bang maging masaya? Bukod dito’y, sikapin mong doon ituon ang iyong puso sa magagandang nangyari huwag sa mga di maganda – kahit gaano pa ito kasaklap. May oras para damhin ang pagkadismaya at lungkot, o minsan galit at inis ngunit huwag natin itong panatilihin ang mga puso. Ang mga ketongin ay lumakad at gumaling. Tama bang isipin pa nilang mga ketongin sila kung sila’y pinagaling na? Iyon ay dahilan na ng kanilang pagdiriwang. Hindi man agad-agad at may prosesong kailangang daanan. Kailangan pa nating tumuloy at maglakad. Nang may pag-asang sa daan ay doon din tayo makakatagpo ng ginhawa.

Laging may paraan ang Diyos kung mananalig ka. Hayaan nating Diyos ang magdulot sa atin ng mga bagay na higit pa sa ating ipinagdasal sa kanyang kagandang loob. Huwag nating hayaang mamayani ang mga mithiin ng puso na ang ugat ay “Dapat ganito” “Gusto ko yung kanya”. Ito’y pawang mula sa pusong naiinggit at mapagmataas. Tunay nga, para sa mga taong ganito, walang kahit anong makakapagpaligaya sa kanila at mahirap makuntento sa buhay.

Subalit para sa ating mga naniniwala saD iyos at gustong sumunod sa kanyang mga yapak, makakalaya tayo sa ganitong nakakasakal na mentalidad. Kung gagawin natin araw-araw, sa umaga, gabi at sa buong araw. Maghanap ng mga bagay na dapat ipagpasalamat at ialay ito pabalik sa Diyos.

Ang ugaling mapagpasalamat ay isang biyaya sa tao. Ikaw ba ay mapagpasalamat? Kung hindi pa, simula ngayon, subukan nating pansinin ang bawat mabuting bagay simula sa maliliit. Mapapansin nating mas liligaya tayo sa buhay. Likas kasi sa mga taong mas nakikita ang hindi magagandang bagay kaysa sa mabuti. Kaya naman ang iba ay pumapayag mamuhay ng mas malungkot. Tila galit sa mundo at hindi makita ang Diyos sa buhay.

Ngunit subukan nating magpasalamat sa Diyos mula sa paggising sa umaga at sabihing “Lord, Salamat at buhay pa ako”. Bago kumain ay magpapasalamat dahil mayroong pagkain at pagkakataong mabusog.
Bawat bagay na ito, ay nakakaligtaan na natin sa sobrang abala. Kay dami nating hinahanap na kaligayahan sa iba’t ibang bagay at kung anu-anong paraan. Ngunit ito lamang ang sikreto ng buhay – ang magpasalamat. Mas lumiliwanag ang buhay di lamang sa mga nagpapasalamat kung hindi sa pinasasalamatan. Ito rin ay kababaang loob at sa ating munting paraan ay makakapagpaligaya din tayo ng iba. Magpasalamat tayo sa lahat ng bagay at oras dahil ito’y malugod sa Diyos.

Panalangin: Jesus, lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng iyong biyayang ipinagkaloob – lahat ng alam ko at mga hindi ko alam. Patawarin mo ko sa pagkakataong di ako nakapagbigay-pugay sa iyo. Mula ngayon ay hinihiling kong bigyan mo ako ng pusong mapagpasalamat nang purihin kita habang buhay at hanggang sa walang hanggan. Amen. +

Pagpalain nawa tayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen +

Maraming Salamat sa Inyong Pagsubaybay!

Tulungan ninyo kaming ipamahagi ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pag-CLICK at SHARE nito. I-TAG na rin ang inyong mga kaibigan sa post na ito!

Copyright Reflections Written By: Admin. FMM Francesca Maria Margarita

 

Defend The Catholic Faith
Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.