Bible Catholic Church Catholic Faith Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Tagasunod ng Diyos”

 

 

 

 

Setyembre 23, 2020. Paggunita kay San Pio ng Pietrelcina, Pari.
Miyerkules ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
Kawikaan 30, 5-9
Pagbasa mula sa aklat ng mga Kawikaan

“Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita pagkat pagsasabihan ka niya na isang sinungaling.”
“Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong bayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako’y matuto akong magnakaw at sa gayo’y malapastangan kita.”
Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 118. 29. 72. 89. 101. 104. 163
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.

Sa landas na di matuwid, huwag mo akong babayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Higit pa sa ginto’t pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Ang salita mo, O Poon, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Sa bigay mong mga utos, natamo ko’y karunungan,
kaya ako’y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.
Sa anumang di totoo muhi ako’y nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
Salita mo’y aking tanglaw, patnubay ko araw-araw.

ALELUYA
Marcos 1, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos ay maghahari na,
talikdan ang tanang sala,
manalig sa balita n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 9, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, tinawag ni Hesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kakayahan at kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga karamdaman. At sinugo niya sila upang ipahayag ang paghahari ng diyos at magpagaling ng mga maysakit. Sila’y pinagbilinan niya: “Huwag kayong magbaon ng anuman para sa inyong paglalakbay kahit tungkod, supot, tinapay, salapi o bihisan. Makituloy kayo sa alinmang bahay na tumanggap sa inyo, at manatili roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At sakaling hindi kayo tanggapin, umalis kayo roon, at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa bilang babala sa kanila.” Kaya’t humayo ang mga alagad at naglakbay sa mga nayon, na ipinangangaral ang Mabuting Balita at nagpapagaling ng mga maysakit sa lahat ng dako.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Isang maligayang kapistahan po ni San Pio ng Pietrelcina! Isang napakasikat na banal na mga dalawampung taon pa lamang mula ng siya ay maging isang santo ng simbahan. Subalit base sa ating Ebanghelyo ay ginanap niya ang mga habilin ni Jesus. Bagamat hindi siya isa sa mga labindalawang alagad, at hindi siya nabuhay noong panahon ni Jesus. Siya ay sa makabagong panahon at namatay noong 1968 lamang, at nasunod niya ang Salita ng Diyos. Namuhay siya bilang isang simpleng Pransiskanong prayle. Walang ginawa mula araw hanggang gabi kung hindi magdasal, ang pahinga niya ay dasal, maggabay ng mga tao sa buhay espiritwal at magpakumpisal. Simple man ito sa iba, ngunit ito ay sapat na para sa Diyos. Ginawa ito ni San Pio nang buong kababaang loob at buong pag-ibig bilang isang pari ng Diyos. Nagkaroon siya ng stigmata at mga sugat ni Jesus sa kanyang kamay, balikat at mga paa. Inialay niya ang lahat ng ito bilang sakripisyo sa Panginoon. Tinanggap niya ang lahat ng pasakit na dumating sa kanyang buhay at naging biktima para sa mga tao. Gaya ni Jesus.

Ganito rin ang ating tawag sa atin – ang maging banal. Hindi tayo tinatawag sa hindi natin kaya. Bagkus, ibinigay na at ibibigay pa ang lahat ng kailangan natin upang maging santo. Hindi man makilala ng simbahan o ng ibang tao, lahat tayo ay tinatawag upang maging banal at mapunta rin sa langit gaya ng mga santo. Gaya ni Santo Pio, tanggapin nawa natin at tiisin ang mga paghihirap sa buhay. Piliin natin itong daanan kasama ni Jesus at sa Kanya. Gawin natin ang anumang kaya nating gawin na mabuti at Diyos ang bahalang magbigay ng gantimpala, hindi man dito ngunit hanggang kabilang buhay kung saan ang kayamanan ay hindi nabubulok at kapiling ng mga santo, anghel at ng Diyos sa langit. Amen. +

Pagnilayan natin ito. Amen. +
Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?