Bible Catholic Church Catholic Faith Christian Daily Gospel on DCF

ANG MABUTING BALITA ARAW-ARAW: “Tagumpay Kasama ng Diyos”

Setyembre 3, 2020. Paggunita sa Dakilang Papa San Gregorio, Pantas ng Simbahan. Huwebes ng Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon.

UNANG PAGBASA
1 Corinto 3, 18-23
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid, huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya’y marunong ayon sa sanlibutang ito, ibilang niyang siya’y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Ganito ang sinasabi sa Kasulatan, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayun din, “Alam ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya’t huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Ang lahat ay inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro; ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap – lahat ng ito’y sa inyo. At kayo’y kay Kristo, at si Kristo nama’y sa Diyos.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Ang daigdig lahat doon, ang may-ari’y ating Poon.

MABUTING BALITA
Lucas 5, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Pinagkalipumpunan siya ng napakaraming tao na ibig makarinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nakalunsad na ang mga mangingisda at naghuhugas ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simong may-ari nito, na ilayo nang kaunti sa tabi. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.

Pagkatapos niyang magsalita ay sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod at wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Gayun nga ang ginawa nila at sa dami ng kanilang huli ay halos magkansisira ang kanilang mga lambat. Kaya’t kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa ibang bangka upang patulong, at lumapit naman ang mga ito. Napuno ang dalawang bangka na halos lumubog. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y nagpatirapa sa paanan ni Hesus at nagsabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli; gayun din sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon. At sinabi ni Hesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mamamalakaya ka ng mga tao.” Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Pagninilay:

Maligayang Kapistahan po ng Dakilang Papa, San Gregorio! Ngayon po ay natunghayan natin ang pangangaral ni Jesus at ang tagpo nila ni Simon Pedro at ng kanyang mga kasama. Noong una noong wala pa si Jesus ay wala silang mahuling isda. Magdamag na sila doon, subalit sinabihan pa sila ni Jesus na ihulog ang lambat. Sumunod naman si Pedro bagamat may kaunting duda sa kanya. Matapos nito ay napakarami ng kanilang nahuli. Halos magkandasira ang mga lambat at muntik na ring lumubog ang mga bangka sa sobrang dami.

Ano ang matututunan natin dito? Kapag hindi kalooban ng Diyos, kahit magdamag tayong maghintay ay wala tayong mapapala. Kung hindi natin kasama ang Panginoon sa ating pagpaplano, sa ating mga pangarap at minimithi, mababalewala ang mga ito. Sapagkat, ang tunay na kasaganaan, kaligayahan at katuparan ng ating mga pangarap, bokasyon, misyon at lahat sa ating buhay ay nag-uugat kay Jesus, magagawa kasama Niya at makukumpleto din sa Kanya. Hindi maaring tayo lamang mag-isa. Noong sumakay si Jesus sa bangka nila saka lamang maraming huling mga isda. Halos hindi magkasya sa mga bangka at nagpatulong pa sila. Ganito rin mag-uumapaw ang ating biyaya at pagpapala; magiging matagumpay ang lahat ng ating gawain kasama ng Diyos.

Ipagdasal natin ang Kanyang kalooban at maging matapang at mapagtiwala nawa nating sundin ito. Handa ba tayong pasakayin sa ating mga bangka si Jesus? Papatuluyin ba natin Siya? Maniniwala at magtitiwala ba tayo sa Kanya kung kailan at saan Niya sabihin na ihulog ang lambat? Tanungin natin at suriin ang ating sarili. Nawa ay gaya nila Pedro, handa tayong iwan ang anumang dapat iwananan upang makasunod kay Jesus sa ating buhay. Amen. +
Pagnilayan natin ito. Amen. +

Pagpalain po kayo ng Mapagmahal at Makapangyarihang Diyos ngayon at magpakailanman. Amen. +

Reflections By: Frances Mary Margaret DJ

Readings Source: Tagalog Mass Readings © Awit at Papuri Communications www.awitatpapuri.com

Tulungan ninyo po kaming ipahayag ang Salita ng Diyos! Salamat po and God bless!

Defend The Catholic Faith

About Author

Safeguards have been created to ensure the orthodoxy of the contents of our website. If, despite strictly adhering to the dogmas and magisterial authority of the Church, errors have been pointed out and proven, I will humbly submit to the authority of the Church.

You may also like

Bible Catholic Church Catholic Faith News

WHY THE DEVIL HATES THE BLESSED VIRGIN SO MUCH (AND WHY YOU SHOULD LOVE HER)

  Satan hates the Blessed Virgin Mary. In fact, he has been doing everything in his power to discourage devotion to
Apologetics / Reflections Catholic Church The Sacraments

BINYAG, KASAL, KUMPIL AT IBA PA. BAKIT DAW MAY BAYAD? BY: ADMIN COCO

Sabi ng mga sektang kutya ng kutya sa katoliko sabi nila bakit ang kasal niyo my bayad? binyag my bayad?